Share

Chapter 3

Hindi alam ni Wyatt kung ano ang gagawin. Nasa harap siya ng bahay ni Madison ngayon at nakatayo habang hawak ang bulaklak na binili niya. Hindi niya alam kung tama ba itong ginagawa niya pero sa tingin niya ay oo naman. Hindi din kasi siya tinigilan ng lola niya tungkol sa dalaga.

Mukhang nagalit talaga sa kanya ang dalaga kahapon dahil nang sumapit ang hapunan kahapon ay hindi ito pumunta. Hindi naman gano’n ang dalaga noon. Kahit hindi niya ito i-invite ay dadating at dadating pa din ito sa bahay nila at makikikain na akala nito’y sa bahay nila ito nakatira, lalo na’t nasa bahay ang lola niya.

Close ang dalawa kaya nga minsan nalilito siya kung sino ba talaga ang tunay nitong apo, siya ba o si Madison. Palagi na lang kasi ang dalaga ang palagi nitong kinakampihan. Ang palagi nitong rason ay babae ito, but what about him? Siya na nga itong sinasaktan ng physical ng dalaga ay ito pa din ang kinakampihan ng lola niya.

Anyway, kahit naman gano’n ay wala siyang sama ng loob sa lola niya o sa dalaga. Natutuwa nga siya kapag magkasama ang dalawa dahil walang araw na hindi masaya ang dalawa. Nagpapasalamat nga siya kay Madison dahil napapasaya nito ang lola niyang mahal na mahal niya.

Nang mamatay kasi ang lolo niya, ang asawa ng lola niya, ay minsan na lang niyang makitang masaya ang lola niya. Pero dahil sa pagiging makulit at masayahin ni Madison ay muli nitong napasaya ang matanda na ikinapapasalamat naman niya.

Napabuga siya ng malakas na hangin. Kahit parang aso at puso sila ng dalaga ay aaminin niyang ayaw niyang sumasama ang loob nito sa kanya. Mas lalo nang ayaw niyang nagagalit ito sa kanya kaya nga sa tuwing nagtatampo ito ay sinusuyo niya kaagad. Kagaya na lang ngayon.

Huminga siya ulit nang malakas na hangin saka napagdesisyunan na kumatok. Agad siyang ngumiti nang hindi magtagal ay bumukas ang pinto. Akala niya ay si Madison kaagad ang makikita niya pero laking dismaya niya ng ang katulong ito ng dalaga.

“Ay, good morning, Sir Wyatt.” Mas nilakihan nito ang pagbukas ng pinto. “Si Ma’am Madison po ba ang hanap niyo?” Tumango siya bilang sagot dito. “Ay, maagang umalis si Ma’am , eh.”

“Saan siya pumunta?” Napasilip siya sa loob dahil baka nasa loob ang dalaga at nagtatago lang. Ayaw nitong magpakita sa kanya dahil sa nagtatampo nga ito.

“Sa flower shop niya po. May aasikasuhin po kasi daw siya kaya maaga siyang umalis.” Napabuga siya ng hangin.

“Sige.” Tumango siya dito at umalis na.

Pumasok siya sa sasakyan niya at pinaandar ito papunta sa flower shop ni Madison. May flower shop ang dalaga kaya kapag hindi niya ito nahahanap ay doon siya pumupunta. Mahilig kasi ito sa mga bulaklak. Sinabi nga nito minsan sa kanya na stress reliever nito ang mga bulaklak. Kaya nga sa tuwing nagtatampo ito sa kanya ay bulaklak ang binibigay niya.

Nag-parking na siya nang makarating na siya sa harap ng flower shop ni Madison. Lumabas na siya at pumasok sa flower shop.

“Good morning---” natigilan ang staff ni Madison nang makitang siya ang pumasok. Inilagay niya ang hintuturo sa gitna ng labi niya, senyales na huwag itong maging maingay sa pagdating niya.

“Si Madison?” tanong niya dito na walang boses nang mapansin niya na wala ang dalaga sa counter.

Napangiti ito sa kanya at tinuro ang pinto ng opisina ng dalaga. Tumango siya dito at pumunta sa harap ng pinto nito. Kumatok muna siya bago pumasok.

“Britney, busy ako. Pwedeng mamaya na lang?” sabi ni Madison habang nakatutok pa din sa binabasa nitong papel. Akala siguro nito ay ang manager ng flower shop nito ang pumasok. Ni hindi man lang kasi siya nito binalingan nang tingin. “Britney---” natigilan ito nang iangat nito ang tingin sa kanya. Naiwan sa ere ang sasabihin sana nito. “Wyatt? Anong ginagawa mo dito?”

“Mukhang busy ka. Should I just go? Babalik na lang ako mamaya.” Aalis na sana siya nang pigilan siya nito.

“N-No. Hindi naman ako gano’n ka-busy.” Napangiti siya sa sinabi nito. Kahit kailan ay inuuna talaga siya nito. Mabilis nitong nilinis ang mesa at inayos ang mga papeles. “Ano nga pa lang ginagawa mo dito?”

Nagulat na naman ito nang inilahad niya malapit sa mukha nito ang dala niyang bulaklak. Wala sa sariling kinuha ito ng dalaga at napatitig sa bulaklak.

“Gazania,” bulalas nito sa pangalan ng bulaklak na binigay niya. Napatingin ito sa kanya. “It’s my favorite flower.”

Ngumiti siya dito at kumindat. “I know kaya nga ‘yan ang binigay ko sa ‘yo kasi alam kong paborito mo.”

Sinamaan siya nito nang tingin pero hindi pa din nito maitatago ang kilig at tuwa sa mga mata nito. “Bakit mo naman ako bibigyan ng bulaklak? Hindi mo naman ako girlfriend para bigyan mo ako ng bulaklak.” Tumaas ang kilay nito.

“Girlfriend lang ba dapat ang binibigyan ng bulaklak? Hindi ba pwedeng girl friend din?” Hindi ito sumagot kaya naman napabuntong-hininga siya. “Look, I’m sorry.” Natigilan ito sa sinabi niya. “Sorry kung nagtampo ka o kaya sumama ang loob mo sa akin dahil sa biro ko kahapon. I didn’t mean to offend you.” Napabuntong-hininga siya. “Alam mo naman ayaw kong nagtatampo ka sa akin, eh.”

Napalabi ito dahil pinipigilan nito ang ngiti nito. “Thank you.” Namula ang mukha nito habang sinisimot nito ang bulaklak. “Dahil dito nawala ang tampo ko sa ‘yo,” bulong nito pero narinig naman niya.

“Anyway, aalis na ako.”

“Agad-agad?” Mabilis itong lumapit sa kanya.

“Yeah, may meeting pa kasi ako kaya kailangan ko nang umalis. Dumaan lang talaga ako dito para ibigay sa ‘yo ang bulaklak.”

Nakita niya ang lungkot sa mukha nito dahilan para makonsensya siya. Ayaw na ayaw niya talaga na nakikitang malungkot ito. Ewan ba niya kung bakit niya ‘yon nararamdaman.

“Sige, mag-iingat ka. Salamat ulit sa bulaklak.”

Bumalik na ito sa mesa nito at nagpatuloy sa ginagawa nito. Napabuga siya nang malakas na hangin. Bakit ba hindi niya ito matiis? Bakit na ayaw niyang nakikita itong malungkot? Napailing-iling na lang siya.

“Free ka ba mamaya?” tanong niya dahilan para mapatingin ito sa kanya nang nagtatanong. “Gusto mo bang mag-dinner kasama ako mamaya?”

Nanlaki na naman ang mga mata nito at napangiti. “Dinner? Later?” Tumango naman siya. “Sure. What time?”

“Susunduin na lang kita mamaya.”

“Sige, hintayin kita.”

Tuluyan na siyang nagpaalam dito.

NANG mawala na sa paningin ni Madison si Wyatt ay pigil niya ang sigaw na pinakawalan niya. Sumisigaw siya pero wala itong boses. Kanina pa niyang gustong sumigaw dahil sa kilig.

Hindi naman ito ang unang beses na binigyan siya ni Wyatt ng bulaklak sa tuwing nagtatampo siya pero hanggang ngayon ay kinikilig pa din siya kapag ginagawa ito ng binata. Pakiramdam niya kasi ay importante siya dito at ayaw nito na nagtatampo siya.

Sa totoo lang ay hindi din naman nagtatagal ang tampo niya dito dahil nami-miss kaagad niya ang binata kapag iniiwasan niya ito. Kahit kailan ay hindi niya ito matiis, gano’n niya kasobrang mahal ang binata.

“Mukhang good mood na kayo, Ma’am, ah.” Napatingin siya kay Daisy na hindi niya alam na nakapasok na pala sa opisina niya. “Sabagay, sinong hindi kikiligin kung bibigayan ni Sir Wyatt ng bulaklak, di po ba? At saka hindi lang basta-basta na bulaklak ang binigay. Iyong paborito mo pa talaga.”

Napailing na lang siya sa sinabi nito. “Pumasok ka kaagad sa opisina ko nang hindi man lang kumakatok, Daisy.” Tumayo siya saka kumuha ng flower vase para doon ilagay ang bulaklak na bigay ni Wyatt sa kanya.

“Ma’am, kanina pa ako kumakatok. Ang kaso ay busy kayo sa pagiging kilig kaya hindi niyo napapansin. Iba talaga ang nagagawa ng pag-ibig,” naiiling nitong sabi.

Hindi na lang siya umimik dahil alam naman niya sa sarili niya na kapag kinikilig siya kay Wyatt ay talagang nawawala na siya sa sarili at wala na siyang pakialam sa paligid niya. Minsan pakiramdam niya ay nasa ibang mundo siya.

“Anyway, anong kailangan mo?” Nilagyan na niya ng tubig ang vase at nilagay na din ang bulaklak.

“Gusto po kayong makausap ng client about sa mga bulaklak na gusto nilang gamitin sa kasal.”

“Okay. Papasukin mo sila.”

“Sige, Ma’am.” Lumabas na din si Daisy habang siya ay nakatingin sa mga bulaklak.

Napangiti na lang siya. “You’re making me fall in love with you over and over again, Wyatt.” Napailing na lang siya.

Mga bata pa lang talaga sila ay crush na niya si Wyatt at naging mahal na niya ito. Nang mag-high school sila ay gusto niya pa din ito kahit na womanizer na ito. Dapat nga ay na-discourage na siya doon pa lang pero ewan ba niya, mahal niya, eh. Hindi niya kayang malayo sa binata.

Ito na nga siguro ang sinasabi ng iba na ‘Love is blind’, kaya kahit minsan sinasabi na sa kanya na mag-move on siya dahil wala siyang mapapala kay Wyatt ay hindi niya magawa. Hindi niya magawang ibaling sa iba ang atensyon at pagmamahal niya. Talagang si Wyatt lang ang nakikita niya na para sa kanya at gagawin niya ang lahat para mahalin din siya nito.

SUMAPIT ang alas syete ng gabi at nagsara na sila sa flower shop. Kanina pa nakauwi ang mga staff ni Madison habang siya naman ay naghihintay sa harap ng flower shop. Hinihintay niya si Wyatt dahil susunduin siya nito para sa dinner date nila.

Napatingin siya sa relong pambisig niya at nakitang mag-a-alas otso na pero hanggang ngayon ay wala pa din ang binata. Nagtataka na siya kung bakit wala pa ito kasi maaga naman natatapos ang trabaho nito. Hindi din niya kasi alam kung anong oras siya nito susunduin dahil wala itong sinabi.

May meeting kaya ito? Kung meron bakit hindi man lang ito tumawag sa kanya para sana alam niya.

Kinuha niya ang cellphone saka tinawagan si Wyatt. Ilang beses itong nag-ring pero hindi sinasagot ng binata. Naka-silent kaya ang cellphone nito?

Sinubukan naman niyang tinawagan si Zaver dahil ‘yon naman ang nadadali niyang tawagan maliban kay Aiden na siyang matino lang sa magkakaibigan.

“Oy, Madi, napatawag ka?” tanong ni Zaver sa kabilang linya.

“Itatanong ko lang sana kung kasama mo ba ngayon si Wyatt?”

“Si Wyatt? Oo, magkasama kami ngayon.” Kumunot ang noo niya. Napansin niya din na maingay ang kinaroroonan ni Zaver.

“Nasa club ba kayo ngayon?”

“Oo. Kasama namin ang buong barkada ngayon.”

Napakuyom siya ng kamao at napatiim-bagang. “Saang club ‘yan?”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status