Share

Chapter 1: COME BACK

Cleonne's POV

"Welcome home, Cleonne!!!" sabay-sabay na sigaw nina mama, papa, kapatid kong si Ara, at bestfriend kong si Maureen nang makita na nila ako. May hawak pa silang isang malaking banner kung saan may litrato ko pa na kinuha five years ago.

Kaagad akong tumakbo palapit sa kanila saka sumimangot. "Bakit naman sa dinami-rami ng kukuning picture iyan pa talagang js prom namin noong highschool? Mukha kaya akong shitzu riyan dahil sa bangs ko!"

"Ate, kahit naman hanggang ngayon mukha ka pa ring shitzu kahit na pa-side na ang bangs mo." pang-aasar sa akin ng kapatid kong si Ara.

"Ay, hindi naman shitzu, poodle naman." pangagatong naman ng best friend kong si Maureen. 

Kaagad ko silang sinamaan ng tingin pero sa huli ay nagtawanan na lamang din kami. 

Nakauwi na rin ako. 

Five years ago, lumipad ako papuntang Australia para roon mag-aral nang makatanggap ako ng scholarship. At ngayon, bumalik na ako para maghanap naman ng trabaho rito sa bansa namin. Pagkatapak na pagkatapak ko pa lamang sa airport ay kaagad ko nang naramdaman ang pamilyar na simoy ng hangin na nagsasabing 'I'm already home.'

"Ano na, Cley? Nakahanap ka ba ng boylet sa Australia? Baka naman may kapatid 'yon, ipakilala mo ako ha!" pagbibiro sa akin ni Maureen habang nasa loob kami ng kwarto ko. Kauuwi lang din namin sa bahay dahil kumain muna kami sa labas.

Humarap ako sa kanya habang tinatanggal ang contact lenses ko. "Gaga, wala naman akong nakilala roon ano. Nag-aral lang kaya ako."

"Talaga ba? Cley naman! Limang taon ka na sa Australia hindi mo pa nilubos! Ang hina mo naman, bes!"

"Hindi naman ako gaano lumalabas ano. Saka isa pa, alam mo namang hindi ako pwede. Kailangan ko munang mapagtapos ng pag-aaral si Ara at mabigyan ng magandang buhay sina mama at papa."

Bigla naman siyang nagsimulang pumalakpak. "Ay, bravo! Ikaw na talaga, bes! Ikaw na ang ulirang anak at ate ng taon!"

Napa-iling na lamang ako dahil sa sinabi niyang iyon. Kahit kailan talaga ay napakadaldal pa rin ng best friend kong si Maureen. Five years ago ay ganitong-ganito rin siya. Siya ang pinaka-madaldal sa aming tatlo.

"Oo nga pala, Mau."

Tumingin siya sa akin habang yakap yakap ang isa sa mga unan ko. "Huh?"

"Nakakapunta ka pa rin ba roon? Nadadalaw mo pa rin ba siya?" tanong ko sa kanya.

"Huh? Sinong dadalawin ko?" kunot-noo niyang tanong sa akin.

Huminga muna ako nang malalim bago nagsalita. "Si Riley. Nadadalaw mo pa ba siya? Birthday niya na next week, hindi ba?"

Halata namang bahagya siyang nabigla sa tanong kong iyon. Kaagad siyang bumangon mula sa kama ko saka umupo at tumingin sa akin. "Hindi ko na nga rin siya gaanong nadadalaw magmula nang magsimula akong mag-trabaho bilang marketing assistant e. Wala na rin kasi akong gaanong time..."

"G-Gano'n ba? 'Di bale, maiintindihan ka naman ni Riley e. Kilala mo naman iyon, napakabait ng babaeng iyon."

"Gusto mo bang puntahan natin siya sa birthday niya?"

Napatingin ako sa kanya. "P-Puntahan siya? S-Sa libingan niya?"

"Oo naman." inabot niya ang kamay ko saka iyon pinisil. " Cley, magmula nang mamatay si Riley hindi ka dumalaw sa kanya. Sigurado akong gustung-gusto ka na rin niyang makita.”

"Pero---"

"Huwag mo sabihing hanggang ngayon sinisisi mo pa rin ang sarili mo dahil sa pagkamatay ni Riley?"

Kaagad akong nag-iwas ng tingin mula kay Maureen. "Ako naman talaga ang may kasalanan ng lahat, kung sana tumingin ako sa daan, edi sana hindi kami naaksidente. Sana hindi nawala si Riley..."

"Ssssh! Tigilan mo nga iyan. Alam nating dalawa na hindi mo naman sinadya iyon. Sigurado akong pati si Riley hindi ka sinisisi sa nangyari."

Panandalian kaming natahimik matapos niyon. 

Five years ago, namatay dahil sa car accident ang isa naming best friend na si Riley. Actually, kasama niya ako nang maaksidente siya. Ako ang nagd-drive ng kotse niya dahil tinuruan niya ako. Habang nagtatawanan kami noon, hindi ko napansing may pasalubong pala sa amin na truck.

Lubos ang poot at galit na naramdaman sa akin ng mga magulang niya noon. Ako ang sinisisi nila sa nangyari. Maging ako man ay sinisisi ang sarili ko dahil sa nangyari. Kinasuhan ako ng mga magulang niya noon, pero napatunayang aksidente lang talaga ang lahat at hindi ko naman talaga sinadya ang nangyari kaya naman hindi ako nakulong.

Iyon din ang dahilan kung bakit pumayag akong magpunta sa Australia. Gusto kong makalayo sa lahat dahil sobra akong na-depress sa nangyari. Ginusto kong takasan ang lahat, kalimutan ang masalimuot na nangyari. 

"Anak, bakit naman hindi ka pa nagpapahinga riyan? Gabi na a." biglang sabi sa akin ni mama nang makita niya akong ginagamit pa ang laptop ko.

"May ginagawa lang po ako. Hinahanda ko kasi iyong portfolio na ipapasa ko sa paga-applyan kong kompanya bukas."

Pumasok naman si mama sa kwarto ko saka sinilip ang ginagawa ko. "Aba, napakasipag naman talaga ng poodle kong anak oh. Kararating lang dito e trabaho na kaagad ang iniisip. Pwede namang magpahinga ka muna for a week tapos saka ka na maghanap ng trabaho. Maghanap ka na muna ng boyfriend na gwapo."

"Ma, kahit kailan talaga hindi pa rin kayo nagbabago. Gwapong boyfriend talaga ang gusto niyong mahanap ko kaysa trabaho?"

"Aba, siguraduhin mo na ring mayaman siya para hindi ka na mahirapan pang magtrabaho." aniya.

Kaagad naman kaming nagtawanan dahil doon. 

"Ma, gusto mo bang magpunta tayo sa salon bukas? Parang dry na iyang buhok ninyo a." sabi ko sa kanya.

Nanlaki ang mga mata ni mama dahil sinabi kong iyon. "Talaga, anak? Magpupunta tayo sa salon? Aba, game na game ako riyan! Isama na rin natin ang papa mo dahil baka mamaya magtampo na naman iyon pati na rin si Ara."

"Oo naman, alam mo naman ang dalawang iyon laging hindi nagpapahuli."

"HINDI TALAGA KAMI MAGPAPAHULI BASTA GALAAN!"

Parehas kami ni mama na nagulat nang bigla na lamang bumukas ang pinto ng kwarto atsaka pumasok sina papa at Ara na mukhang kanina pa pinakikinggan ang usapan naming dalawa ni mama. 

Nagtinginan kami saka nagtawanan na lamang. 

Ito ang pamilya ko, at na-miss ko talaga sila.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status