Share

Chapter 2

Dalawang salita. Dalawang salita lamang ang tuluyan na nagpaguho ng mundo at pamilya ko. Buntis siya at magiging isang buong pamilya na sila. Ang pinapangarap ko lamang dati ay abot-kamay na ngayon ni Elise. Sobra ang sakit, pero mas masakit na malaman na ang lalaki na ipinaglaban ko sa pamilya ko at ibinigay ko ang lahat ay basta-basta na lamang ako na itatapon.

Bitbit ang envelope na naglalaman ng dokumento ay dumiretso ako sa opisina ni Brent. Tinawagan ko kanina ang sekretarya niya upang itanong kung naro’n ba siya at nang malaman ko na nasa opisina siya ay agad ko na inayos ang mga dokumento.

Pagkatapos nang pag-uusap namin na iyon ni Elise tatlong araw na ang nakakalipas ay napagdesisyunan ko na tuluyan nang bitawan si Brent. Isusuko ko na ang laban sa taong ayaw na ipaglaban ko siya. Simula rin ng araw na kausapin ako ni Brent na pirmahan ko ang divorce papers ay hindi na rin siya muli na umuwi sa bahay namin. Para akong mababaliw gabi-gabi sa kaka-isip kung kay Elise ba siya umuuwi. At suko na ako sa sakit at pighati na dulot niya. Hindi ko na kaya pa na patuloy na lokohin ang sarili ko na babalik siya sa akin.

Pagdating sa opisina ay agad ako na dumiretso sa sekretarya niya. Nang makita ako ay masuyo siya na ngumiti sa akin at sinamahan ako papunta sa opisina ni Brent. Kumatok siya at narinig ko ang pagtugon ng aking asawa. Binuksan ng sekretarya ang pinto at nakita ko ang pagkagulat sa mukha niya nang makita na kasunod ako ng kan'yang sekretarya pagpasok.

"You may leave us." seryoso na utos ni Bent sa sekretarya niya. Pagkalabas ng pintuan ng babae ay muli niya ako na tinapunan ng tingin. "What are you doing here?" Istrikto na tanong pa niya.

Hindi ako sumagot at lumakad na lang ako papunta sa harap ng lamesa niya. Nakatitig lamang siya sa bawat kilos ko. Pagdating sa kan'yang harapan ay inihagis ko sa lamesa niya ang envelope na naglalaman ng dokumento. Napataas ang kilay niya sa akin at kinuha ang envelope. Bago pa man niya iyon mabuksan ay agad ako na nagsalita.

"I have signed the divorce papers." Halata ang gulat at kaluguran na rumehistro sa mukha niya.

"What do you need in exchange?" Agad na tanong niya sa akin sa malumanay na boses.

"Wala. Wala ako na gusto galing sa’yo maliban sa isikreto mo ang bagay na ito lalo na sa mga magulang ko. Ako na ang bahala na magsabi ng tungkol sa paghihiwalay natin at sa divorce." Agad naman siya na tumango.

"Iiwan ko sa’yo ang bahay. Maaari ka na mamalagi roon." hirit pa niya.

Agad ako na umiling bilang tugon. "Hindi ko kailangan ang bahay. Kagaya nang nasabi ko, wala akong nais makuha maliban sa kung ano ang nararapat base sa conjugal rights natin. Aalis din ako sa bahay dahil ayaw ko nang magkaroon ng kahit na ano pa na alaala patungkol sa’yo." Nakita ko ang bahagya na paglungkot ng mga mata ni Brent sa sinabi ko.

Hinubad ko ang suot ko na wedding ring at ipinatong iyon sa lamesa niya. "Simula sa araw na ito, Brent, I am setting you free. Lahat ng kahit na ano tungkol sa’yo at sa pamilya mo ay iiwan ko na. Palalayain na kita. This is my goodbye. And I hope to never see you again."

Pagkasabi ko noon ay agad ko siya na tinalikuran. Tumayo siya sa kan'yang kinauupuan at akma na may sasabihin pa pero mabilis na ako na lumabas ng kan'yang opisina.

Ngayon araw na ito natatapos ang yugto ng buhay ko kasama si Brent Torres. Ang hiling ko lamang ay sana makalimot ako. Makalimot ako sa sakit na pinagdaraanan ko ngayon. Sana makalimutan ko ang lahat ng tungkol kay Brent at sa pagmamahal na inalay ko sa kan'ya.

At ano ang sagot upang lubusan na makalimot? Ang lunurin ang sarili sa alak. Isang gabi lamang. Isang gabi lang upang makalimot ako. Bukas, pangako, muli ako na babangon at aayusin ang sarili ko. Pero sa ngayon ay hahayaan ko muna na lunurin ko ang sarili ko sa pighati at sakit. Kailangan ko ito na ilabas para tuluyan na makalaya at makausad sa sakit.

Dumiretso ako sa isang bar na malapit sa opisina ni Brent. Kailangan ko ito. Kailangan ko magpakawala at magpakalunod.

Ilang bote na rin ng alak ang natutungga ko pero ramdam na ramdam ko pa rin ang sakit. Hindi nababawasan pero lalo pa na nadaragdagan. Hanggang ngayon ay hindi ko lubos na maisip na ipagpapalit ako ni Brent kay Elise. Sa dami ng mga pinagdaanan namin sa relasyon namin ay nagawa pa rin niya ako na sukuan at iwan.

Pero tama na, Harper. Pinakawalan mo na siya at ito na ang huling gabi na maaalala mo siya at ang sakit na idinulot niya sa’yo. Bukas kapag gising mo ay ibang tao ka na. Ibang Harper Mercader ka na. Mas matapang, mas malakas at higit sa lahat mas matalino. Hindi ka na magiging isang tanga. Hindi ka na mapapabagsak muli ng isang lalaki. At sisiguraduhin ko na ang lahat ng mga nanakit sa akin ay magbabayad, lalo na sina Brent at Elise.

Makalipas pa ang ilang oras ay napagpasyahan ko na umalis na. Saan ako pupunta? Hindi ko alam. Ang sigurado ko lang ay hindi na ako babalik sa bahay na iyon. Hindi ako babalik sa bahay namin ni Brent dahil baka ikamatay ko ang mga alaala na pinagsaluhan namin doon.

Kahit sobra ang hilo ay pinilit ko na tumayo. Nilapitan ako ng waitress at tinanong kung ayos lang ako. Tumango naman ako bilang tugon at nag-thumbs up pa sa kan'ya. Pasuray-suray ako na lumabas ng bar. Palinga-linga ako at iniisip kung saan ako pupunta ngayon. Hindi ko na namalayan na gabi na pala at halos wala ng katao-tao sa lugar. Naisipan ko na maglakad-lakad upang magpaalis ng tama ng alak.

Pasuray-suray ako na naglakad, hindi inaalintana ang kapahamakan na maaari na mangyari sa akin sa ganito na estado ko. Sa paglalakad ko ay nakita ko ang hotel na huling pinuntahan namin ni Brent. Napatitig ako roon at muli na naalala ang mga masasaya na panahon na magkasama kami. Hindi ko namalayan ang unti-unti na pagpatak ng aking mga luha.

Bakit Brent? Bakit si Elise pa? Sobra ang sakit. Kahit gaano karami ang alak na nainom ko ay hindi man lamang naibsan ang sakit na nararamdaman ko. Hindi man lamang natulungan na pakalmahin ang sistema ko.

Habang titig na titig pa rin ako sa hotel na iyon at sa alaala namin ni Brent ay naisipan ko na tumawid at pumunta roon. Tama, roon ako matutulog ngayon gabi. Ito na ang huling pamamaalam ko kay Brent. Pasuray-suray ako na lumakad sa kalsada. Luminga-linga ako dahil may parang bola na umiilaw na palipat-lipat din ng lugar. Tatamaan ako ng bola pero hindi ko alam saan siya papunta at ganoon din ako.

Ang bilis ng pangyayari at huli na nang mapagtanto ko na sumalpok ako sa bola ng ilaw. Malakas ang pagtama ko at halos tumilapon ako. Ang huli ko na nakita bago tuluyan na lamunin ng kadiliman ang pagkatao ko ay ang mga mata na takot na takot na nakatunghay sa akin.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status