Share

CHAPTER 4 - Helping Dad

Kung sasabihin ni Agnes na hindi totoo ang sinabi ng madrasta, mapapasama nga ito nguni't magagalit at malulungkot naman ang daddy niya.

Bumuntong-hininga na lang ang dalaga. "Y-yes... Dad." Mabigat sa loob na sagot ni Agnes habang naka-kuyom ang kanyang mga kamao sa ilalim ng mesa.

"That's great! Thank you... Thank you, Agnes." Lumambot ang mga mata ni Eduardo. Naramdaman din niyang may katuwang na siya ngayon. "Then, Agnes anak. Aasahan ni daddy ang magandang ibabalita mo, ha?"

.

.

Matapos kumain ng almusal ay tinulungan ni Marina sa pag-i-impake ang asawa.

"Maring, habang wala ako dito, ikaw na ang bahala sa pamilya natin, ha..... Si Agnes at alfie, kahit hindi mo sila tunay na mga anak, sana ay mapagtiyagaan mo sila. Lalo na si Agnes, alam kong hindi kayo magka-sundo, pero sana ay manatili ka pa ring ina sa kanya katulad ng kay Maylene, maaari ba?"

Habang nakatungo't nagtitiklop ng damit ay umiikot ang mga mata ni Marina. 'Sino bang may gusto maging anak ang babaeng 'yon? Binato n'ya 'ko ng tasa at hindi ko malilimutan 'yon!'

"Maring?" Tawag ni Eduardo nang hindi sumasagot ang asawa.

"Ha? O-oo! Oo naman. Hindi mo naman kailangang sabihin pa iyan. Parang anak na nga ang turing ko dun sa dalawa e." Naka ngiting wika ni Marina pag-angat ng ulo nito.

Dahil bibiyahe pa ay kinailangan ding umalis ni Eduardo nu'ng araw na 'yon. Inihatid ito ng lahat sa gate.

"Agnes." Hinawakan ni Eduardo sa balikat ang anak. "Puwede bang.... asahan ko ang pag-pasok mo sa mga Villacorte? Isa kasi iyan sa mga kinakapitan kong pag-asa ngayon para sa negosyo natin e."

Biglang nagkaroon ng pressure si Agnes. Napatingin ito sa kamay ng ama na nasa kanyang balikat. Pakiramdam niya ay biglang bumigat iyon. "Um..." Hindi n'ya magawa pa-kompromiso, paano kung mabigo siya?

"Oo naman! Kayang-kaya ni Agnes 'yon, hindi ba Agnes?"

Gustong pandilatan ni Agnes ang Madrasta. Alam niyang iniipit siya nito para sa kasiguraduhan ng pagpasok niya sa mga Villacorte.

Pag-alis ni Eduardo ay agad nilapitan ni Marina si Agnes. Nag-cross arms ito. "O, narinig mo naman ang daddy mo..." Bahagya itong lumapit kay Agnes. "Umaasa siya sa 'yo dahil ikaw ang unica hija niyang maaasahan n'ya." Panunuya nito.

Umalis na ang mag-ina at naiwan ang mag-ate sa labas. Naisip ni Agnes na marahil ay seryosohin na lang n'ya ang pag-pasok sa mga villacorte.

Habang chine-check ang mga gamit niyang ipina-impake ni marina ay nanonood naman sa gilid ng kama si Alfie. "Ate, aalis ka ba talaga? Paano ako? wala akong kasama." Nalungkot ito't yumuko.

"Sorry alfie. Narinig mo naman kung para saan ito'ng gagawin ni ate, 'di ba?"

Nang maalala ang mga napag-usapan kanina ay biglang nawala ang lungkot ng bata. "Oo nga pala, para sa negosyo ni daddy! Okay na 'ko ate, kapag may puwede din akong gawin para kay daddy, gagawin ko!"

Natuwa si Agnes sa konsiderasyon ng kapatid sa murang edad nito.

Dahil gustong maka-siguro ni Marina na sa mansiyon nga ng mga Villacorte ang tuloy ni Agnes, inihatid niya ito.

Pagbaba:

"Tandaan mo, dapat tumagal ka dahil inaasahan ng daddy mo ang–"

"Oo na tita, alam ko na. Puwede ka nang umalis.... Salamat sa paghahatid." Tumalikod na si agnes at lumapit sa gate bitbit ang malaking bag.

Nainis si Marina sa inasta ng dalaga, ngunit nang makitang magdo-doorbell na ito ay bigla siyang pumasok at nagtago sa loob ng sasakyan at pinag-madali ang driver sa pag-alis.

.

.

Medyo naiinip na si Agnes sa pagdo-doorbell nang wala pa ring magbukas ng malaking gate. 'Ano ba 'yan, mag me-media oras na yata ako dito sa labas, ang init-init pa naman. May tao nga kaya sa mansion'g 'to?'

Biglang nangislap ang mga mata ng dalaga. 'O baka, hindi talaga ako para dito! Tama, magdo-doorbell pa 'ko ng isa, kung walang magbukas, e 'di.... sorry na lang.'

Nag-doorbell ng isa pang beses si Agnes at nang wala pa rin'g magbukas ay masaya itong tumalikod para umalis na.

Ngunit hindi pa man nakalalayo ay narinig na lang bigla ng dalaga ang pag-bukas ng gate. Maya-maya ay narinig naman niya ang isang ma-baritonong boses ni isang lalaki.

Nanindig ang mga balahibo ni Agnes nang magkaroon bigla ng reyalisasyon. Ito marahil ang naririnig niya sa ibang babae patungkol sa isang lalaki– Boses pa lang, makaka-buntis na.

"Who are you?"

Biglang nanigas si Agnes, hindi agad nito magawang lingunin ang lalaki. Hanggang sa maulinigan niya ang pagdating ng isang may-edad na katulong.

"Señorito, ako na ang bahala dito. Maaari na kayong pumasok sa loob."

Kapagdaka ay narinig ni Agnes ang mga papalayong yabag.

"Ikaw, sino ka't anong kailangan mo?"

Kahit hindi pa nakikita ni Agnes ang hitsura ng may-edad na babae, sa tingin n'ya ay mukhang masungit ito.

Dahan-dahang lumingon ang dalaga. 'Sabi ko na e, mukha nga siyang masungit.' aniya sa sariling nang makita ang striktong mukha ng matandang babae.

Sa tantiya ni Agnes ay baka nasa edad 60 na ito mahigit. Hindi pa ganoon karami ang mga uban nito at wala rin masyadong kulubot ang mukha. Sa kanyang hinuha ay mukhang alaga nito ang sarili.

Lingid sa kanyang kaalaman ay sinusuri din siya ng matandang babae. Namangha ito nung unang makita ang mukha ng dalaga. Ngunit agad din naman itong naka-bawi.

"Ano, tatayo ka na lang ba diyan at mangangalong baba lang? Sinasayang mo ang oras ko!" Masungit na wika nito na nagsisimula nang mainis.

Naalimpungatan si Agnes. "P-pasensiya na po, manang!.... A-ano... kuwan kasi e..."

Umangat ang kilay ng may-edad na babae. 'M-manang?'

"N-naparito po ako p-para sana mag-apply..."

Nang marinig iyon ay tiningnan niya ang bagahe'ng dala ni Agnes. Nagduda siya. Sobrang ganda ng mukha ng dalaga, naparito nga ba ito para maging katulong? Bakit hindi na lang ito mag-apply ng mas maayos na trabaho na babagay dito? Sa nakikita niya kasi'ng ayos nito ay mas mailalarawan niyang maglalayas lang ito dahil sa pagre-rebelde sa kanyang striktong mga magulang.

Ngunit may naiisip din siyang maaaring intensyon nito. Kumitid ang kanyang mga mata nang maisip iyon. "Hindi ka puwede dito.... pasensya na." Dagli niyang tanggi sabay talikod sa dalaga

Natulala na lang si Agnes. 'A-ano? Ni-reject niya agad ako?'

Isasara na sana ng may-edad na babae ang gate nang bigla na lang may lumabas na nagmamadaling katulong buhat sa loob ng mansiyon. May bitbit ito'ng malaking bag at umiiyak habang hinahabol ng isa pang katulong.

"Roda, maghulus-dili ka nga! Hindi ka naman pina-lalayas ni ser Aeros e." Wika ng humahabol.

"Basta ayoko na! Lagi na lang niyang ginagawa 'yon, porke ba pangit ako? Sa buong buhay ko, ngayon lang ako napahiya nang gan'un!" Umiiyak na sagot ng isa na may dalang malaking bag. Tadtad ng taghiyawat ang mukha nito, ang malapad nitong ilong ay namumula na sa pag-iyak.

"Anong nangyayari dito?" Tanong ng may-edad na katulong na naka-ligtaan na 'atang isara ang gate.

Natigilan ang dalawa at bahagyang sumaludo sa matanda.

Napamangha si Agnes. Naunawaan niyang may mataas na katungkulan pala ang katulong na ito. 'Hindi kaya, mayordoma siya?.... Sayang!' Biglang nakaramdam ng panghihinayang ang dalaga. 'Kung alam ko lang, sana mas naging magalang pa 'ko.... sana pala hindi ko siya tinawag na manang kanina.'

"Um... k-kasi Ms. Mildred, gusto nang umalis ni Roda e, napagalitan po kasi ni ser–"

"Hindi n'ya lang po ako pinagalitan..." Muling umiyak si Roda. "Ipinahiya rin po niya ako sa harapan ng mga kaibigan niya, tapos kung anu-ano pa po ang sinabi sa 'kin.... sabi n'ya, ikiskis ko raw po ang mukha ko sa espalto para kuminis. Tapos.... tapos..." Animo bata ito na nag-susumbong.

Napahawak sa kanyang noo si Ms. Mildred. "Okay, tama na. Hindi ba sinabi ko na nu'ng una pa lang na huwag kang masyadong lumantad kapag nasa mansyon si ser Aeros? O, e ano'ng ginagawa mo dun?"

"Um, Ms... Ms. Mildred...." Sabat ng isa. "Nu'ng mga oras na 'yon kasi ay pare-pareho po kami nila Lucy, becca't Vanyl na may ginagawa e, kaya s'ya ang nagsilbi kay ser Aeros at sa mga kaibigan n'ya po."

Humarap si Ms. Mildred kay Roda. "Buo na ba ang pasya mong umalis? Hindi kita pipigilan sa kung anuman ang magiging desisyon mo."

"Buo na po ang desisyon ko. Aalis na po ako dito kahit hindi ko na masisilayan si ser Aeros...."

"Tsk..." Napa-palatak na lang si Ms. Mildred. Nalalaman niyang malakas talaga ang karisma ng guwapong amo, maging sa mga katulong ng mansiyon na pasimpleng sumisilay dito. Kaya naman hindi na s'ya nagtataka kung bakit willing si Roda na pagsilbihan ito kahit masama ang pagtrato nito sa kanya.

".... kaya ibabaon ko na lang sa limot ang pagtingin ko sa kanya, hayyy..... "

Gusto na lang umirap ng isang katulong. Hindi lang naman ito ang may pagtingin sa guwapong amo, maging sila din.

"Sige po Ms. Mildred, salamat po sa mga aral na natutunan ko sa 2 taon'g pagta-trabaho ko dito sa mansyon. Paalam Dina, Ms. Mildred." At umalis na si Roda.

Sa buong proseso ay hindi man lang napansin ng dalawang katulong si Agnes na noo'y tahimik lang na nanonood at nakikinig sa may gilid ng gate.

Nang makitang tapos na ang drama ay naisip na rin niyang umalis. Ngunit pagtalikod ay natigilan siya nang bigla siyang tawagin ni Ms. Mildred. "B-bakit po?" Pagtataka ng dalaga.

"Hindi ba namamasukan ka?.... tanggap ka na."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status