Share

CHAPTER 4

"MA, ALIS po muna ako." Paalam ko kinabukasan kay Mama. 

Maaga akong nagising dahil maaga ang usapan namin ni Inday na pagkikita raw namin ng kakilala niya. Ang akala ko ay nagbabalak pa lamang na umalis pero hindi ko inaasahang kahapon daw agad ginawa dahil hindi na nakayanan! 

"Saan ka naman pupunta? May bago ka na bang trabaho?" Iyon kaagad ang tanong ni Kuya Roland sa akin. 

Napatigil ako saglit at tiningnan silang kumakain sa mesa. 

"Ikaw? Kailan ka magkakabayag at matutong tumayo sa sarili mong mga paa?" Pabalang kong sinabi na agad namang nireskyuhan ng magaling niyang nanay. 

"Malaya! Ano ka ba naman! Huwag mong kalilimutang nakatatanda mo siyang kapatid! Hindi ka na natutong gumalang!" Halos tumayo na si Mama sa kanyang kina-uupuan. 

"Oo nga!" Segunda ni Ate Rica. "Baka nakakalimutan mo, ikaw ang dahilan kung bakit..." Sinadya niyang hindi ituloy ang kanyang sinasabi at binigyan ako ng makahulugang ngisi. 

Oo, hindi ko nakalilimutan iyon. Habangbuhay akong hindi makakalimot. 

Hindi ko na lamang siya pinatulan at pinilit kong hinila ang aking mga paa palayo sa lugar na iyon. Hindi puwedeng ganito, mababaliw ako at baka kung hindi ako makapagpigil, ihahambalos ko sa pagmumukha nila ang kung anumang mahahawakan ko. 

Tsk. Hindi kailanman ako makalilimot kung araw-araw nilang ipapaalala sa akin ang nangyari. Wala namang ibang sisisihin doon kung hindi ako, ako lang. Kaya hindi ko maintindihan kung para saan pa at kailangang ulit-ulitin na para akong batang hindi nakakaintindi sa ilang ulit na paalala. 

Kung hindi lamang tumunog ang aking cellphone ay baka kung saan-saan na naman napunta ang isip ko. Mabuti na lang at tumunog kaya dali-dali ko iyong kinuha at sinagot. 

"Hello? Si Malaya Sandoval po ba ito? Ako po si Nali, nakausap ko po si Miss Inday! Iyong kasamahan mo raw'ng nagtatrabaho sa ibang bansa?" Walang paliguy-ligoy niyang sinabi. 

"Magandang umaga po, opo. Ako po ito." Tugon ko habang pumapara ng tricycle.

"Iti-text ko sa iyo ang location at doon tayo magkita at mag-usap na rin. Wala ka ng alalahanin patungkol sa papeles mo at nagawan na namin ng paraan. Sana'y makayanan mo ang kakulitan ng mga batang iyon! Hay! Palibhasa ay walang tunay na inang nag-aalaga kaya ganoon na lamang kasusutil!" Mahaba niyang litanya. 

Talaga nga naman yatang pangit ang sinapit niya sa kanyang pinagtatrabahuhan kaya ganito na lamang siya kung maglitanya. 

"Naku, kung ikaw sana ay makayanan mo! Napakakukulit! Tumatanda na nga ako, mas lalo pa nilang patatandain! Kaya ayaw ko na! Sukong-suko na ako sa mga batang iyon kahit pa malaki ang sahod at napakaguwapo ng ama!" Umismid ako nang mahimigan ang hagikhik sa tono ng boses ni Ate Nila. "Debale! Mahal ko ang buhay ko kaya ako umalis. Good luck sa'yo, ha! Huwag ka lang mahuhulog sa amo natin at baka umuwi kang bangkay sa pamilya mo dahil sa asawa niya." Paalala niya. 

Tumawa ako habang umiiling. "Naku, hindi po mangyayari iyon, Ate. Trabaho po ang hanap ko at wala po akong balak makipagrelasyon sa kahit na sino." 

"Sinabi mo iyan, ha!" Mapang-asar niyang mungkahi. "Sige na, na-text ko na sa'yo ang address. Magkita na lang tayo." 

Sinabi ko sa driver ang kanto na aming pagkikitaan at hindi nagtagal ay dumating na rin naman ako roon. Kinalikot ko ang aking cellphone para sana tawagan si Ate Nila at sabihing nandito na ako nang naunang tumunog ang aking cellphone sa tawag niya. At hindi na rin naman ako nahirapan pang hanapin siya dahil nang sandaling sagutin ko ang tawag ay nakita ko agad ang babaeng nakadaster na lumulundag sabay kaway at tawag sa pangalan ko. 

Kumaway na rin ako at lumapit sa kanya. 

"Ay, ang ganda-ganda mo naman pala!" Kumento niyang ikinahiya ko. "Medyo bata-bata pa! Kaya pa ng mga buto-butong maghabol ng mga chikiting na ipinaglihi yata sa shrews sa sobrang kukulit! Aba jusko, hindi napipirmi sa iisang lugar!" Hindi matigil si Ate Nila sa kadadaldal tungkol sa kanyang huling mga alaga habang naglalakad na kami papasok sa isang eskinita. "Pero huwag kang mag-aalala, kahit na makukulit iyon naiintindihan kong kailangan lamang nila ng atensyon. Kasi sa pagkakaalam ko, wala riyan ang kanilang ina at ang kanilang ama naman ay abala sa trabaho kaya bihira lang magkaroon ng oras sa mga bata." Mula sa kuwento niyang puro paghihirap ay napalitan ng lungkot ang kanyang mga mata.

"Uhm... Paano nga po pala ito, Ate? Tungkol sa..." Nahirapan pa akong ibahin ang topic dahil baka hindi pa siya tapos sa pagdadrama tungkol sa mga alaga niya.

 Ngunit matapos kong sabihin iyon ay napatalon pa siya na ikinagulat ko.

"Ay, oo nga pala! Harujusko pagpasensyahan mo na at ang daldal!" Aniyang kumamot sa kanyang ulo. "Tungkol sa iyong mga dokumento naman..." Sa gitna ng aming paglalakad ay bigla siyang tumigil at binuksan ang pintuan, sumunod naman ako. "Magpapakilala ka bilang si Malaya Ruiz, ang aking pinsan na hahalili sa akin sa trabaho. Kumpleto na iyan, may barangay clearance o kung anu-ano pa. Para hindi ka na dumaan pa sa agency." Aniya sabay abot sa akin ng brown envelope. 

Binuksan ko naman iyon at hindi ko mapigilang mapalunok. Maaaring mukha ko ang mga narito ngunit nagtataglay naman ng ibang pangalan. Ibang pagkatao. 

"P-pero... Paano po kapag magduda sila? Hindi ba nila ako iba-background check gayong ang pinag-uusapan dito ay ang kaligtasan ng kanilang anak?" Nangunot ang noo kong tanong. 

Bumuntong-hininga siya at pinakatitigan ako. 

"Hindi iyan, masyado na silang desperado't desperada magkaroon ng tagapag-alaga ng mga bata para isipin pa iyon. Ang mahalaga ay kumpleto ka ng mga mahahalagang dokumento. Nakausap ko na rin naman ang pangunahing kasambahay roon at alam niyang ang aking pinsan ang hahalili sa akin kaya huwag ka ng mag-alala. Wala ka naman sigurong masamang balak sa mga bata ano?" Pinagtaasan niya ako ng kilay. 

Nanlaki ang mata ko! 

"Hala! Wala po, ah! Ilang taon na rin akong katulong sa ibang bansa at minsan na ring naging taga-alaga pero wala naman po akong ginawang masama!" I explained in horror. Afraid that she'll take back this offer because of what she is thinking of me. 

"Mabuti." Seryoso niyang aniya. "Basta, ipapaalala ko lamang sa'yo, trabaho ang atupagin. Hindi ang ama. Mga bata ang bantayan, hindi ang ama. Mga bata ang aalagaan, hindi ang ama. Babayaran ka para sa pag-aalaga ng mga anak nila at hindi para sa kung anumang serbisyong iyong ibibigay." Makahulugang sinabi niya. 

"Opo, Ate." Ngumiti ako, binibigyan siya ng kasiguraduhang hindi ako gagawa ng kahit anong kabulakbulan sa trabaho. 

Pera na ito, eh. Ayaw kong maging bato. Kahit anong hirap man siguro ang trabahong iyon, kakayanin ko. Para sa pamilya ko. Pampagamot ni Mama. At mahirap? Ngayon pa ba ako susuko sa dami na ng napagdanaanan ko? Sisiw lamang ito. Nakasisiguro ako. 

"Tayo na, ihahatid na kita sa pagtatrabahuhan mo nang makapag-umpisa ka na agad."

Related chapter

Latest chapter

DMCA.com Protection Status