Share

KABANATA 2

Kabanata 2

Nang maialis ko na sa pagkakaumpog sa locker ang aking noo ay mabilis akong nakaramdam ng pagkahilo. Parang umiikot ang buong paligid at parang gusto kong masuka. Sinubukan kong tumayo ng maayos ngunit natutumba-tumba ako kaya naman mabilis akong kumapa ng mahahawakan at doon ibinalanse ko ang aking sarili. Ramdam na ramdam ko ang sakit ng aking noo dahil sa lakas ng pagkakatulak ni Madam Baby sa akin. Dumagundong din ang tunog ng pagtama ko sa locker sa buong silid.

Noong hinawakan ko ang aking noo ay kaagad akong nakaramdam ng basa. Mabilis kumabog ang aking puso dahil sa kaba at dahil na rin sa biglang pumasok sa aking isipan na posibilidad kung ano ang basang iyon. Dahan-dahan kong ibinaba ang aking kamay at nang mapapantay ito sa aking mata ay nakita ko kung ano ang basang 'yon, walang iba kung hindi sarili kong dugo. Nanlaki ang aking mga mata at mabilis akong nilukob ng takot ngunit unti-unti ring nawala ang takot na 'yon nang maisip kong kaya ko pa naman ang nangyayari.

Nandoon pa rin sa aking magkabilang palad ang mga nakabaong bubog at sa tuwing ginagalaw ko ang aking mga kamay ay mabilis akong nakakaramdam ng pagkirot.

Mas lalo pang hindi nagpaawat ang aking mga luha nang tingnan ko na ang aking sarili sa salaming nandoon na nakadikit sa puting pader.

Gulong-gulo na ang aking buhok. Mapula na rin ang aking mga mata at ilong pati na rin ang aking mukha dahil sa sobrang pag-iyak. Mayroon din akong ilang galos sa aking mukha na hindi ko na alam kung kailan at kung saan nanggaling.

Ang aking suot na kulay puting polo kanina ay mukhang kulay kahoy na ngayon dahil sa mga nagdikitang pagkain, idagdag pa ang dumi ng sahig na dumikit din habang kinakaladkad ako. May iilan ding bahid ng dugo nagmula sa dugo na nasa aming kamay.

Dahil sa ayos ko ngayon ay halos hindi ko na makilala kung sino ako.

Pinagmamasdan ko lang ang aking sarili sa salamin habang walang habas pa rin sa pagtulo ang aking mga luha at habang parang sinasaksak ang aking puso dahil sa sakit na aking nararamdaman.

Do I deserve this kind of treatment? Gusto ko lang namang magtrabaho para may pantustos ako sa pag-aaral ko pero bakit kailangan pa nilang gawin 'to sa'kin?

Bago pa bumalik si Madam Baby ay nagsimula na akong mag-ayos ng mga gamit ko kahit na hindi ko pa rin natatanggal ang mga bubog na nakabaon sa aking palad.

Mamaya ko na lang tatanggalin ang mga 'yon pagkauwi ko dahil baka kapag ginawa ko iyon ngayon ay maabutan pa ako ni Madam Baby at magpatawag pa nga ng pulis.

Patuloy lang ako sa pagpasok ng aking mga gamit sa loob ng bag ko at mabilis ko 'yong ginagawa.

Gustong-gusto kong sumubok ulit. Gustong-gusto kong magmakaawa kay Madam Baby na huwag na akong sesantihin dahil itong trabaho lang na 'to ang bumubuhay sa'kin at nagtutustos sa aking pag-aaral ngunit natatakot ako na baka mas malala pa ang magawa niya sa akin kaya huwag na lang, hindi ko na lang susubukan.

Ita-try ko na lang na maghanap muli ng trabaho kahit alam na alam kong mahihirapan ako dahil halos lahat ng mga establishments dito ay ang mga tinatanggap ay nasa legal na edad na.

Mabuti na lang at matapos kong ayusin ang mga gamit ko ay walang nakakita sa aking pag-alis dahil mukhang naging abala sila sa pag-iintindi sa mga customers namin dahil sa nagawa kong kaguluhan.

Malapit lang sa karinderya ang tinitirhan namin ni Tita Cecille kaya naman nakarating kaagad ako sa aming tahanan gamit ang pagtakbo ko dahil sa mga tingin na ibinibigay ng mga kalapitbahay namin sa akin. Ngunit nang malapit na ako sa mismong bahay namin ay napabagal ako ng paglalakad at ilang sandali lang ay napatigil din ako nang makita ko si Tita na tinatapon ang aking mga gamit sa labas ng aming bahay.

Nanlaki ang aking mga mata at napatakbo ako ng mabilis papalapit sa kanya nang akmang ihahagis niya ang iniregalo sa aking laptop ni Nanay Myrna na pinakainiingat-ingatan ko. At halos mawasak naman ang aking puso nang makita ko ang mabilis nitong pagbagsak at pagkalat ng mga parte nito sa lupa kasama ang iba ko pang mga gamit.

Wala na... Sira na... Wasak na ang kauna-unahang kong laptop...

"T-Tita, bakit niyo po 'yon g-ginawa? R-regalo po 'yon sa akin ni Nanay Myrna," magalang ko pa ring tanong sa kanya habang tumutulo na naman ang aking mga luha kahit sobra-sobrang galit na ang nararamdaman ko para sa kanya.

Nakapameywang siyang nakangisi sa akin at mukhang tuwang-tuwa pa sa kanyang ginawa.

"Dapat lang sa'yo 'yan dahil sa katangahan mo! Akala mo ba ay hindi makakarating sa akin ang katangahang ginawa mo kanina sa karinderya ni Baby ha?! Nakakahiya kang bata ka! Nang dahil sa'yo ay baka masira pa ang pagkakaibigan naming dalawa! Napakamalas mo talaga noon pa man kaya umalis ka na dito sa pamamahay ko!" nanggagalaiting pahayag nito habang pinagsisisipa ang mga damit at ibang gamit ko na nasa lupa.

Mabilis akong lumuhod at dinampot ang mga pinagsisipa niya habang humahagulhol na.

Halos panghinaan ako ng loob nang makita kong sirang-sira na ang iba kong gamit katulad ng libro at mga notebook ko. Maging ang ilan sa mga ballpen ko ay hindi rin pinaligtas ni Tita dahil basag na ang iba sa mga 'yon.

"T-Tita tama na p-po. T-tama na p-po. H-Hindi ko na po uulitin. M-Maghahanap na lang po ako ng bagong trabaho. A-Ayusin ko na po huwag niyo lang po akong paalisin dito sa bahay. Wala po akong mapupuntahan parang awa niyo na po," pagmamakaawa ko na sa kanya ngunit hindi man lang siya natinag at mabilis akong hinablot sa aking buhok.

"Wala akong pakialam sa'yo! Wala akong pakialam kung wala kang mapupuntahan! At wala akong pakialam kahit mamatay ka pa ngayon!" tiim-bagang nitong pahayag sa akin.

"T-Tita huwag niyo naman po 'tong g-gawin sa'kin. P-pamilya niyo po ako. Pamangkin niyo po a-ako,"

Halos hindi ko na makilala ang aking boses dahil sa sobra-sobrang pag-iyak at paghikbi.

Mula sa pagkakaluhod ko at sa pagsabunot sa akin ni Tita Cecille ay rinig na rinig ko ang bulungan ng mga kapitbahay namin, at kagaya kanina sa karinderya ay wala man lang tumulong sa akin nang bigyan ako ng mag-asawang sampal ni Tita na kaagad nakapagpabagsak sa akin sa lupa.

"Wala akong pamangkin na katulad mo! Hindi kita pamilya! Malas ka! Sinira mo ang buhay ko! Sinira mo ang buhay namin! Nang dahil sa'yo, namatay ang kapatid ko! Siya na lang..." pagpiyok na ng kanyang boses at kitang-kita ko ang pagsimula ng pangingilid ng kanyang mg luha, "Siya na lang ang tanging kasama ko sa buhay pero ng dahil sa'yo ay nawala siya! Sana ikaw na lang! Sana ikaw na lang ang namatay at hindi ang Kuya ko! Napag-aral pa sana niya ako at natupad ko pa sana ang mga pangarap niya para sa akin!" mas lalong galit na galit na pahayag pa nito.

Napatakip ako ng aking bibig at mas lalo pang napahagulhol habang tinitingan ko ang sunod-sunod na pagbuhos ng mga luha niya.

Ito ang unang beses... Ito ang unang beses na marinig ko ang mga 'to mula sa kanya dahil hindi naman talaga niya ako iniimikan noon pa man at ito rin ang unang beses na nakita ko siyang umiiyak.

Napag-aral sana siya ni tatay at natupad niya sana ang mga pangarap sa kanya nito kung hindi ako nilagnat ng gabing iyon?

"S-Sorry po, T-Tita Cecille. S-Sorry po kung nasira ko ang buhay niyo. Hindi ko po sinasadya." Pagkontrol ko na sa aking paghikbi habang titig na titig kami sa isa't-isa.

Nahihirapan na akong huminga at nanlalabo na rin ang aking mga mata dahil sa sobra-sobrang pag-iyak.

Mabilis akong binalot ng takot nang mabilis siyang lumapit sa akin at doon ay tumuwa ng malakas habang umiiyak pa rin katulad ko.

"Sorry?! Nagpapatawa ka ba, Deandra?! Sa tingin mo ba mababalik niyang sorry mo ang kapatid ko ha?! Hindi! Kahit mamatay ka ngayon ay hinding-hindi na babalik ang kapatid ko! Hindi na! Ikaw ang dahilan kung bakit sila namatay kaya lumayas ka na sa pamamahay ko at huwag na huwag ka nang magpapakita pa sa akin!" Panlalaki na ng mga mata nito. At dahil sa takot kong masampal ulit niya ako ay mabilis akong napaunok.

"At ito!" Paghigit niya sa kwelyuhan ko. "Hubarin mo 'to dahil ibabalik ko pa 'yan kay Baby! Hubarin mo!" Pamimilit niyang paghubad sa suot-suot kong polo.

Mabilis akong umiling at tumingin ng may pagmamakaawa sa kanya.

"H-Huwag po, T-Tita. M-Mmaya na lang po. Sa loob na lang po ako m-magbibihis,"

Nakatingin siya sa akin na mukhang hindi makapaniwala sa aking sinabi.

"Sobrang kapal naman ng mukha mo para tumapak pa sa pamamahay ko! Hala sige, h***d! Magkukusa kang hubarin 'yan dito o sasaktan pa kita?! Mamili ka, Deandra!"

Dahan-dahan pa muna akong tumingin sa paligid at nakita ko doong nanunuod ang mga kalapitbahay namin na mukhang siyang-siya sa nakikita nila.

Muli akong tumingin kay Tita Cecille at nandoon pa rin sa kanyang mga mukha ang sobrang galit na galit na expression.

Dahan-dahan akong gumalaw at inabot ang laylayan ng aking polo. Mabagal ko 'yong itinataas habang umiiyak at mas lalo pa akong naiyak at nasaktan nang si Tita na mismo ang nag-alis niyon mula sa akin kahit hanggang sa tiyan ko pa lang naitataas.

Mabilis kong dinampot ang sako bag na may lamang mga damit ko at 'yon ang ginawa kong pantabon sa aking d****b.

Tanging bra na lang ang aking suot-suot at rinig ko mula sa aking likuran ang pagsipol ng ilang mga tambay na nandoon.

"Iyan ang nababagay sa'yo dahil sa pagiging malas mo! Umalis ka na sa harapan ko bago pa kita maipalapa kay Coby!" Pananakot niya sa akin.

Kaagad akong napatayo matapos niyang sabihin iyon. Si Coby ay isang dogger man at kagaya ni Tita Cecille ay galit na galit din ito kapag nakikita ako.

Mabilis akong tumakbo paalis doon habang bitbit ang ilan sa mga gamit ko. Narinig ko pa ang mga tawanan at hiyawan ng nga tao doon nang madaanan ko sila.

Mas lalong tumindi ang sakit na nararamdaman ko habang tumatakbo ako paalis doon.

Malas ba talaga ako? Ako ba talaga ang dahilan kung bakit namatay sina nanay at tatay? Kasalanan ko ba talaga?

Nagpatuloy lang ako sa pagtakbo habang yaka-yakap ko ang sako bag na tumatakip sa aking d****b hanggang sa mapatigil ako nang maramdaman ko ang unti-unting pagbuhos ng malakas na ulan.

Dahan-dahan akong napatingala sa langit at doon ay mas lalo kong naramdaman ang pagpatak ng ulan sa aking mukha.

"N-Nanay at tatay, masaya po ba diyan? Pwede na po ba akong p-pumunta diyan? Nahihirapan na po kasi ako dito eh. Pwede po bang kunin niyo na po ako? P-Promise po magpapakabait po ako. Please p-po," malakas kong pagsigaw habang nakatingala kasabay na naman ang pagbasag ng aking boses.

Matapos niyon ay ibinaba ko na ang aking ulo at doon ko pa lang napansin na nasa gitna pala ako ng kalsada.

Kitang-kita ko kaagad ang paparating na isang mabilis na sasakyan mula sa aking direksyon. Nanatili akong nakatayo at nakatitig sa paparating na sasakyang 'yon habang hindi na nakakaramdam ng takot.

Handa na ako... Handa na po akong makasama kayo nanay at tatay. Hintayin niyo po ako...

At ilang sandali nga lang ay kasabay ng patuloy na pagbagsak ng patak ng mga ulan ay ang pagbagsak ko rin sa kalsada ng masaya dahil sa wakas ay makakasama ko na rin ang mga taong totoong nagmamahal sa akin.

Komen (3)
goodnovel comment avatar
김예진
Grabe naman story nato parang ndi ko kaya basahin
goodnovel comment avatar
Märilyn Näno
kawawa kanaman
goodnovel comment avatar
Märilyn Näno
kaloka pati aso galit sayo haha
LIHAT SEMUA KOMENTAR

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status