Share

His Innocent Courtesan
His Innocent Courtesan
Author: Ms. Caffeine

Kabanata 1

"Anak, hindi mo naman kailangang umalis. Dito ka na lang kasama ang mga kapatid mo. Hindi ka ba natatakot sa lugar na pupuntahan mo? Alam naman nating delikado sa Maynila. Paano na lang kung may mangyaring masama sa iyo?" nag-aalalang wika ni mama sa akin habang abala ako sa pag-iimpake ng kaunting damit. 

Hindi ko siya tiningnan dahil sa kalagayan niya. Masiyado na siyang maraming sakit na iniinda. May mga kapatid pa akong nag-aaral, at alam ko naman na kulang pa ang kinikita ko rito sa lugar namin bilang labandera. Baka nga pumasok na lang ako bilang katulong o 'di kaya'y labandera na lang din. 

"Masaya sa Maynila 'Ma. Maraming tao roon. Tapos sabi pa ng ibang kakilala ko, malaki raw kita roon 'Ma. Magpapadala naman po ako kapag may suweldo agad ako. Tapos ayaw ninyo 'yon? May makakain na kayo? Hindi na tayo mababaon sa utang. Hindi na kayo kakain ng sardinas," pagpapakalma ko kay mama na gustuhin mang tumayo ay hindi niya magawa dahil sa masakit niyang likuran. 

"Tatawagan mo naman kami, 'di ba?" 

"Oo naman po." 

"Kung sakaling ayaw mo na sa Maynila, umuwi ka agad dito, Ada." 

"Ma, hindi pa nga ako nakakaalis, tapos pauuwiin ninyo na agad ako? Okay na nga po lahat. Pramis Ma, 'pag dating ko roon, tatawag agad ako. Ipapakita ko sa inyo na maganda ang Maynila, walang lamok. Tapos hindi habal-habal 'yong mga sasakyan doon, magagarang kotse ang sasakyan ko ma. Tapos kapag nakaipon na ako, dadalhin ko po kayo roon," nakangiting saad ko saka tumayo at pinagmasdan ang mga maliliit kong kapatid na nakaupo lang at tahimik na nginunguya ang tinapay na ilang araw na nilang kinakain. 

Pinilit kong ngumiti. Bawal ang sumimangot kasi baka mamaya isipin nila na hindi ako masaya. Magiging okay rin naman kami, alam ko 'yon. Kaya kailangan kong sumugal sa Maynila. Naroon na lahat ng mga kaibigan ko at base sa mga naririnig ko tungkol sa kanila, ay maganda ang kita roon. 

"Aalis na ang ate, huwag kayong magpapasaway kay mama. Wala kayong pasalubong kapag ginalit ninyo si mama. Ang kuya ninyo na muna ang mag-aalaga sa inyo." Bahagya akong tumitig sa dalawa kong kapatid na maliliit pa habang ang sumunod sa akin na si Adrian ay tinanguan ko na lang. 

Tanging pagkaway na lang ang ginawa ko at mahigpit na kumapit sa isang lumang maleta na ginamit pa namin limang taon na ang nakakaraan, matapos sumama ni papa sa ibang babae dahil sa sakit ni mama at katandaan ay nagawa ng tatay kong sumama sa mga babaeng halos kasing-edad ko lang. Hindi ko alam kung utang na loob ko ba na dinala niya ako sa mundong nagpapahirap sa amin. 

Nahinto lamang ako sa paglalakad nang matanaw ko na ang babaeng nag-alok sa akin na sumama sa Maynila. Nagbakasyon lang siya rito sa lugar namin at ngayon ang araw na babalik na siya ng Maynila bilang manager. Hindi siya nakapagtapos kagaya ko, pero isa siyang manager at napansin ko ngang dahil sa trabaho niya ay umunlad sila ng pamilya niya. Naipagawa ang kubo nila, nabili ang lupa at halos pati negosyo ay meron na rin. Iyon ang pangarap ko noon, at mukhang mangyayari na. 

"Ready ka na? Ngumiti ka naman Ada. mula ngayon, sanayin mong ngumiti." Hinampas nito nang mahina ang puwitan ko saka kumindat. "Diyan ka yayaman Ada. Ikaw talaga," naiiling na sabi nito saka hinawakan ang kamay ko. 

"Hindi naman illegal 'yong pagdala mo sa akin doon 'di ba?" tanong ko rito na tinawanan niya lang. 

"Hindi, ano ka ba! Twenty-two ka na 'di ba? Basta't may ID ka lang tapos ilang dokumento wala naman silang pakialam kung nag-kolehiyo ka eh, 'di ba high school graduate ka naman?" 

"Oo."

"Oh, eh, di bongga! At saka, masaya sa Maynila, sigurado akong yayaman ka roon kung madiskarte ka. Sa ngayon, huwag ka munang mag-isip ng kung ano-ano. Hindi naman kita pababayaan doon," huling sabi nito bago ko napagtanto na nakasakay na kami ng barko, palayo sa lugar na halos pagtabuyan kami ng pamilya ko.

Tipikal na damit lang ang suot ko na kanina pa tinititigan ni Ate Calli at naiiling pa. Hindi ko alam kung anong problema niya sa leggings ko at sa maluwang na damit. Naiilang ako sa tuwing tinititigan ang katawan ko lalo na't ang mga lalaking diretso tingin sa akong dibdib, at puwitan na ipagmamalaki ko naman. Hindi naman ako singtapang ni Ate Calli na nakasuot na fitted na dress na hanggang hita niya. 

Tanging selpon na de pindot lang ang aking bitbit dahil na puwede kong magamit pantawag sa pamilya ko. Kailangan ko agad makahanap ng trabaho at kahit na magkatulong muna ako ay tatanggapin ko. Basta may maipadala. 

Gabi na nang makarating kami sa sinasabi niyang Maynila. Nakahilera ang mga barko sa gilid at maraming tao ang nasa gilid lamang na para bang may hinihintay. Tahimik lang akong dumikit at sumunod kay Ate Calli, para hindi mawala. Roon ko lang malinaw na napansin ang ganda ng paligid. 

Matatayog na gusali sa kalayuan at natatanaw ko dahil sa mga ilaw na meron iyon. Ang ingay na hindi pangkaraniwan sa akin at ang mga sasakyan sa bandang unahan ko na nakikipagpatintero. Ang lahat ng taong malampasan namin ay abala sa nga hawak nilang selpon na mas maganda pa kaysa sa akin. Ang mga damit nilang parang galing sa ibang bansa at pakiramdam ko ay asungot lang ako rito. Pakiramdam ko, ang lahat ng nakatira sa Maynila ay mayayaman. 

"Ganito ang Maynila. Sa una, matatakot ka dahil hindi ka pamilyar. Marami kang makikilalang tao pero kaunti lang ang ituturing kang tao," makahulugan na sinabi nito saka sumenyas na lumayo ako nang kaunti. 

Inilabas niya ang sigarilyo at saka tumingin sa malayo. "Sinama kita dahil gusto kong maging maayos ang buhay ninyo. Nasa iyo na 'yan kung paano ka gagawa ng diskarte. Mag-apply ka sa kung saan-saan. Kung sakaling wala ka talagang mahanap pero desidido kang makapagtrabaho, saka mo ako lapitan," mahabang wika nito na tinanguan ko na lang kahit wala akong maintindihan. 

"Salamat po talaga Ate Calli," ngiting saad ko saka kami nagpatuloy sa paglalakad. 

Sumakay kami sa tinatawag niyang taxi. Kahit na anong madaanan namin ay walang sawang nagpapaliwanag siya at tinuturo kung ano ang lugar at bagay na iyon. Habang nakatanaw ako sa bintana ay kita ko ang ganda ng paligid. Kahit na maraming tao at hindi mapagkakaila ang ganda rito. Si ate na rin ang nagsabi na maganda ang gabi kaysa sa umaga. 

Nang makababa kami ay tuambad sa amin ang isang tipikal na bahay na may tatlong palapag, hindi ko maiwasang ilibot ang paningin ko sa compound na sinasabi niya, halata ang mga bahay na halos puro tatlong palapag at tahimik din sa kalyeng ito. Ang daanan ay sapat na para makaraan ang may apat na gulong na sasakyan, iskinita lang siya na may maluwagan. Pagkabukas pa lang ng gate ay bumungad agad sa amin ang tatlong babae na may nilalagay na kung ano sa kanilang mukha. 

"Tita! Ngayon ka lang?" pagngunguso ng isang babaeng matangkad na halos manipis ang suot na napatingin sa akin. "Sino siya?" nakangiting sabi niya. 

Kumaway lang ako ng kaunti na ginawa rin ng iba na mukhang mabait naman. 

"Siya si Ada, alaga ko. Kapitbahay namin sa probinsya," pagpapaliwanag nito. 

"Hello po," mahinang bati ko ngunit tinitigan lang nila ang aking katawan. 

Nadikit agad ako kay Ate Calli sa ginawa nila na para bang tinitingnan kung may tinatago ba ako sa katawan ko na halos balot na balot naman. 

"Umayos nga kayong tatlo! Rito lang manunuluyan ni Ada, dahil bago lang siya rito. At isa pa, mali ang iniisip ninyo. Hayaan na muna natin siyang maghanap ng trabaho at dito umuwi. Umalis na nga kayo at magtrabaho," pantataboy nito saka ako inalalayan sa pagpasok sa loob. 

Doon lang tumambad sa akin ang malawak na sala kung saan nahinto sa ginagawa nilang pagpapaganda at binati si Ate Calli. Ang iba ay takang tumingin sa akin ngunit ang iba rin naman ay binati ako. Mahigit walong babae ang naroon na ang lahat ay nakaayos maliban sa isa na halatang kagigising lang. 

"Jona, ikaw ng bahala kay Ada, since ikaw lang ang maiiwan mamaya. Maghati na lang kayo sa kwarto at magpahinga na dahil maghahanap pa siya ng trabaho rito," pagpapaliwanag ni ate bago kami nilampasan at naiwang nakatayo sa harapan nila. 

"Huy, Ada, upo ka roon. Hindi naman kami nangangagat," untag ng isang babaeng kapapasok lang ng bahay. 

Naupo agad ako at pilit na pinag-aaralan ang mga taong halos pare-parehas ang suot. At ang gaganda nila sa itim at pulang maninipis na damit. Mukha silang nga modelo, iyon ang pangarap ko rati, kaso hindi ako marunong sa mga pagpapaganda na 'yan. 

"Baka bukas na lang tayo makapagkuwentuhan kasi oras na rin ng trabaho namin. Pero rest assured na si Jona ang bahala sa 'yo," sabi no'ng Maylene, ang pangalan. 

"Magkakapatid tayo rito okay? Kaya kung may problema ka anytime, sabihin mo lang. Huwag lang ngayon dahil may trabaho pa kami," nakangiting sabi ng isang babaeng may matapang na mukha pero malambing boses. 

Dahil sa kaunting pag-uusap namin no'ng gabing iyon ay napanatag ako ng loob dahil okay naman sila. Nagkukwento pa sa akin si Jona ng tungkol sa kanila na may mga trabaho talagang pang-gabi. Matapos naming kumain ay sinamahan na niya ako sa pinakataas, kung nasaan ang kwarto namin. Mas maraming kwarto sa second floor at tatlong kwarto lang sa third floor. Si Jona ang kasama ko sa maliit na kwarto na sapat lang sa amin dahil nasa magkabilang direksyon ang kama namin. 

"Kung gusto mong magpahinga, matulog ka na para bukas samahan kita sa paghahanap ng trabaho. Kagigising ko lang din kasi kaya baka mamaya pa ako makatulog. Iiwan muna kita," nakangiting sabi nitong hinangin ang maikli nitong buhok. 

"Salamat talaga Jona. Pasensya na sa abala," ngiting pilit na sinabi ko ngunit umiling lang siya. 

"Wala 'yon, sana lang talaga palarin kang makahanap ng matinong trabaho rito. Oh, siya, sa baba lang ako. Good night." 

Naupo na lang ako sa malambot na kama at saka pinagmasdan ang buong paligid. Natanaw ko ang itsura ng labas dahil sa nakabukas na bintana. Nakakapagtaka lang dahil bukod sa gabi na at ang karamihan ay nagpapahinga na. Nakakapagtaka lang dahil ang mga kasamahan ko rito ay magsisimula pa lang magtrabaho. 

Sana lang talaga ay suwertihan ako bukas.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status