Share

FOOC | 2

“Strike three! Out!”

Ang malakas na sigaw ng Umpire ang bumuhay sa galak ng aking kalooban. Palihim akong napangisi bago tinanggal ang helmet sa ulo. 

Hindi tinamaan ng batter ang bola at saktong nasalo ko naman iyon. Tuloy ay dismayadong ibinaba nito ang hawak na bat sa plate.

Mabilis lang lumipas ang mga araw. Kasalukuyang nagaganap ang Intramurals sa school namin. Puno ng bandiritas ang school, nakasabit ang mga ito puno sa puno. Maingay rin dahil sa sigawan ng mga estudyanteng sumusuporta sa kanilang manlalaro at isama pa na malakas ang tugtugin ng sound system na halos dumagundong na sa aming mga tainga. Buti na lang at hindi nakakairita ang mga kantang pinapatugtog ng Dedication Booth. 

Iyon nga lang, dahil nga pwedeng magpa-dedicate ng kanta na may kasamang letter, ilang beses na napapahinto sa paglalaro kaming mga players dahil naririnig namin ang mga confession letters ng kung sinumang nagbigay o gumawa pagkatapos ay magpapatugtog ng kantang ni-request. Karamihan doon ay puro mga love song kaya mas lalong umiingay dahil sa mga kantyawan at hulaan kung para kanino ang dedication at kung sino ang nagpa-dedicate. 

Nagkalat ang mga estudyante sa paligid, may nanonood ng mga laban sa iba’t ibang sports, ang iba ay palakad-lakad lamang sa paligid at hindi alam kung saan tatambay. At siyempre, hindi mawawala ang mga estudyanteng akala mo ay mga modelo na ang tanging ginagawa ay ang ibandera ang kanilang kasuotan at pumorma lang. Ito ang mga estudyanteng walang ganap at hindi nabiyayaan ng talento sa anumang sports. 

Hinubad ko ang glove sa kaliwang kamay at hindi na nag-abalang alisin ang bola sa loob noon. Ibinaba ko iyon sa home plate bago hinubo ang suot na body protection at shin guards na umaabot sa itaas ng aking mga tuhod. 

Lumingon ako sa scoring board at bahagyang nangamba nang makitang lamang ng labing-isang puntos ang kalaban. Kami na ang papalo para sa huling inning ng game. 

Pumalakpak ako sa mga kasamahan para i-cheer up sila. “Habol tayo, guys! Piliting ‘wag ma-out!”

Kaniya-kaniya silang tanguan at bagama’t kapwa nakangiti ay alam kong kinakabahan sila sa kalalabasan ng laban namin. Ganoon din naman ang nararamdaman ko pero kailangang mangibabaw ang kalakasan ng loob. Huwag na huwag mong ipapakita sa kalaban na natatakot ka, dahil advantage iyon para sa kanila. 

Gawin mo na lang ang lahat ng makakaya mo para sa huli, wala kang pagsisisihan. 

“Unang batter!” tawag ng Umpire pagkatapos pumwesto ng kalaban sa field.

Naglakad ako pabalik sa home plate dahil ako ang unang papalo. 

I hold the bat using both of my hands before positioning myself at the side of the plate. Unang pitch pa lang ng kalaban ay strike one agad ako. 

Laking pasalamat ko na lang na hindi nahagip ng bat o dumaplis dito ang bola dahil kung nagkataon na ganoon at nasalo pa rin ng catcher ay paniguradong out agad ako. 

“I-home run mo na ‘yan, Cap!” dinig kong cheer ng mga kasamahan ko na hindi ko alam kung pinalakas ba ang loob ko o mas lalo lang dumagdag sa kaba na nararamdaman ko. 

I wasn’t expecting for more, gusto ko lang naman talaga maglaro. Pero ako ang napiling maging Captain ni Coach. Hindi ko alam kung bakit but I was really honored kasi pinagkatiwala niya sa akin ang buong team. 

Wala rin akong narinig na reklamo sa mga kasama ko at sa halip ay parang natuwa pa sila. O ayaw lang talaga nila nang mabigat na responsibilidad.

Hindi ko rin nga maintindihan kung bakit o paano nangyaring parang bihasa ako sa paglalaro ng nasabing sport. At ang pagiging catcher pa ang kinahantungan ko na kung ikukumpara sa ibang posisyon sa field, medyo delikado ang pwesto na ‘yon dahil may posibilidad na mahampas ako ng bat lalo na kung ang batter ay hindi sanay sa ganoong laro. 

May pagkakataon kasi talagang lumipad papunta sa ‘kin ang bat dahil nabitawan ng batter, na mukha namang napasali lang dahil wala nang mapili na miyembro, noong tinangkang paluin ang bola. Hindi naman talaga maiiwasan ang ganoong eksena dahil minsan talaga ay mabibitawan mo ang bat sa sobrang kaba. Madalas ding mangyari na hinahagis mismo ng batter ang bat kapag tatakbo na ito sa unang base, marahil ay sa pagkataranta na baka maabutan at ma-out na lang. Mabuti na lang talaga at may proteksyon ako sa ulo at katawan. 

Muli akong pumwesto at patagilid na humarap sa pitcher. Sinundan ko ang bola sa kamay nito habang bumubwelo sa gitna.

“Strike one, ball one!” anunsiyo ng Umpire dahil ang sunod na pagbato ng pitcher sa bola ay wala sa ayos. Dumulas ang bola sa palad nito kung kaya’t nagmukhang rolling ang pitch nito papunta sa ‘kin. 

Umayos muna ako ng tayo at hinintay na ibalik ng catcher ang bola sa kanilang pitcher. Nang makitang ready na ito ay bumalik ako sa posisyon. 

“Tamaan mo,” mahina kong bulong sa sarili habang matamang nakatitig sa bola na parang may kasalanan ang walang kamalay-malay na bola. Pasipol akong naglabas ng hangin sa bibig na animo’y napapaso sa init, mabilis at sunod-sunod. 

Nang makita kong ihagis ng pitcher ang bola nang sobrang lakas at bilis, hindi na ako nag-atubiling batakin ang bat at pwersahang paluin ang bola. 

Panandalian akong hindi kumilos at sinundan ang paglipad ng bola sa ere. Nang masiguro kong hindi iyon masasalo o mahaharang ng kalaban ay mabilis akong tumakbo sa first base, tinapak ko ang paa sa plate pagkatapos ay muling tumakbo sa second base. 

Sinamantala ko ang pagkakataon na hinahabol pa rin ng kalaban ang bola kaya dumiretso na ako sa third base. 

“Home run na, Cap!”

“Ipasa mo sa ‘kin ang bola!”

Bumaling ako sa outfielders at hawak na ng isa sa mga ito ang bola ngunit hindi pa sigurado kung makakaabot ba iyon sa third baser o catcher na nasa pagitan na. 

Tumakbo akong muli nang makitang inihagis ng fielder ang bola papunta sa pitcher na malapit ang pwesto sa akin, nagbabaka sakaling maunahan ako sa plate. 

Padulas akong tumungtong sa home plate para makaiwas na tamaan ng bola. 

“Save!” sigaw ng Umpire. 

Naghahabol sa hiningang tumayo ako at nagpagpag ng pwetan at mga kamay. 

“Sanaol, Cap,” salubong sa akin ng aming pitcher na sunod nang papalo. Malawak ang pagkakangisi nito at tinutudyo pa ako.

Tinapik ko ito sa balikat bago dumiretso sa pwesto namin. Kumuha ako ng tubig bago pinanood ang ka-team ko habang umiinom. 

Umabot sa akin ang ikot pero dalawa na ang out sa panig namin. Ibig sabihin ay nakasalalay sa ‘kin kung magpapatuloy pa ang laban dahil kapag na-out pa ako, talo na talaga kami. 

Sinilip ko ang score board at pitong puntos pa lang ang nagagawa namin. May apat na puntos pa kaming kailangang hahabulin. 

“Sa ‘yo nakasalalay ang pagkapanalo natin, Cap.”

“Pero kung anumang kalabasan ng laban natin, tandaan mong hindi magbabago ang tingin namin sa ‘yo.”

“Oo nga, Cap. Bawi na lang sa sunod kapag natalo tayo.”

Pampalubag ng loob sa ‘kin ng mga kasamahan ko. Bagama’t may kung anong kiliti na dulot sa kalooban ko ang mga sinabi nila, hindi ko nagawang ngumiti dahil baka bigla akong ma-overwhelm at makampante na lang bigla. 

Mabibigat ang mga paang naglakad ako palapit sa home plate. Ilang beses akong humugot nang malalim na paghinga. Nilingon ko ang bawat miyembro na sinakop ang bawat base bago ipinosisyon ang sarili.

Puno ang tatlong base. Isang pagkakamali ko, siguradong talo kami. Ang pakiramdam na nakaatang sa balikat ko ang magiging tagumpay namin sa labang iyon ay unti-unting nilulukob ang kalooban ko. Ang lahat ng responsibilidad ay nakaako na sa ‘kin. Bumigat lang lalo ang paghinga ko at napupuno ako ng pangamba. 

“Strike one!” 

Ang sigaw ng Umpire ang nagpagising sa katinuan ko. 

Napakurap-kurap ako, naguluhan sa nangyari. Lumingon ako sa likuran ko at nakita ang catcher na salo na ang bola, nang-aasar ang ngiti nito. Bahagyang umawang ang mga labi ko nang mapagtanto ang nangyari. 

Inorasan agad ako ng Umpire!

“Cap!” tawag sa ‘kin ng kasamahan. “Ayos ka lang ba?” May pag-aalala sa boses nito. 

Humihingi ng pasensyang nilingon ko ang ka-team. Doon ko napansing nakatayo ang mga ito at talagang nakaabang sa ’kin. Ipinilig ko ang ulo para mawala ang gumugulo sa isipan ko. 

Naupo ako sa mga paa at bahagyang ikiniskis ang mga palad sa lupa. Nag-umpisa na kasing mamasa ang mga kamay ko at baka dumulas sa pagkakahawak ko ang bat. 

Tumayo ako pagkatapos at umayos ng pwesto. Naririnig ko hindi lang ang sigawan sa paligid at ang pag-cheer sa ‘kin ng mga kasamahan, nakikisabay roon ang malakas na pintig ng puso ko na animo’y dumadagundong sa ‘king mga tainga. 

Bumwelo ang pitcher, humakbang pauna sabay biglang hagis sa bola. Mabilis at diretso iyong lumipad patungo sa ‘kin. Isang malakas na palo ang binitawan ko ngunit sa pagkadismaya ay hindi ko na naman nasapol ang bola. 

“Strike two!” anunsyo ulit ng Umpire. 

Napapikit ako nang mariin at kinalma ang sarili. Sandaling nag-isip. Kailangan kong paliparin ang bola. Hindi pwedeng pleasing lang ang palo dahil naroon ang posibilidad na makuha agad ng kalaban ang bola, at pipili na lang kung saang base ibabato, dahil kahit alinman doon ay iisa lang ang kalalabasan, out ang isa sa amin at iyon na ang pagkatalo namin. 

Kapag nagkataon naman na tikyu ako, which means ‘take your base’, uusad sa sunod na base ang bawat isa sa amin. Magkakaroon kami ng isang puntos, ngunit mapupuno pa rin namin ang tatlong base. Masyadong risky ang tactic na ‘yon. At nakasalalay lang ‘yon sa pitcher, o sa susunod na papalo. 

Wala akong ibang pagpipilian kung hindi ang paliparin talaga ang bola sa malayo para hindi lang isa ang maka-home dahil maaari ring maka-home ang dalawa pa, at kung papalarin ay maging ako, maka-home run din. Apat na puntos iyon para matapatan ang kalaban. At kung sakali man na ma-out ang susunod na batter sa ‘kin, which is ang pitcher, ay magiging tie ang score at magdadagdag ng isa pang inning. Kung makalusot naman ang pitcher ay sigurado na ang pagkapanalo namin.

Alinman sa dalawa ang kalabasan, tanging home run ang kailangan kong magawa. 

“Go, Cap! Kaya mo ‘yan!”

“Paliparin mo ulit para sa isang home run!” 

“Paabutin mo sa ‘kin ang palo, Cap!” 

Sa sandaling iyon ay gumaan ang pakiramdam ko. 

Muli akong pumosisyon. Magkalayo ang mga paa sa isa’t isa ngunit magkatapat. Hindi kagaya noong nauna na palikod ang isa na parang tatakbo. Bahagyang nakayuko ang katawan ko. Inilapat ko ang bat sa kanang balikat at tinuon ang buong atensyon sa bola. Wala muna akong pakialam sa aking paligid. 

Isang malakas na bato ang ginawa ng pitcher pagkatapos bumwelo. Kitang-kita kung paano mabilis na umiikot habang lumilipad papunta sa pwesto ko ang bola. Tinantya ko ang distansya nito bago hinataw ang bat. 

Sapol. Lipad ang bola. 

Katahimikan ang bumalot sa paligid at pigil ang hiningang pinanood ang lumilipad na bola. 

“Takbo na!”

Ako ang unang bumasag sa katahimikan habang sinesenyasan ang mga kasamahan ko na tumakbo patungo sa sunod na base. 

Kumukumpas ang kaliwang kamay ko, gamit ang mga daliri ay binilang ko ang pagtungtong ng ka-team sa home plate. Walang lingon-lingon akong tumatakbo nang mabilis hanggang sa makarating din ako sa home plate, padulas na tumapak doon at nakipag-unahan sa catcher at sa bola. 

“Save!” pahayag ng Umpire.

Another home run. 

Muling nabalot ng sigawan ang paligid, nagpapakita ng paghanga at suporta ang mga nanonood. 

Dinumog ako ng yakap ng teammates ko at kulang na lang ay buhatin ako ng mga ito at ihagis-hagis sa ere sa sobrang kasiyahan. Hindi pa naman kami panalo dahil pantay na ang laban. Parehas na ang aming score. Kapag na-out pa ang pitcher namin o ang sunod pa rito ay maaaring madehado kami sa another inning. 

Humawak ako sa braso ng pitcher namin dahil siya na ang sunod. “One point na lang, sure win na tayo. Paliparin mo.” Isa iyong utos. At sanay na sila sa lintanya kong ‘yon.

Kapag naka-home siya, panalo na kami. Pwede nang itigil ang laban dahil last inning na ‘yon.

Hindi namin kailangan ng himala. Kasi kung kaya naman manalo, bakit hindi? Palagi kong pinapaalala sa kanila na dapat sigurado ang palo. Malaking bagay na ang one point. Maaari noong mabago ang takbo ng laban. 

Sa laban, kailangang ibigay ang lahat. Oo, masakit sa pakiramdam kapag natalo sa huli lalo na kung ginawa mo naman ang lahat. Pero paano mo malalaman ang resulta kung ‘di mo susubukan. Matalo man sa huli, at least wala kang pagsisisihan. 

Ibig sabihin lang din, magaling sila. At kulang ka pa sa praktis. Ganoon lang kasimple. 

Sophomores ang kalaban namin. At dala-dala ko pa rin ang galit na nararamdaman ko para sa kanila dahil sa mga salitang binitiwan nila noong practice game namin. Natalo man kami noon, sigurado na ako ngayon. 

Kami ang mananalo. And I claimed it. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status