Share

Kabanata IV

“BYE, Ate,” mabilis na paalam sa akin ni Jennifer. Kasama nito si Lorilyn. Bago pa man sila tuluyang lumakad palayo ay kumaway muna sila sa akin. Tinugunan ko iyon ng isang ngiti at pagtango.

Nakasuot lamang ang dalawa ng kaswal na pananamit. Wala na silang pasok ngayon. Graduation practice na lamang ang kanilang inaasikaso.

Napangiti ako sa aking sarili. Kung makikita lang kami ngayon ng aming mga magulang ay tiyak na magagalak sila.

Nagawa kong kumayod nang mag-isa at palakihin nang sobra pa sa salitang ‘maayos’ si Jennifer. Salamat sa aking kapangyarihan dahil ito ang naging daan upang makamit ko kung anong meron ako ngayon.

Noong bata pa ako ay namuhay lamang ako na tanging ang kalikasan lamang at ang mga mangkukulam ang aking nakasasalamuha. At ngayon, naramdaman ko na iba pa rin pala ang saya at pakiramdam kapag ang makakasama mo sa araw-araw na buhay ay ang mga normal na tao lamang. Ito ang depinisyon para sa ‘kin ng ‘totoong mundo.’

Sa katotohanan, ang mga mangkukulam at ang iba pang nilalang na kakaiba at may kapangyarihan ay mga tao rin. Ang pinagkaiba lang namin sa kanila ay ang pagkakaroon namin ng kapangyarihan o espesyal na abilidad.

Naalala ko noong nasa kolehiyo pa ako. Itinuturo sa amin ang iba’t ibang uri ng mitolohikang nilalang at isa na roon ang mangkukulam. People describe us as creatures with ugly, old faces, with long noses and thin bodies. Dagdag pa roon ang kesyo kumakain daw kami ng mga pagkain na bulok. Napaiiling na lamang ako habang nakikinig sa leksyon ng aming professor.

Katulad ng sabi ko, tao rin kami. Kung anong itsura ng mga normal na tao ay ganoon din kami. Kahit pa sa pagkakataon na ginagamit namin ang aming kapangyarihan ay hindi nagbabago ang aming anyo sa anyong iniisip ng mga normal na tao tungkol sa aming lahi.

Kapag ang normal lamang namin na kapangyarihan ang aming ginagamit ay kagaya pa rin ng natural ang aming anyo. Ngunit kung ang pinakasentro naming kapangyarihan ang aming gagamitin ay may nagbabago sa amin. Ang kulay ng aming mga mata at buhok. Magbabago ito sa kulay na nirerepresenta ng kaniyang uri bilang isang mangkukulam.

Nahahati sa dalawang uri ang mga mangkukulam. Ang puti at ang itim. Ang kapangyarihan ng mga puting mangkukulam ay ginagamit lamang para sa purong kabutihan. Ang itim naman ay ginagamit upang makamit ang mas matimbang na kabutihan ngunit sa pagsasagawa nito ay maaaring magdulot ng masama sa kabilang partido ng nasasangkot.

Ngunit ang purong puti, sa bawat pagkakamali na kanilang magagawa ay unti-unting nababahiran ng itim ang kanilang purong lila na dugo. At kapag sila ay tuluyang nang naging itim na mangkukulam, hindi na nila makikilala ang kabutihan at purong kasamaan na lamang. Ang itim na uri ng mangkukulam ay isang lahi habang ang pagbabago ng isang kulay ng dugo—ang lila patungo sa itim—ay isang konsek’wensya at sumpa na hindi na mababali magpakailanman.

Isinarado ko nang muli ang gate ng bakuran ng aming bahay. Dumiretso ako papasok sa entrada ng bahay at nagtungo sa aking kwarto upang kunin ang malaki kong itim na backpack. Habang wala pa si Jennifer ay magha-hiking muna ako sa bundok ng Labo upang mangolekta ng mga espesyal na sangkap o ang iba’t ibang uri ng halaman at bulaklak na tanging sa mga liblib na bundok lamang matatagpuan—na gagamitin para sa mga produkto ng aking kumpanya.

Binuksan kong muli ang aming gate at pagkatapos ay dumiretso ako sa aking McLaren F1 at pinaandar iyon palabas ng aming bakuran. Pagkatapos ay bumaba akong muli ng aking kotse at muling isinarado ang gate.

Naging mabilis lamang ang naging biyahe ko patungo sa bundok ng Labo kahit pa medyo may kalayuan ito sa sentro. Wala kasi akong masyadong nakasasabay na sasakyan sa malawak na kalsada sa gitna ng nagtataasang anyong lupa.

Pagkarating ko sa paanan ng bundok ay ipinarada ko na ang aking sasakyan sa tabing kalsada. Lumabas ako ng kotse habang nakasukbit sa aking dalawang balikat ang aking backpack.

Pinaikot ko sa ere ang aking kanan na hintuturo at doon ay may lumabas na kulay lila na usok. Pagkatapos ay ibinato ko iyon sa aking sasakyan at bigla itong naglaho sa aking paningin.

Sinimulan ko nang lumakad paakyat ng bundok. Sa daan ay pumulot ako ng medyo mataba na sanga. Nilagyan ko iyon ng mahika at saka ako sumakay roon nang nakaupo. Tila may sarili itong buhay na lumilipad sa ere habang nasasakyan ko at tinutungo ang daan patungo sa itaas na bahagi ng bundok. Kusa itong umiiwas sa mga nadadaanang kahoy o sanga ng mga halaman. Napakapresko ng hangin na idinadampi sa akin ng lugar na ito.

Nang marating ko ang aking destinasyon ay bumaba na ako sa sanga. Tinuro ko ang kahoy na lumulutang at pagkatapos ay nawala na ang mahikang nagpapagalaw rito. Nahulog ito sa damuhan at bumalik sa pagiging normal na itsura ng isang naputol na sanga.

“Ngayon ko lang nakita sa personal ang paggamit ng isang witch sa kaniyang kapangyarihan,” turan ng isang lalaki.

Hindi ako nagulat. Pero medyo kinabahan ako dahil sa nakita niya na ginawa ko. Idagdag pa na alam niya na isa akong witch.

Humarap ako sa kaniya. At hindi ko inaasahan ang mabubungaran ko.

Putik! Yung inosente kong mga mata. Baliw ba ‘tong lalaking ‘to?

Kaagad akong napatakip sa aking mga mata. Pero naku-curious ako. Pwede bang tingnan ulit para makasigurado?

Hanep! Bad ‘tong naiisip ko.

“Baliw ka ba? Bakit wala ka man lang ni-isang saplot?” singhal ko sa kaniya. Baka rapist ’to? Pero meron ba n’on? Rapist na naggagala sa tuktok ng bundok? Wala siya ritong mabibiktimang babae. O baka nag-aasam siya ng fairy kasi baliw siya?

“It’s a normal thing for a werewolf to be naked after we shift to our human form again,” kaswal na sagot niya. Baritono ang kaniyang boses at nakapa-hot niyon na pakinggan sa tainga.

Iniharap ko sa direksyon niya ang aking mga palad. Pinanatili ko na lamang nakapikit ang aking mga mata nang tanggalin ko ang aking mga palad sa pagkakatakip. Pinakiramdaman ko ang hangin at ang mga halaman sa aming paligid, pagkatapos ay inilabas ko na ang aking kapangyarihan. Tumugon sa aking hiling ang kalikasan at maya-maya pa ay nagkaroon na ng kasuotan ang lalaki mula sa mga pinagtagpi-tagping halaman na isinayaw ng hangin sa ritmo ng aking lilang kapangyarihan.

Tuluyan ko nang iminulat ang aking mga mata. Napatitig ako sa kaniyang mga mata at tila hinigop ako nito papasok sa internal na bahagi ng kaniyang katawan. Doon ay nakita ko ang kaniyang asul na dugo, tanda na siya ay isang taong-lobo.

Nang makita ko na ang dapat kong makita ay inalis ko na ang tingin sa kaniyang pagkatao. Pinagmasdan ko ang kaniyang pisikal na anyo. Matangkad siya. Medyo maitim. Gwapo naman siya. Bilugan ang kaniyang mukha at kalbo ang ulo niya.

Sa buong buhay ko, siya lang ang nakita kong lalaking kalbo na may itsura. Sa mundo kasi ng mga normal na tao, basta kalbo, paniguradong malaki ang tiyan o kaya ay pandak at hindi kagwapuhan.

“What the heck?! Ginawa mo akong babae sa suot ko!” reklamo niya habang nagpapapadyak ng paa.

I laughed. Ang naiisip ko kasi kanina ay iyong jewel style gown kaya naman iyon ang naging kinalabasan sa kaniya.

“Ang ganda nga, e. Nagrereklamo ka pa,” saad ko sa pagitan ng matinding pagtawa.

Sinamaan niya ako ng tingin. “Nawawala yung pagiging maangas kong lalaki!”

Ilang minuto pa ang nakalipas bago ako makahuma sa pagtawa. Kaunti na nga lang ay mapapahiga na ako sa damuhan. Naramdaman ko na lang ang pagkangalay ng aking panga nang matapos ako sa pagtawa.

“Makalilimutan mo ang nangyari sa ‘tin ngayon,” seryoso kong saad.

Ngunit bago ko pa mailabas nang buo ang aking kapangyarihan ay naudlot ito dahil sa pang-aasar niya. “Wala pa ngang nangyayari sa ‘tin,” nakangising saad niya habang tumataas-baba ang kaniyang kanang kilay. Bwisit na lobo ‘to.

Hindi na lamang ako nagsalita. Baka kung ano pang kalokohan na naman ang sabihin nito.

Tuluyan ko nang inilabas ang buo kong kapangyarihan. Nag-ilaw ang dalawang pares ng aking mga mata at naging kulay lila ito, gayon din aking mahabang buhok.

“Don’t you dare, pretty lady. Sige ka, huhubarin ko ‘to,” pananakot niya. Hinawakan niya ang mga dahon na nakatakip sa pagitan ng kaniyang mga hita. Akmang tatanggalin na niya ito kaya naman kaagad akong bumalik sa normal at mabilis na ibinato sa kaniyang katawan ang backpack ko na walang laman.

“Yun naman pala, e,” nangingiti niyang saad.

“Malas!” napipikon na sigaw ko.

Nang mapatingin ako sa sinakyan kong sanga kanina ay kinuha ko iyon at saka itinapon sa kaniya. Kaagad siyang nagbago ng anyo at naging isang itim na lobo. Gamit ang kaniyang bibig ay sinalo niya ang matabang sangang itinapon ko sa kaniya. Lumapit siya sa akin at dumapa sa damuhan sa harapan ko. Iginalaw-galaw niya ang kaniyang buntot na parang isang alagang aso na natutuwa dahil sa nakikita niya ang kaniyang amo.

Wala akong maramdaman na panganib mula sa kaniya. Tanging kapayapaan lamang ang nadarama ko sa presensya niya. At the same time, may halong pananabik dahil sa unang pagkakataon ay nakasalamuha ako ng taong-lobo.

“Tayo r’yan,” utos ko sa kaniya na agad naman niyang sinunod. Sumakay ako sa kaniyang likod. Gusto ko lang maranasan kung anong pakiramdam ang sumakay sa isang lobo.

Nagsimula na siyang lumakad nang mabagal. Hindi ko alam kung saan kami tutungo ngunit nagpadala na lamang ako sa kaniya.

At sa mga oras na iyon ay may isang pinakamahalagang bagay akong nakalimutan. Marahil ay dahil sa hindi ko naman nakita na katulad siya ng dalawang lobong iyon—na siyang pumatay sa aming mga magulang—kaya hindi ako nabahala at naalala ang bagay na iyon.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status