Share

Chapter 4

Umupo ako sa isang mono block chair na nasa loob ng counter bar tapos ay napabuntong hininga. Ang daming naging customer kaninang pagka-alis ni Ate Gigi. Hindi nakakapagtaka na pagod na ako ngayon.

            Ngayon ko lang naramdaman ito, sa mga nakalipas kasi na araw ay kasama ko si Roy. Isa rin iyon na sobrang sipag. Tapos ang saya pa niya kasama kaya hindi namin namamalayan ang oras sa trabaho. Hindi rin namin nararamdaman ang pagod.

            Mabilis akong napatayo nang marinig ang pagbukas ng pinto, ngumiti pa ako at umambang babatiin ang customer.

            “Good eveni—” natigilan naman ako agad nang makita si Dmitri na pumasok sa loob. “Dim,” banggit ko sa pangalan niya.

            “Are you not done yet?” nakangiting tanong niya.

            Napanguso ako at agad na tumingin sa wall clock. 7:30 na pala ng gabi.

            “May thirty minutes pa, Dim. May bibili pa niyan,” sagot ko naman.

            Pagkasabi ko no’n ay naramdaman ko ang pag-vibrate ng cellphone ko na nasa bulsa ko. Hindi naman ako nagdalawang isip na kunin iyon para tignan kung sino ang nag-message. Hindi rin naman ako nagdalawang isip na buksan at basahin iyon nang makita ang pangalan ni Ate Gigi sa screen.

            Ate Gigi:

            Alison, puwede mo na isara ang shop. Ako na ang bahala sa inventory bukas ng umaga. Salamat.

            Iyon ang sinabi niya. Mabilis akong napangiti at patakbong pumunta sa pinto para baliktarin ang signage na open sa close. Tapos ay binalingan ko ng tingin si Dim at ngumiti sa kanya.

            “Puwede na raw akong magsara sabi ni Ate Gigi,” saad ko pa.

            Bumalik na ako sa counter, tapos ay dinala ko sa kusina ang lahat ng mga maruming pinaggamitan. Nilinisan ko na rin iyon at sinigurado ko na wala akong kahit na anong kalat na maiiwan.

            Saktong alas otso iyon nang matapos ako. Tinanggal ko na ang apron tapos ay ibinalik ko iyon sa locker ko. Limang magkakaparehong apron ang meron ako. Gano’n din si Roy at Ate Gigi, tuwing sabado ay pinapa-laundry ni Ate Gigi ang mga iyon na siyang nakakatuwa kasi bawas na sa trabaho namin.

            Lumabas na ulit ako pagkatapos, nakita ko si Dmitri sa harap ng counter na naghihintay pa rin sa akin. Ngumiti pa nga siya ulit nang makita akong lumabas na.

            “Let’s go?” anyaya niya kaya marahan akong tumango.

            “Tatawagan ko pala si Nanay, magpapaalam ako,” saad ko habang naglalakad kami palabas ng coffee shop, ang tinutukoy ko ay si Mother Myrna.

            “Dumiretso ako doon bago kita pinuntahan dito. Naipagpaalam na kita, basta ihatid na lang daw kita doon pagkatapos,” sagot naman ni Dmitri kaya napangiti ako.

            “Oh, tara na!” anyaya ko pa.

            Pinatay ko na ang lahat ng ilaw sa loob, pagkalabas namin ay sinigurado ko rin na naka-lock ang lahat. Nang okay na ay naglakad na kami papunta sa kotse na dala niya.

            “Nasaan ang driver niyo?” tanong ko.

            “Pinayagan ako ni Dad na i-drive ang sasakyan niya,” sagot niya kaya tumango na lang ako.

            Pagkapasok na namin sa loob ng sasakyan ay binuhay na niya agad ang makina nito. Hindi na rin siya nagdalawang isip na paandarin ang sasakyan para makarating na kami sa kanila.

            Siguro ay umabot ng halos sampong minuto ang biyahe bago kami nakarating sa kanila. Nang ipasok ni Dim ang sasakyan sa isang nakabukas na gate ay namangha pa nga ako nang makita maganda at malaking bahay. Para itong mansiyon sa sobrang laki.

            “Wow! Ang laki ng bahay niyo, Dim!” namamanghang saad ko.

            “Gusto mo dito ka na lang tumira?” tanong naman niya kaya napangiwi ako.

            “Hindi, ’no! Hindi naman puwede iyon,” sagot ko naman.

            Nang maiparada na niya ang sasakyan at mapatay ang makina nito ay sabay kaming bumaba. Tapos ay naglakad na kami, dumaan pa kami sa poolside bago pumasok sa isang malaking pinto.

            Pagkapasok namin una kong napansin ang isang malaking aranya sa kisame, napakaliwanag ng kulay na inilalabas nito.

            “Grabe, parang iyong mga mansiyon sa fairytales!” namamanghang saad ko pa, nilingon ko si Dim at nakita ko na nakangiti siya sa akin.

            “Mamaya na kita ipapasyal sa bahay, hinihintay na kasi tayo nina Mom at Dad sa kusina,” saad niya kaya tumango na lang ako.

            Hindi ko alam kung bakit kinakabahan ako sa ideya na makikilala at makakausap ko na ang mga taong umampon sa kanila. At dalawang mabuting tao na nagbigay ng isang buong pamilya sa dalawa kong matalik na kaibigan.

            “Mom, Dad…” nakangiting pagtawag ni Dim ng pangalan ng dalawa, nakaupo na sila sa hapag at halatang hinihintay kami.

            Namangha naman ako nang makita ang magandang ginang. Halata sa kanya na may edad na siya pero sobrang ganda at sopistikada pa rin ng dating niya. Iyong matandang lalaki naman ay sobrang guwapo pa rin.

            “Dmitri, son,” nakangiting saad naman nung lalaki. “Ang tagal niyo, ginutom niyo kami,” nagbibirong saad pa niya kaya medyo napangiwi ako dahil sa hiya.

            Hindi na bale, marunong naman akong makisama. Sigurado na mawawala rin ang hiya ko mamaya kapag nakausap ko na sila.

            “Have a seat,” malumanay na saad naman nung babae kaya iyon ang ginawa namin. Umupo kami ng magkatabi ni Dmitri.

            “M-Magandang gabi po,” nahihiyang bati ko.

            “Magandang gabi rin sa ’yo, hija. You must be Alison?” saad nung babae, ngumiti naman ako at mabilis na tumango.

            “Ako nga po,” nahihiya pa rin na saad ko.

            “I’m Fely, hija. You can call me Tita Fely. Maganda ka pa rin hanggang ngayon,” nakangiting saad niya kaya medyo nagulat ako.

            “N-Nakita niyo na po ako dati?” nalilitong tanong ko, ngumiti naman siya at marahang tumango.

            “I was also about to adop—”

            “Mom…” pagputol ni Dmitri sa sasabihin ni Tita Fely kaya natigilan ang ginang at ngumiti na lang.

            “Anyways, I’ve heard a lot about you. Oo, nakita na kita sa ampunan dati pero matagal na iyon. Matagal ko na ring sinasabihan ang kambal na isama ka rito, pero lagi raw nilang nakakalimutan,” mahina pa siyang natawa sa sinabi niya kaya ngumiti na lang ako at tumango.

            “Mas masaya sana kung nandito rin si Drake, iyon nga lang mas inuna pa ang gala,” saad naman nung lalaki. “Ako nga pala si Rick, you can call me Tito Rick,” dagdag pa niya kaya napangiti ako.

            “Ikinagagalak ko po kayong makilala,” saad ko naman.

            “Let’s eat?” nakangiti at masayang tanong pa ni Tita, kaya iyon ang napagkasunduan namin.

            Hindi ko alam kung ano ang uunahin kong kainin kasi ang daming nasa hapag. Tapos ay puro masasarap pa. Hindi ako familiar sa tawag sa iba pero mukhang masarap lahat.

            “Grabe, mukhang isang gabi lang po tataba na ako. Ang sasarap po ng pagkain,” masayang saad ko kaya natawa silang lahat.

            “Dahan dahan naman, nadudumihan ka, eh,” saad ni Dim.

            Medyo nagulat pa ako nang kumuha siya ng tissue tapos ay marahan siyang pinunasan ang gilid ng labi ko. Napalingon ako sa mga magulang niya at nakita ko na nagkatinginan sila at napangiti, nakaramdam ako bigla ng hiya sa kung anong maaari nilang isipin kaya mabilis akong umiwas.

            “Ano ba ‘yan, istorbo ka sa pagkain!” may halong pagbibiro na saad ko kaya natawa ulit ang mga magulang niya.

            “Kain ka lang nang kain, hija. Atsaka welcome ka rito kahit na anong oras mo gustong pumunta, okay?” nakangiting saad pa ni Tita kaya mas lalo akong napangiti.

            Hindi ko alam pero sobrang gaan ng loob at pakiramdam ko sa kanila. Sobrang bait nila. At ang makasama sila na kumain ngayon, pakiramdam ko ay may buong pamilya na rin ako. Parang may magulang na ako.

            “Salamat po,” nakangiting sagot ko.

            “Ano nga pala ang kurso mo, hija?” tanong naman ni Tito, nilunok ko ang laman ng bibig ko tapos ay uminom ng konting tubig.

            “Business Management po,” magalang na sagot ko kaya tumango siya.

            “Baka puwede kang pumasok sa kompanya namin kapag mag-OJT ka na. Sabihan mo lang sina Dmitri at Drake,” nakangiting saad pa niya. “Sinabi ko nga na Business Management na rin ang kunin, ang kaso mas gusto nila ang Political Science,” dagdag pa niya kaya napangiti ako.

            “Magaling naman po sila pareho. Kaya kahit na anong kurso ang kunin nila, matutulungan po nila kayo sa business niyo,” sagot ko kaya napangiti siya at agad na tumango.

            “You’re right, hija. Pero ayaw ko rin naman silang pilitin na gawin ang hindi nila gusto. Kinuha namin sila para bigyan ng pamilya, hindi para magtrabaho para sa amin. Kaya desisyon pa rin nila ang masusunod,” saad ulit ni Tito kaya mas lalo akong napangiti.

            “Ang suwerte po nila sa inyo,” sagot ko naman. “Kapag po gumawa sila ng kalokohan, ako po ang bahala. Pipingutin ko sila,” dagdag ko pa kaya sabay silang natawa ni Tita.

            “Hindi mo naman kaya, ang liit mo kaya. Paano mo maaabot ang tenga namin?” nang-aasar naman na tanong ni Dmitri.

            Napangiwi ako sa sinabi niya kaya mabilis kong hinila ang kaliwang tenga niya, hindi siya naka-iwas kaya napangiwi na lang din siya.

            “Anong sinabi mo?” tanong ko pa.

            “Ah! Aray! Oo na, sorry na!” agad na saad niya kaya binitawan ko ang tenga niya. “Ang sakit no’n, ah!” reklamo pa niya kaya ngumisi ako.

            “Kapag gumawa kayo mg kalokohan isusumbong ko kayo kay Nanay,” saad ko naman.

            “Oh my, you are so funny and adorable, hija. I really like you,” nakangiti at malambing naman na saad ni Tita.

            Pilit naman akong ngumiti at agad na kumuha ng carbonara. Tapos ay ipinagpatuloy ko na ang pagkain.

            “Kayo ni Drake, ano pala ang balak niyo pagka-graduate? I mean, mag-aaral pa ba kayo at ipu-pursue niyo ba ang pagla-lawyer?” tanong naman ni Tito kay Dim.

            “No, Dad. I just really like the course, pero pagkakuha ng bachelor’s degree ay tutulong muna ako sa company,” sagot naman ni Dim kaya tumango si Tito.

            “It’s your choice, hijo. But if I were you, I’ll continue to study abroad. Maybe Harvard or New York University? You could be a good lawyer,” saad ni Tito kaya tumango ako.

            Totoo naman iyon, kahit pa ang totoo ay ayaw ko ng ideya na aalis siya at mag-aaral sa ibang bansa.

            “I’ll think about it, Dad. Wala naman pong pinipiling edad ang edukasyon. Maybe I’ll consider helping you out for a few years until I’m fully decided what to do next. Hindi naman po masasayang ang taon lalo na kung magtatrabaho ako sa inyo,” sagot ulit niya kaya ngumiti si Tito at ngumiti.

            Nakamamangha talaga ang paraan kung paano siya mag-isip. Sobrang matured na. Samantalang ako ang balak ko lang talaga ay makatapos ng apat na taong kurso, tapos ay magtrabaho na.

            “He’s not going to study abroad,” saad naman ni Tita kaya napalingon kami sa kanyang lahat. “I mean, I don’t mind but I doubt it. Alam naman natin na mayroon siyang hindi maiwan dito,” ngumisi pa siya nang sabihin iyon.

            Alam ko na may gustong iparating si Tita, pero hindi ko alam kung ano o sino. Napanguso ako at saglit na nag-isip. Siguro ay iyong babae na kasama niya kanina.

            Heto na naman ako, medyo nasasaktan sa ideya na tama ang nasa isip ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status