Share

Aria's Movie
Aria's Movie
Author: Ghost

Chapter 1 - Lucky Aria

Nakasimangot na naglakad palayo si Pamela sa puting kotseng nilapitan niya ngunit sinigawan lang siya ng driver nito.

"Wala na talaga akong nakitang puting kotseng mabait ang may-ari!" Paghihimutok niya.

"Magkano kinita mo?"

Pabagsak na naupo si Pamela sa sementong may sapin na karton.

"May nangyari na naman ba? Nabastos ka na naman ba?" Matigas na tanong ng lalaking kumakausap kay Pamela na kapareho rin nitong nanlilimos sa lansangan.

"Wala..." Mahina at inis na sagot ni Pamela.

"Eh, ano ngang nangyari bakit ka nakasimangot?" Tanong muli ng lalaki.

"Nakakainis kasi! Ang sasama ng ugali ng mga nakakotseng hinihingian ko!" Pasigaw ng sagot ni Pamela habang kumakamot sa ulo nito.

"Hoy, Pamela! Eto may nalimos akong limang piso ibili mo na nga lang ng shampoo para naman mawala na ‘yang tigas ng buhok mo!"

Sabay na napalingon sina Pamela at ang lalaki sa nagsalita.

"Ma, huwag mo ng pagalitan si Pamela at badtrip pa nga 'yan," natatawa namang sagot ng lalaki.

"Kuya Bobot, bahala ka na muna, ha? Matutulog na lang muna ako!" Ani Pamela sa lalaking tinawag niyang kuya na siya niyang panganay na kapatid.

"Sige na, kami na muna ni mama ang mag-iikot. Ikaw na muna bantay dito sa mga kapatid natin. Sabayan mo na lang silang matulog pero huwag kang mauuna!" saad ni Bobot.

Umalis nga si Bobot kasama ang mama nila upang mamalimos. Alas onse na noon ng gabi at pupuntahan nila ang Saturn Drugstore kung saan madami pa ring bumibili. Aabang sila sa labas ng drugstore at manlilimos sa mga galing doon.

"Oy, oy! Matulog na kayo! Wala nang aalis o susunod kina mama at kuya, ha!" Baling ni Pamela sa tatlo pa niyang mga kapatid.

"Oa na!" may inis namang sagot ni Ruru, ang sampung taong gulang nilang kapatid.

"Aba't!" Binatukan ni Pamela ang kapatid dahil sa paraan ng pagsagot nito sa kaniya.

"Aray!" Angal naman ni Ruru.

"Umalis ka nga riyan at ako ang tatabi kina Hazel at Jazel para mapatulog ko na sila!" tinabig ni Pamela si Ruru at mabilis na siyang nahiga sa tabi ng limang taong gulang na sina Hazel at Jazel. Kambal ang bunso nilang kapatid at pareho ring babae.

Habang pinapatulog ni Pamela ang mga kapatid ay nagsimula na rin siyang mag-imagine ng mga bagay bagay na gusto niyang mangyari sa buhay niya na alam niya namang malabo. Hanggang sa unti-unti na siyang makatulog dahil sa magagandang nangyayari sa kaniya sa kaniyang imahinasyon. Hindi na tuloy niya namalayan ang dahan-dahang pag-alis ni Ruru.

Ilang minuto pa lamang ang lumilipas na nakakatulog siya nang may maramdaman siyang tila pumipisil sa kaniyang pang-upo o puwet. Padiin iyon nang padiin hanggang sa makaramdam siya ng sakit at tuluyan siyang magising.

Napasigaw si Pamela nang makita niyang may dalawang lalaki na nakatunghay sa kaniya. Isa sa mga ito ang pumipisil pala sa kaniyang puwet at base sa itsura ng dalawa ay lasing ang mga ito.

"Mga gagong mga bastos na 'to!" Paghihimutok niya at tuluyan na siyang tumayo ngunit mabilis namang nakatakbo ang dalawang lalaki na marahil ay naalarma sa sigaw niya.

"Hoy! Bumalik kayo rito mga h*******k kayo!" Sigaw niya at hinabol nga ang dalawa.

Hindi na nakita ni Pamela kung saan nagtungo ang dalawa kaya naman inis na inis siyang napaupo sa gilid ng kalsada.

Aalis na sana siya nang may makita siyang isang lalaking naglalagay ng mga pinamili nito sa likod ng ford nito. Hindi niya na sana iyon pagtutuunan ng pansin kung hindi niya lang nakita na nahulog ng lalaki ang pitaka nito kasabay ng mga nilalagay nitong gamit sa likod ng sasakyan nito.

Napangiti si Pamela nang umalis ang lalaki. Mabilis siyang sumakay sa likod ng ford upang kunin ang wallet na nahulog doon. Dahil halos puno ng kung ano ano ang likod ng sasakyan, nahirapan siyang makita ang wallet.

Hanggang sa manlaki ang mga mata niya nang biglang umandar ang sasakyan. Nang sumilip siya ay nakasakay na pala sa driver's seat ang lalaki at pinaandar na nito ang sasakyan. Hindi niya alam kung paano bababa dahil sa pag-andar pa lang ng sasakyan ay harurot na iyon na akala mo'y may tinatakasang kung ano.

Inis na natampal ni Pamela ang sariling noo. Paano ay mapapalayo pa siya at kakailanganin na naman niyang sumabit sa mga jeep pabalik mamaya. At dahil nga nandoon na rin siya, nagpasya siyang hanapin ang wallet na nakita niyang sabay na nahulog sa gamit na inilagay doon. Tuwang-tuwa nga siya nang makita na iyon at nang buklatin niya ang wallet ay lilibuhin ang tumambad sa kaniya.

"Tang-ina! Jackpot!" Bulalas ni Pamela.

Mayamaya ay naramdaman niya ang bahagyang paghinto ng kinalululanan niyang sasakyan. Dahan-dahan siyang sumilip at napamura siya sa sarili dahil isang malaking gate pala ang bumukas at deretsong pumasok doon ang sasakyan.

"Badtrip naman talaga, oo! Paano ako makakalabas nang maayos dito?" iiling-iling niyang sabi sa sarili.

Nang tuluyang huminto ang sasakyan ay muling lumitaw ang ulo ni Pamela upang silipin ang sitwasyon. Nanlaki lalo ang kaniyang mga mata nang makita ang malaking bahay di kalayuan sa kinaroroonan niya. Kita niya rin ang isang maluwang na swimming pool at may mangilan-ngilan siyang taong nakikita na nagpaparoon at parito.

"Ganito ba ang sinasabi nilang mansiyon?" Muli niyang bulalas sa sarili.

Mabilis ng bumaba si Pamela nang matiyak niyang walang makakakita sa kaniya. Subalit dahil ngayon lang siya nakapasok sa napakagandang lugar na iyon, nangahas siyang pumasok pang maigi upang mas makita ng malapitan ang mga bagay na kinamamanghaan niya.

Hindi na namalayan ni Pamela na nakapasok na siya ng tuluyan sa loob ng mansiyon. Ang mga nagkalat na tao kanina na nakita niya sa garden ng mansiyon na iyon ay naglabasan na nang tuluyan. Pagkakataon niya sana iyon upang makalabas na rin doon ngunit gustong-gusto ng mga paa niyang libutin ang mansiyon na pinasok.

Wala siyang nakikitang tao ngunit may narinig siyang ingay hindi malayo sa kinaroroonan niya. Sinundan niya iyon at dinala siya ng mga paa niya sa isang napakaluwang na sala kung saan maraming mga kalalakihan ang nagkakasiyahan. Ngunit nanlaki na naman ang kaniyang mga mata dahil may sumasayaw na babae sa gitna ng sala. Ang nasabing babae ay nasa loob ng isang napakalaking gift box at ang isang sexy dress ang suot nito. Mayroon pa itong bunny ears sa ulo at maganda rin ang mukha nito. Ang mga kalalakihan doon ay panay ang hiyawan at may isang lalaki na nakaupo sa gitna sa harapan ng babaeng nasa loob ng malaking gift box.

"Babaeng regalo?" anas ni Pamela sa sarili.

Dahil hindi naman interesado si Pamela sa nakikita, nagpasya itong maglibot pa sa mansiyon. Nasa isipan na nito na mas madali siyang may makukuhang mga kapakipakinabang sa mansiyon na iyon dahil busy ang mga tao at walang ibang nagkalat doon.

Dinala si Pamela ng kaniyang mga paa sa kusina at kumalam bigla ang kaniyang sikmura nang may makita siyang iba't-ibang klase ng pagkain sa mesa. Ang higit na nakatakam sa kaniya ay ang boxes of pizza na bihirang-bihira niya talagang matikman. Gutom na gutom siyang sumunggab ng mga pagkain at kaagad isinalpak sa kaniyang bibig na akala mo'y wala ng bukas.

Hindi alam ni Pamela kung gaano siya katagal doon. Basta't nang mabusog na siya ay kaagad na siyang lumabas ng kusina at inakyat niya ang isang napakalaking hagdan na nakita niya. Pinasok niya ang isang kuwarto at pinagbubuksan ang mga drawers doon. Kitang-kita ang pagkinang ng kaniyang mga mata sa nakitang mga alahas at kung ano ano pang mapapakinabangan niya roon.

Kumuha si Pamela ng isang bag na nakita niya roon upang doon ilagay ang mga nakuha saka siya nagpasya ng umalis na roon bago pa may makakita nang tuluyan sa kaniya.

Tuwang-tuwa si Pamela nang makalabas siya sa mansiyon. Malayo pa ang gate mula roon kaya naman binilisan niya ang paglakad. Sa gate nakafocus ang kaniyang mga mata at hindi mapalis ang ngiti sa kaniyang mga labi. Sa isipan niya ay maiaalis niya na sa lansangan ang kaniyang pamilya at bukod pa roon ay maaari na silang makapag-aral na magkakapatid. Hindi na sila mamamalimos sa lansangan sa jackpot na nakuha niya sa mansiyon na iyon.

Ngunit napasinghap si Pamela nang biglang may lalaking lumitaw sa kaniyang harapan.

"S-sino ka?" Ang gulat kunot-noong tanong ng lalaki kay Pamela.

Humigpit ang pagkakahawak ni Pamela sa bag na ninakaw niya na naglalaman ng mga gintong alahas at mga mamahaling gamit. Napatingin din siya sa mataas na gate at bakod. Mahihirapan siyang makatakas kaagad sa harapan ng lalaking iyon...

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status