Share

Chapter 04

Isinantabi ko muna ang nangyayari sa akin at may mas mahalaga akong dapat intindihin. Kumuha lang muna ako ng panyo at inilagay kung saan tumutulo ang dugo at pinunasan na rin ang aking mga kamay dahil may dugo na rin ang mga ito.

Ang magulang ko naman ay wala talagang pakialam dahil patuloy lang sila kumain at tahimik lang kumakain. Naisip ko munang hahanapin ko na lang mamaya kapag tulog na sila at umakyat muna ako sa taas upang kausapin ang mga kapatid ko kung ano ang nangyari no'ng wala ako.

Nakita ko ang mga kapatid ko na magkatabing nakahiga sa maliit na higaan sa kwarto namin at naririnig ko pa ang hikbi ng mga ito. Nakita ko pang niyakap pa ni Veni si Vici upang patahanin ang isa't isa. Lalo ako naging emosyonal sa lagay naming magkakapatid. Hindi ko na rin alam ang gagawin ko dahil nawawala ang card ko. Lumapit ako at tumabi ako sa kanila at niyakap ang mga ito. Sinubukan kong huwag umiyak pero naiyak na rin talaga ako.

"Ate?" tawag ni Vici at humarap sa akin.

"Ayos lang po ba kayo?" tanong nito at may bahid pa rin ang sugat ang aking mga kamay at sa ulo ko, pero tumigil na ito sa pagtulo. Dahil na-pressure ko na ang pagdurugo. 

"Ayos lang ako," sabi ko at ngumiti.

"Ate... ayaw ko na po rito, alis na po tayo rito." Hinila niya pa ang damit ko at hindi ko alam ang sasabihin ko sa kanya. Sampung taon na ang kambal pero ito, nararanasan na agad nila ang pait ng mundo sa loob pa lang ng bahay. Dapat na ang inaatupag lang nila na makipaglaro sa ibang mga bata, maging masaya, at wala dapat iba pang iniintindi. Pero ito sila ngayon nakikita na nila ang mga ganitong bagay sa ganitong edad. 

"Ako rin," mahinang sambit ko.

"Matulog na kayo at may mga pasok na rin kayo bukas. Maaga pa kayo bukas, dali tulog na," sabi ko sa pinaka masayang paraan na kaya ko. Kahit na pulang-pula ang mga mata nila ay ipinikit naman nila ang mga ito. 

Tahimik lang akong umiiyak dahil ayaw kong marinig nila ako at baka magising pa sila dahil sa akin. Paulit-ulit kong pinupunasan ang aking mukha dahil sa walang tigil ng pagbuhos ng luha ko. Gusto ko lang naman makamit ang pangarap ko, gusto ko lang naman maabot ang gusto kong marating para sa sarili ko. Pero sobrang hirap.  

Ang hirap ng buhay. 

Nakita kong gumalaw si Veni at nagulat pa ako dahil lumipat siya ng puwesto at nasa likod ko na siya. Humarap ako sa kanya at pinunasan niya ang pisngi ko na may mga luha at mapait itong ngumiti sa akin. 

"Maraming salamat po sa lahat, Ate." 

Sobrang simpleng salita pero iba ang epekto sa akin. Hindi ko maiwasang umiyak pa lalo dahil sa sinabi ng kapatid ko na 'yon. Kahit noon pa 'man, sa pagsabi sa akin ng kung sino ng salamat ay sobrang nakakataba na ito ng puso para sa akin.

"Ate, tahan na. Tama na ang iyak," sabi ni Veni, pagko-comfort niya sa akin. Inayos ko agad ang sarili ko dahil ako ang panganay, dapat nakikita ng mga kapatid ko na malakas ang Ate nila at sa akin sila tumitingala at humahawak ngayon kaya kailangan malakas ako.

"Oh, ano namang nangyari no'ng wala ako?" tanong ko. Natigilan si Veni sa tanong ko at mukhang may hindi na namang magandang nangyari.

"Ganoon lang ulit, Ate. Nasanay na rin po kami." Huminga ako nang malalim. Alam ko na agad ang ginawa sa kanila nila Tatay at alam kong mali 'yon. Gusto kong magwala, gusto ko silang ipaglaban at gusto ko ring magsumbong. Pero, nakakatakot.

"Pasensya na ha. Pasensya na kung wala si Ate no'ng mga araw na 'yon, at wala si Ate upang mapalagaan at ipaglaban 'man lang kayo." Iniangat ko ang aking ulo dahil may nagbabadya na namang luhang mahuhulog. 

Dahil tuwing narito ako ay hindi nahahawakan nila Tatay ang mga kapatid ko. Kaya kanina ay alam ko na agad ang ginawa sa kanila. Isa rin ito sa dahilan kaya minsan ayaw ko na lang din magtrabaho at lumabalas-labas para lang mabantayan ko 'man lang sila. 

"Ano ka ba, Ate. Mas lalo po tayong kawawa kung narito ka po, wala po tayong kakainin dito at mas lalo po tayong mahihirapan."

"Pasensya ulit kung hindi magampanan ni Ate ang obligasyon ko sa inyo ha. Pasensya na rin kung wala akong magawa at hindi 'man lang ako makasumbong, pero unting tiis na lang... aalis na tayo rito, sasama na kayo sa akin. Isang taon na lang ni Ate sa kolehiyo, kakayanin na natin ang buhay. Wait niyo si Ate ha."

Hindi na rin naiwasang hindi umiyak ni Veni dahil mukhang hindi na rin niya kaya pang mamuhay rito. Hindi na talaga niya kaya pa.

"Ate, p-puwede po bang pakibilisan? Ang hirap na po k-kasi talaga..." Humagulgol na si Veni at niyakap ko siya at hinahagod ang likod niya.

"Oh, ano naman nangyari sa klase niyo? Tama na muna ang tungkol sa bahay," saad ko at pag-iiba ko ng usapan. Tumahan naman agad si Veni at mukhang nagbago ang mood niya at mukhang maganda na ang pag-uusapan namin.

"Sabay ayon, Ate! Ang ganda niya rin kasi talaga, sabay no'ng isang araw po sabay kaming kumain ng recess," kuwento ni Veni at ngiting-ngiti pa ito at hindi ko namang maiwasan na mapangiti roon. Sa public school sila nag-aaral, gusto ko 'man silang ipa-private school pero hindi ko talaga kaya. 

"Ate, oo nga pala... pansin ko rin po lagi po kami binibigyan ni Nanay ng pera po. Isang daan po ang baon po namin. Noong nawala po kayo at araw-araw na po 'yon." Natigilan ako roon at hindi ko alam ang gagawin ko.

"Ganoong pera? Ang laki naman," sabi ko at kumakalabog nang matindi ang dibdib ko.

"Opo. At saka anu-ano rin po binili ni Nanay at sugal din po nang sugal, sabay kay Tatay naman po lagi po silang nag-iinum ng kumpare niya po. Parang ang dami po talaga nilang pera." Tumayo ako mula sa pagkakahiga.

"Sige na, matulog ka na at may pasok ka pa bukas. Baba lang si Ate at may hahanapin lang ako." Tumango si Veni at tumabi na muli siya sa kakambal niya at ipinikit niya na ang mata at bago ako lumabas ng kwarto namin ay pinatay ko na rin ang ilaw rito.

Bumaba na ako at nakita kong na roon pa si Nanay at nagyoyosi pa ito. Natatakot 'man akong lapitan at muli siyang tanungin kung nasaan ang card ko at hindi ako kakapanganak lang kahapon upang hindi malaman kung ano ba talaga ang nangyari sa card ko na 'yon, ang gusto ko lang naman na magsabi sila ng totoo. Buong tapang at lakas akong lumapit at muli siyang tanungin. 

"Nay?" pagkuha ko ng atensyon niya at humarap ito sa akin.

"Ano na naman 'yon? Ano ba Themis? Puwede ba?! Huwag muna ngayon!" Lumayo ako sa kanya at siya naman ay nagpatuloy sa paninigarilyo niya at amoy na amoy ko iyon. 

"Nay, iyong card po kasi na 'yon para po sa pangarap ko po 'yon. Matagal ko na pong pinag-iipunan iyon, bata pa lang po ako. Nay, kahit anong trabaho o raket ay pinasok ko po. Nag-beauty pageants po ako, naging waitress po, naging tagabuhat ng kung anu-ano, naging tutor po ako, nag-choreo ng sayaw, at sumali-sali sa mga kumpetisyon na may pera. Lahat po ginawa ko para lang po sa pangarap ko na pagiging abogado."

"Ano bang sabi ko?! Sabing wala nga sa akin, at saka patayin mo na iyang pangarap mo 'yan. Sa pagiging abogado? Kita mo na sobrang gulo ng politika natin ngayon? Puro mga gahaman sa pera, sa kapangyarihan... wala kang lugar na tulad mo roon!"

Kaya nga narito ako, narito ako upang maging isa sa pagbabago. Kaya ako mag-aaral ng batas para doon, para sa mga naaapi, para sa mga mahihirap—na hindi nila mapagtanggol ang mga sarili nila. Sa akin magsisimula ang pagbabago. 

Gustong-gusto kong sabihin sa kanya 'yan, pero hindi talaga na niya ako maiintindihan. Simula bata pinapatay na nila ang pangarap ko, at ngayon ako ang gumawa ng paraan. Ako ang kumilos sa murang edad. Nilabanan ko na agad ang hirap ng mundo. Wala na ring patutunguan ang usapan namin. Naglakad ako paakyat pero tinignan ko ang nakatabing bag na nakalagay sa lamesa at pumunta ako roon, dahil may kakaiba akong nararamdaman doon.

Kay Nanay ang bag na ito at tinignan ko ang bawat parte nito at sa bulsa nagulat ako na mayroong lamang card. Binuksan ko ang zipper no'n at laking gulat ko na ito iyong card ko. Hinawakan ko ito at naiiyak dahil narito ang paghihirap ko sa buhay ko.

"Themis!" sigaw ni Nanay at agad akong humarap sa kanya. Aakmang kukunin niya ang card ko pero agad ko itong nilayo.

"Bastos kang bata ka! Ibigay mo sa akin 'yan!"

"Nay, akin ito!" Lumapit nang lumapit si Nanay at talagang desididong kuhanin ang card ko. Patuloy ang sigaw ni Nanay at ako naman ginagawa ang makakaya ko na hindi niya ito makuha. 

"Ano ba?! Sobrang ingay niyo naman! May natutulog na rito!" sigaw ni Tatay mula sa itaas.

Patuloy ang nais na pagkuha ni Nanay sa card ko at na-corner na ako sa isang sulok at mayroong vase roon at nahulog ito at nawala ako sa focus at doon nakakuha ng chance si Nanay upang makuha niya ang card ko at nakuha nga niya 'yon.

"Ano bang mayroon?! May nabasag pa, natutulog na 'yong mga tao ang ingay-ingay niyo!" sigaw ni Tatay habang bumababa mula sa hagdan.

"Itong si Themis! Kinukuha ang pera ko, kanya raw 'yon... at ito ang pera natin para sa pagkain. At ayan tignan mo! Nabasag 'yong vase mo," sumbong ni Nanay. Natakot na akong gumalaw dahil lagot na ako rito.

"Ano bang mayroon sa iyo at ang tigas ng ulo mo?! Tulog na 'yong mga tao at hindi naman iyong pera kuha ka nang kuha?!" Nagulat na lang ako sa suntok ni Tatay sa akin at natumba ako sa sahig at wala na ring tigil tumulo ang mga luha ko at sila naman ay walang pakialam sa anak nila. Nakita ko ang dugo na kanina na hindi na tumutulo at ngayon naman ay tumutulo na ulit. 

Iniwan na ako ng magulang ko at ito ako ay nakahiga pa rin, hindi ko na kaya pa ang buhay na ganito. Gusto ko na ring sumuko. Parang wala na talaga ang lahat. Mapait akong ngumiti at tumayo na ako. Kinuha ko ang bag ko at mayroon pa naman akong pera upang ipagamot ang sarili ko. Binilang ko na rin ang perang hawak-hawak ko.

"Kaya pa ito... ng isang linggo," bulong ko sa sarili ko habang binibilang ang perang mayroon ako ngayon. Pumunta ako sa kwarto namin at kumuha ng mga gamit at bago ako umalis ay hinalikan ko muna sa noo ang kapatid kong kambal. 

"Pagbalik ni Ate, aalis na kayo rito at sa akin na kayo sasama," bulong ko at hinalikan na sa noo si Vici. Umalis na ako ng bahay at nag-chat ako kay Constraire na wala na ako sa bahay namin at mukhang tulog na siya dahil hindi na nakapag-reply.

Pumunta ako sa pinaka malapit na hospital at inasikaso ako agad ng mga nurses dito. Ginamot nila ang sugat ko at tinanong-tanong din ako kung anong nangyari sa akin at dinahilan ko na lang na aksidente lang akong nauntog sa isang matulis na bagay. Kahit naiiyak pa ako sa nangyari sa akin ngayong gabi ay pinigilan ko na lang. 

Sayang. Nakakapanghinayang. Iyong one hundred fifty thousand. Iyong paghihirap ko simula bata pa lang. Biglang nawala. Naglaho. 

Bakit ganoon? Bakit ang hirap ng buhay? Bakit sa akin napunta ang ganitong sitwasyon sa buhay? Gusto ko na lang din magpakasarap, gusto ko ring maging maligaya sa buhay. Si Dorothy na wala na siyang aalahanin dahil mayroon siyang supportive na magulang kaya wala na siyang gagawin pang kahit ano dahil nasa harapan niya na ang pangarap niya sa buhay.

Si Constraire, kahit na may kaya lang sila nagagawa niya ang gusto niya dahil maayos ang magulang niya sa lahat ng iyon. Si Stamim, mayaman din at kayang-kaya ang buhay kaya wala na rin talaga siyang aatupagin pa. 

Hindi ko dapat naiisip ang mga bagay na ito lalo kung ang mga kaibigan ko na ang involve pero hindi ko maiwasang mainggit, dahil ang presko ng buhay nila. Simula High school wala silang iintindihin kung hindi gumawa lang ng assignments at projects nila pero no'ng panahon na iyon. Isa akong tutor sa non-English speaking children, iyong isa kong Teacher na tinulungan ako upang sumali sa mga patimpalak ng debate, impromptu speeches, at essay writing na may pera at palagi akong sali nang sali. Dahil sa pera.

Naging choreographer din ako sa mga maliit na events at naging host din ako sa mga iyon. Naging facilitator ng mga events at lahat ng opportunities na 'yon ay pinasok ko para lang may pera ako at may ipon ako. Naging utusan lang din ako, no'ng naging 18 ako ay nagsimula na ako maging waitress sa isang fast food chain at sumasali-sali rin ako sa mga pageants.

Hindi ko ring hindi maiwasang mapangiti, dahil lahat ng iyon naging achievements ko na sa buhay. Ang dami ko na ring talagang nagawa at napatunayan para sa sarili ko. Naisip ko rin ang mga taong nahalubilo ko at mga memories na nagawa namin. Sa lahat ng taong tumulong sa akin at naniwala.

You've fought hard enough and done your best, self. You've shown courage and perseverance in the face of hardship. So, thank you very much.

----------------------------------------------------------------------------------------------------------

:>

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Marielle Masinda
May space pa ako dito sa kuwarto ko.
goodnovel comment avatar
Marielle Masinda
tira ka na lang dito sa bahay.
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status