Share

Chapter 5

Chapter 5

"Hindi ba talaga tayo parehas ng kwarto?"

Tatlong araw nang nangungulit si Nigel kay Mallory. Tatlong araw na rin niyang tinatanggihan ang lalaki.

Sa unang gabi, sa sala lang nakatulog si Nigel. Sa pangalawa, ganoon pa rin pero may kumot na. Sa pangatlong pagkakataon, nabigyan na rin siya ng unan.

Ngayon, ang demand naman ng Premium Husband ay magkaroon ng kwarto. Napupusuan pa nga nito ang sariling kwarto ni Mallory.

"Alam mo ba ang 'personal space'?" masungit na tanong ni Mallory.

"Gusto ko lang naman makatabi sa bawat gabi ang asawa ko," sagot ni Nigel habang pinagtatapat ang dalawang hintuturo niya.

Nangiwi na lang ang babae sa nakita niya kay Nigel.

"Sana may personal space rin ako dito," malungkot na wika ni Nigel. "Sana maramdaman ko na welcome at belong ako sa bahay ng asawa ko. Ang gusto ko lang naman ay masulit namin ang tatlong buwan na pagsasama."

"Ang kulit mo."

"Please." Nagtipi pa ng labi si Nigel at mistulang ginaya ang puppy eyes. Gusto nang batuhin ni Mallory ang kaharap ng tinidor pero mas nanghinayang siya sa sariling gamit.

"Pag-iisipan ko." Iyon na lang ang nasabi niya para tumigil na ang lalaking katapat sa pagpapaawa.

Itinaas ni Nigel ang mga kamay na parang nagwagi nang husto. Naiiling na lang ang babae habang pinapanuod ito.

"Anong gagawin natin?" tanong ni Mallory nang matapos sila kumain ng almusal. Nakakaramdam na siya ng antok pero kailangan nilang pag-usapan ang tungkol sa magiging takbo nila bilang mag-asawa sa loob ng 90 na araw.

"Endearment," tipid na sagot ni Nigel. Magkatapat silang naupo sa sala. Tanging coffee table ang pagitan nilang dalawa.

"Putek. Seryoso ba na kailangan natin 'yan?"

"Oo naman, baby." Kumindat pa si Nigel.

"Ayoko ng baby."

"Sayang naman. 'Di bale. May nakahanda ako na listahan ng endearments. Ikaw na bahala pumili." Iniabot ni Nigel ang dalawang crosswise na papel.

Nangingiwi na binabasa ni Mallory ang mga nakasulat doon.

Bhaby

Bhabe

Mhahal

Mhine

Sweetie

Sweetie pie

Cutieh

"Dati ka bang jejemon? Bakit lahat may 'h'?"

"Hindi ba astig kapag may 'h'?"

Namura ni Mallory si Nigel, "mas mukha kang taga-kanto."

"Poging taga-kanto."

"Mas maigi sana na hindi mo niloloko ang sarili mo, 'no?"

Binasa ulit ni Mallory ang iba pang kasunod na mga endearments.

Mosh

Moo

Cardo

Inday

"Hoy. Ba't may 'cardo' rito?" tanong ni Mallory.

"Pangmatagalan kasi 'yang si cardo. Tingnan mo 'yong Ang Probinsyano, ilang taon na."

"Hanggang tatlong buwan lang tayo," pagpapaalala ni Mallory sa kasama. Napakamot na lang ito at tumango-tango.

"Oo nga pala," sagot nito sa kanya.

Napairap si Mallory at itinuloy muli ang pagbabasa. Nakataas ang kilay na binalik niya ang papel.

"Ang papanget ng suggestions mo. Pwede namang wala na lang ganoon, eh."

"Kawawa naman ako, asawa ko."

Inismiran lang ni Mallory ang kasama at dumiretso sa kusina. Nakasunod naman ang lalaki sa kanya. Nangungulit tungkol sa magiging tawagan nilang dalawa.

"Anong ulam?" tanong ni Mallory kay Nigel.

Kumakamot sa batok na sumagot ang isa. "Wala pa, eh."

"Tsk." Iniwan na lang ni Mallory si Nigel. Malalaki ang hakbang na pumasok siya sa sariling kwarto.

Kakatapos lang ng kanyang shift. Alas-sais na siya bumaba dahil naglinis pa siya ng kwarto. Maraming nagkalat na papel kanina dahil sa mga sketches na pinakita sa kliyente. Ang sariling kwarto na ang kanyang workspace at hindi pupwedeng makapasok ang naturingan niyang asawa.

Mas nananaig na rin sa kanya ngayon ang antok kaysa gutom. Nasanay na rin naman siyang natutulog nang kumakalam ang sikmura. Pagkagising niya ng tanghali o hapon doon pa lang niya ipaghahanda ang sarili.

Subalit, ngayong may kasama na siya, ilang araw pa lang, parang nasanay na siyang pinaghahanda. Ganoon kasi ang ginawa ni Nigel sa unang araw nito. Pagkababa ni Mallory, mayroon ng almusal. Ngayon, mukhang wala.

Gugutumin yata siya nito.

Hindi naman sa nagagalit si Mallory dahil sa wala pang pagkain. Hindi lang niya maintindihan kung bakit siya nag-iinarte. Sa tagal niyang walang kasama sa bahay at sa buhay... parang gusto niyang magpasuyo.

Pero gusto rin naman niyang magpakipot.

"Ewan. Hindi ko alam," sabi ni Mallory sa isip. Gusto lang naman niyang makaranas ng pagsuyo mula sa isang gwapong binata- na ang tawag niya ay asawa.

Kinilig si Mallory nang kaunti. Alam niyang noong unang araw ni Nigel rito, binabara niya ito tungkol sa itsura ng lalaki. Pero hindi niya maitanggi na pogi naman talaga ito.

Parang artista, turan pa niya sa sarili. Natutukso siyang tumili pero inaantok na talaga siya.

Matutulog na muna siguro siya.

Tatlumpong minuto hanggang sa mag-isang oras na, nakadapa pa rin si Mallory. Hindi siya makatulog pero sobrang bigat na ng kanyang mga talukap.

Matamlay siyang bumangon nang makarinig ng mga pagkatok. Pinihit niya ang doorknob at tumambad ang mukha ng lalaking kinakikiligan niya lang kanina.

"Hi. Nagluto ako ng almusal. Alam kong gutom ka na, eh," ika ni Nigel. May hawak itong tray ng ilang pagkain at may dalawang baso pa ng kape. "Uhm, gusto ko sanang sabay tayo mag-almusal?" kabado nitong tanong.

"Ayoko," sagot ni Mallory. "Ayokong kumain mag-isa."

Napabuga ng hangin si Nigel at papasok na sana sa kwarto niya nang humarang siya rito.

"Mister, hindi porke pumayag ako na sabay tayong kakain, dito na tayo sa kwarto. Doon tayo sa baba," saad niya sa kausap. Napanguso na lang ito at nauna nang bumaba.

"Bilisan mo na d'yan o uubusin ko 'tong egg sandwich."

"Subukan mo, mister."

"Sorry na po, misis." Lumingon pa si Nigel para kumindat sa dalagang napapamulahanan na ng mukha.

Ano ba, Mallory. Akala ko ba wala kang plano mag-asawa. Bakit ka naman kikiligin sa tulad niya? suway ng isip niya.

"Ngayon lang naman 'to. Bukas, hindi na," paalala niya sa sarili. Kahit papaano ay matibay pa rin ang desisyon niyang huwag makipag-isang dibdib at mamuhay kasama ang ginawang pamilya.

Nang maramdaman niya ang pag-vibrate ng smartphone sa bulsa ng kanyang short, kinuha niya agad iyon. Nakita niya sa screen nito ang pangalan ng bunsong kapatid. Tumatawag ito sa kanya.

"Hello, Enzo?"

"Ate. Pinapatanong pala nila kung ready ka na raw sa family reunion natin?"

Family reunion? Napatakbo si Mallory sa tapat ng kalendaryo. Tiningnan kung ano ang araw ngayon. Mas lalong bumilog ang kanyang mga mata nang mapagtanto ang lilang bilog na nakabalot sa numerong 16.

Ngayon nga pala ang family reunion nila.

Ba't naman niya nakalimutan?

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status