Share

Chapter 2

Azen Pov

Pinilit ko ang aking sarili na maging matapang sa kabila ng nakaambang panganib sa aking buhay. Nakatakas ako sa lalaking nagtangkang pumatay sa akin kani-kanina lamang kaya naniniwala ako na matatakasan ko rin ang taong ito na nagtatangka rin sa buhay ko ngayon. Saglit lamang na nanigas ang aking katawan nang marinig ko ang sinabi ng lalaking naabutan kong may pinatay na isang babaeng walang kalaban-laban. Bahala na kung barilin niya ako basta ang mahalaga ay makalabas ako sa room na pinasok ko. Natitiyak ko na papatayin rin niya ako kapag nanatili ako sa loob ng room na ito. Kaya naglakas loob pa rin ako na buksan ang pintuan kahit pa pinagbantaan niya akong babarilin niya. At anong tuwa ang naramdaman ko nang makalabas ako ng ligtas sa kuwartong pinasok ko dahil hindi naman niya ako binaril. Nagpasalamat ako sa Diyos bago tumakbo ng mabilis pabalik sa condo unit ng kaibigan kong si Lyka. 

"Saan ka ba nagpunta at kanina ka pa namin hinahanap?" nag-aalalang tanong sa akin ni Lyka. Nakita kong tapos na palang mag-party dahil si Lyka na lamang ang tao sa loob ng unit niya.

"Nagsipag-uwian na pala sina Jim at ang iba pa nating mga kaibigan," komento ko pagkatapos ay nagmamadaling nagtungo ako sa kitchen para kumuha ng malamig na tubig sa loob ng ng ref ni Lyka. 

"Ano ba ang nangyari sa'yo at para kang nakainom ng isang galon na suka? Putlang-putla ang mukha mo,"nag-aalalang tanong niya sa akin nang sundan niya ako hanggang sa kusina. "Hinanap ka nila pero dahil hindi ka na bumalik ay naisip nila na nauna ka nang umuwi."

"Dalawang beses na may nagtangkang pumatay sa akin ngayon, Lyka. Grabe. Sobrang takot ang naramdaman ko kanina at hanggang ngayon ay nanginginig pa rin ang buo kong katawan dahil sa sobrang takot," pagkukuwento ko kay Lyka sa nangyari sa akin. Best friend ko si Lyka kaya at wala kaming lihim na itinatago sa isa't isa kaya sinabi ko sa kanya ang nangyari sa akin.

"Wait, Azen. May nagtangka na naman ngayon sa buhay mo? Pangatlong beses na nangyari ito at hindi na talaga maganda ang nangyayari. Sa tingin ko ay dapat mo lamang sundin ang utos sa'yo ng lolo mo na manatili ka na lang muna sa loob ng bahay ninyo. Ligtas ka sa loob ng bahay ninyo, Azen," nag-aalalang payo sa akin ni Lyka.

"Masyadong boring kung mananatili lamang ako sa loob ng bahay namin, Lyka. Alam mo naman na ayokong nakukulong ako," tanggi ko sa kanyang sinabi. Mabilis kasi akong ma-bored. Ayokong napipirmi ng matagal sa iisang lugar. Totoo yata na kapag may nunal sa talampakan ay hindi mapakali sa iisang lugar. May nunal kasi ako sa gitna ng aking talampakan kaya siguro mahilig akong umalis ng bahay at mag-lamyerda.

"Kaysa naman ang mapatay ka ng taong gustong pumatay sa'yo," nandidilat ang mga matang sabi niya sa akin. Hinila niya ako sa kamay at dinala sa sala pagkatapos ay pinaupo sa sofa. "Hindi na biro ang nangyayaring ito sa'yo, Azen. Buhay mo ang nakataya rito kaya kailangan mong mag-ingat. Iisa lamang ang buhay ng tao at kapag namatay ka ay hindi na maibabalik muli ang buhay mo. Paano na ang lolo mo? Kaya mo ba siyang iwan nang mag-isa?"

Napahugot ako ng malalim na buntong-hininga. Tama si Lyka. Hindi ko nga kaya ang iwan ng mag-isa ang aking Lolo Agustin. Susundin ko ang kagustuhan nina Lolo at Lyka na manatili muna sa loob ng bahay namin para ligtas ako. Ngunit kung hanggang kailan ko makakayanan ang manatili lamang sa loob ng aming bahay ay hindi ko alam.

"Alam mo ba na parang pamilyar sa akin ang boses ng lalaking nagtangkang pumatay sa akin kanina sa may terrace? Ngunit hindi ko siya masyadong nabosesan dahil ang tanging nasa isip ko ay makawala sa mahigpit na pagkakasakal niya sa akin," sabi ko sa kanya nang maisip ko na pamilyar sa akin ang boses ng lalaking unang nagtangkang pumatay sa akin ngayong araw.

"Hindi kaya ang taong nagtangkang pumatay sa'yo ay nasa loob ng bahay ninyo?" sabi ni Lyka. Bigla tuloy akong napaisip na baka nga nasa loob ng bahay namin ang taong nagtangkang pumatay sa akin. Ngunit agad ko rin binura sa aking isip ang ideyang iyon dahil wala namang dahilan ang mga tao sa bahay namin para patayin ako.

"Hindi naman siguro. Wala naman silang dahilan para patayin ako," kontra ko sa sinabi ng kaibigan ko.

"Tama ka. Wala naman silang rason para patayin ka," sang-ayon ni Lyka habang tumatango. "Eh, iyong pangalawang tao na nagtangka sa buhay mo? Hindi ba siya pamilyar sa'yo?" 

Mabilis akong umiling sa kanyang tanong. "Ngayon ko lamang nakita ang mukha ng lalaking iyon. At kaya lamang niya pinagtangkaan ang buhay ko dahil aksidenteng nasaksihan ko ang ginawa niyang pagpatay sa isang babae. Nagkamali kasi ako ng unit na pinasok dahil sa sobrang pagkatanta," pagkukuwento ko kay Lyka tungkol sa aking nasaksihan.

"Oh my God, Azen! Baka masundan ka ng lalaking iyon dito sa aking unit. Ang mabuti pa ay ihatid na kita sa bahay ninyo at magtago ka muna. Baka hunting-in ka ng taong iyon," nag-aalalang sabi ni Lyka. Agad nitong kinuha ang susi ng kotse nito at mabilis akong hinila palabas ng condo unit niya bago pa ako makatutol.

"ANO'NG sinabi mo, Lolo? Pakiulit nga po ang sinabi ninyo at mukhang nabingi yata ako," kausap ko kay Lolo Agustin habang kumakain kami ng dinner kasama ang aking dalawang tita at dalawang pinsan.

"Ang sabi ko ay ihanda mo ang sarili mo dahil pupunta ngayong gabi si Jack kasama ang parents niya para pormal na hingin ang iyong kamay," seryoso ang anyo na ulit ni Lolo sa kanyang sinabi sa akin. 

"Lolo, hindi ba't napag-usapan na natin ang bagay na ito? Ayokong magpakasal sa Jack na iyon dahil unang-una ay hindi ko siya kilala, pangalawa ay hindi ko pa siya nakita at panghuli ay masyado pa akong bata para mag-asawa," tutol ko sa kanyang sinabi. Nabanggit na sa akin ni Lolo ang tungkol sa pagpapakasal ko sa anak ng kaibigan niya noong gabi na hinatid ako ni Lyka pauwi sa bahay namin. Ngunit hindi ko masyadong binigyan ng pansin ang kanyang sinabi dahil akala ko ay hindi naman talaga siya seryoso lalo pa at hayagan kong tinanggihan ang arrange marriage. Ngunit seryoso pala talaga ang lolo ko na ipakasal ako sa Jack Bernardino na ito. Modern world na ngayon at hindi na uso ang arrange marriage kaya tiyak na pagtatawanan ako ng mga kaibigan ko kapag nalaman nila na gusto akong ipakasal ng lolo ko sa isang lalaking ni anino ay hindi ko pa nakita. 

"Papa, tama si Azen. Bata pa siya para mag-asawa at sa lalaking hindi pa niya nakita ang mukha," kampi sa akin ni Tita Beatrice. Si Tita Beatrice ay asawa ng unang anak ni Lolo na pumanaw na dahil sa ling cancer.

"Ako ang masusunod sa pamamahay na ito. Kapag sinabi ko na ikakasal siya kay Jack ay ikakasal siya sa lalaking napili ko para sa kanya," matigas ang boses na sagot ni Lolo kay Tita Beatrice na biglang natahimik. Kapag ganito na ang tono niya ibig sabihin ay galit siya at walang kumukontra sa kanya kahit na isa man sa amin. Nakakatakot kasi kapag nagagalit si Lolo. At isa pa na nakakatakot ay baka atakehin ito ng high blood pressure. Ito ang iniiwasan kong mangyari. Baka ma-ospital na naman ito katulad noon at manganib ang buhay. Ayokong mawala si Lolo dahil tanging siya lamang ang tao na totoong nagmamahal sa akin.

Ang dalawang tita ko ay parehong asawa ng mga pumanaw na anak ni Lolo kaya hindi ako sure kung talagang concern nga sila sa akin samantalang ang kanilang mga anak ay hindi ko kasundo dahil nagseselos sila sa atensiyon na ibinibigay ni Lolo sa akin. Hindi raw kasi pantay ang pagtrato ni Lolo sa aming mga apo niya dahil ako lamang daw ang mas mahal niya at paborito. Kaya naiinis sa akin sina Paolo at Selina.

Pagkatapos naming mag-dinner ay agad akong pumasok sa loob ng aking kuwarto para mag-ayos ng aking sarili. Ngunit hindi para magpaganda kundi para papangitin ang hitsura ko para kapag nakita ako ni Jack ay diya na mismo ang umatras sa kasal namin. Naglagay ako ng makapal na eyebrow na parang higad sa sobrang itim at pagkatapos ay nilagyan ko ng malaking tuldok na parang nunal ang gilid ng aking kaliwang pisngi gamit ang aking black marker. Napangiti ako nang makita ko sa salamin ang aking sarili. Hindi naman ganoon ka-panget ang ginawa ko ngunit sapat na ito para makarating kay Jack na tutol ako na magpakasal sa kanya.

"Azen, tawag ka ng lolo mo. Dumating na raw ang mga bisita ninyo."

Bahagya akong napaigtad nang marinig ko ang boses at malakas na katok sa pintuan ng katulong namin na si Agnes.

"Sabihin mong lalabas na ako," sagot ko sa kanya. Pagkatapos kong pasadahan ng natutuwang tingin ang hitsura ko sa salamin ay saka pa lamang ako lumabas ng aking kuwarto. At habang naglalakad ako papunta sa sala ay hindi ko maiwasang itanong sa aking isip kung ano ang hitsura ni Jack Bernardino? Siguro panget ito, pandak, malaki ang mga mata, mataba at butas-butas ang mukha dahil sa pimples kaya ito pumayag sa isang arrange marriage. Kasi kung guwapo ito ay tiyak na hindi ito papayag na magpakasal sa isang babaeng hindi pa nito nakikita maski ang anino. At siguradong may girlfriend na rin ito kung guwapo ito. Kaya natitiyak ko na panget ito at ang hitsura nito ang dahilan kung bakit ito pumayag na magpakasal sa akin. Nang makarating ako sa sala ay sinalubong ako ng mga nakangiting mukha ng magulang ni Jack samantalang ito naman ay nakatalikod sa akin kaya hindi ko makita ang mukha niya.

"Nandito na pala ang aking apo," nakangiting sabi ng lolo ko nang makita niya akong nakatayo sa likuran ng inuupuan ni Jack.

Tila naman slow motion ang ginawang pagharap sa akin ni Jack. At ganoon na lamang ang panlalaki ng aking mga mata nang makita ko ang mukha ng lalaking nais ni Lolo na maging asawa ko. Siya ay walang iba kundi ang lalaking nakita ko na pumatay sa isang babae sa loob ng condo unit nito. What a small world!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status