Share

Chapter 3

Three

Hindi niya alam kung paano niya nagawang maglakad palabas sa ospital. Hindi niya din alam kung saan siya pupunta. Nanginginig pa rin ang kanyang mga paa at maging ang kanyang mga kamay habang naglalakad siya sa labas ng ospital.

Madilim ang paligid kahit na maliwanag na dahil hindi sumikat ang araw. Makulimlim ang kalangitan ng tingalain niya ito.

Nang nasa loob siya ng ospital ay halos ayaw niyang umiyak, ayaw pumatak ng kanyang mga luha dahil ayaw niyang makita siya ng kanyang ina at ng kapatid niya na umiiyak din. Ayaw niyang ipakita sa kanila na maging siya ay nahihirapan na sa kanilang sitwasyon ng mga oras na iyon.

Nasisiguro niya na hindi biro ang kakailanganin nilang pera para sa magiging operasyon ng kanyang ama upang madugtungan pa ang buhay nito.

Panganay siya kaya nasa kanya lahat ng responsibilidad upang gawan ng paraan ang gagastusin nilang pang pa- opera sa kanyang ama.

Sa sitwasyon niya ngayon at sa estado ng kanyang buhay ay wala siyang alam kung saan siya kukuha ng malaking halaga. Ang ipon niya sa kanyang bank account ay nasisiguro niyang hindi pa rin magiging sapat upang ipambayad nila.

Ang mga gamot pa lamang na itinuturok ng mga nurse sa kanyang ama ay sobrang mahal na at inaabot na ng dalawampung libong piso. Dumaan siya sa information desk kanina at nagtanong sa mga ito kung magkano na ang inaabot ng bill nila.

Ang ospital pa na iyon kung saan naka- admit ang kanyang ama ay pribado kaya nasisiguro niyang sobrang mahal ng ilang oras na pananatili ng kanyang ama sa ICU nito.

Napatingala siya sa langit at napapikit. Tumigil din siya sa kanyang paglalakad dahil tila hinang - hina na siya kahit pa kagigising niya lamang.

Bakit parang ang bigat naman yata ng pagsubok na binibigay sa pamilya nila? Naimulat niya ang kanyang mata at hinayaan niya ang sariling tumitig lamang sa langit.

Bakit ako? Ano bang nagawa ko para bigyan Mo ng pagsubok na tulad nito? Tanong niya habang nakatitig sa mga ulap.

Ginawa naman niya ang lahat para maging isang mabuting anak, maging isang mabuting ate kaya hindi niya lubos maisip kung bakit nangyayari sa kanila ang lahat ng iyon ngayon.

Kung pwede lang sana na palitan niya na lamang ang kanyang amang nakahiga doon sa loob ng ICU at siya na lamang ang magkasakit at makaramdam ng lahat ng nararamdaman nito ay gagawin niya, huwag niya lamang makita itong nahihirapan na nakikipaglaban ito habang nakahiga sa higaang iyon sa loob ng ICU.

Ayaw man niyang isipin na tila karma iyon sa kanila, pero bakit naman sana siya kakarmahin? Wala naman siyang natatandaang kasalanan na nagawa niya sa buhay niya kaya napaka- imposible naman yata iyon.

Wala siyang ginawa kung hindi magpakabuting anak dahil ayaw niyang maging sakit siya ng ulo ng kanyang mga magulang isa pa ay wala siyang ibang inisip kundi ang maiahon ang mga ito sa kahirapang dinanas nila noong bata pa siya.

A

yaw niyang mawala ang tatay niya, hindi pa ito ang oras para mawala siya. Hindi niya pa naabot lahat ng pangarap niya at ang mga pangarap ng kapatid niya. Gusto niya munang ibigay ang kaginhawaan sa mga ito upang bago man ang sana sila mawala ay maramdaman nila kung paano maging magaan ang pamumuhay. Gusto niyang maranasan ng mga ito ang buhay na pinapangarap niya kaya nga siya nagsusumikap upang ibigay lamang ito sa mga magulang niya.

Handa siyang magsakripisyo para sa mga ito, handa siyang mawalan basta maibigay lamang ang lahat sa mga ito.

Kaya napakalaking problema niya ngayon kung saan siya kukuha ng maipambabayad niya sa ospital. Wala siyang ibang alam na pagkukunan ng ibabayad niya. Wala din siya alam na malapitan sa mga kamag anak nila dahil kaparehas nila ay mahihirap lang din ang mga ito.

Napakalaking pera ang kailangan ng kanyang ama para sa operasyon at pag hindi siya nakapag diskarte ng pera ngayon araw na ito ay malabong madugtungan pa ang buhay ng kanyang ama.

Kakayanin niya ba ang mawala ang kanyang ama? Pero anong paraan ang gagawin niya upang magkaroon ng malaking pera? Magnanakaw siya? O ibebenta niya ang isang kidney niya?

Napahawak siya sa kanyang ulo, sumasakit na ito dahil sa sobrang pag - iisip ngunit hanggang sa mga oras na iyon ay wala pa din naman siyang maisip na paraan.

Hanggang sa naramdaman niya na lamang na nagingilid na ang kanyang luha dahil sa kawalan ng pag- asa. Paano pa ngayon madudugtungan ang buhay ng tatay niya kung wala naman siyang pera? Paano na?

Hinayaan niya lamang ang kanyang sariling nakapikit sa gilid ng daan, sobrang nahihirapan na siya. Wala siyang magawa, wala siyang maisip na paraan.

Hanggang sa maramdaman niya ang patak ng ulan. Biglang napamulat ang kanyang mga mata. Tila nakikisama ang langit sa bigat ng nararamdaman niya ng mga oras na iyon.

Hanggang sa ang mga patak na mahina lamang kanina ay naging ulan. Biglang bumuhos ang malakas na ulan, ngunit nanatili lamang siya na nakatayo doon at hinayaan ang sariling mabasa siya ng ulan.

Tila halos ayaw gumana ng utak niya ng mga oras na iyon. Halos ayaw din gumalaw ng kanyang mga paa upang humakbang at umalis sa lugar na iyon.

Ang maingay na kalsada ay halos napakatahimik na para sa kanya dahil tila wala na siyang naririnig. Wala na siyang pakialam kung pinagtitinginan siya ng mga tao na nakasakay sa kaniya- kaniya nilang mga sasakyan ng mga oras na iyon.

Kung pwede lamang siyang sumigaw ay gagawin na niya doon upang kahit papano ay mabawasan man lang ang sakit at bigat na dinadala niya sa kanyang dibdib.

Hanggang sa mapatingin siya sa kanyang harapan, may naghagis kase ng isang bagay doon at nang makita niya ay payong pala. Napalingon siya sa naghagis nito sa kanya, isang matanda na nasa singkwenta mahigit na sa tanyiya niya ang edad nakatingin ito sa kanya na tila may awa sa kanyang mga mata.

Hindi niya alam kung bakit tila may pumiga sa kanyang puso ng mga oras na iyon.

Awa. Awa ang nakikita niya sa mga mata nito. Hindi niya gustong umiyak ngunit ang pagragasa ng damdamin niya ng mga oras na iyon ay sobra at hindi na niya napigilan pa.

Isang malungkot na ngiti ang pinakawalan niya rito bago tuluyang mawala ito sa kanyang paningin.

Sa mata ng iba ng mga oras na iyon ay kaawa awa siya. Sino ba naman ang hindi maaawa sa kalagayan niya ng mga oras na iyon? Basang basa siya sa gitna ng kalsada habang bumubuhos ang malakas na ulan, iyon pa lamang ang nakikita nila ay awang awa na sila sa kanya paano pa kaya kapag nalaman nila ang problema niya?

Kung sana ay meron lamang siyang pwedeng matakbuhan. Kung sana ay meron lang siyang mahingan ng tulong ng mga oras na iyon ay gagawin na niya ang lahat upang magmakaawa dito ngunit wala siyang alam, wala siyang alam kung sino ang maaari niyang hingan ng tulong.

Unti unti siyang naglakad na tila wala sa kanyang sarili. Kailangan niyang gumawa ng paraan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status