Share

Chapter One

Dinig na dinig ni Cherry Bueno ang pag-uusap ng kanyang nakatatandang kapatid na si Joanna at ang nobyo nitong si Carlo. "Ayaw kitang saktan, Carlo. Pero karapatan ko rin namang lumigaya", sabi ni Joanna habang nakaupo ito sa sala ng kanilang bahay. Humugot ito ng malalim na buntong-hininga at nagpatuloy "Matagal na kitang pinagtataksilan. Matagal ko na itong gustong sabihin sa iyo dahil alam ko na nagkakasala ako. Matagal na kaming may relasyon ni Joel, at masaya ako sa piling niya. Ngayon gusto na naming magpakasal kung kaya gusto ko nang tapusin ang lahat ng namamagitan sa atin."

Parang piangsakluban ng langit at lupa ang pakiramdam ni Carlo. Namayani ang katahimikan at pagkatapos ng ilang sandali ay nagsalita ang binata. "Sana hindi ka naglihim sa akin, Joanna. Sana noon mo pa sinabi ang lahat, na hindi mo ako totoong mahal... na hindi ka masaya sa piling ko. Ang tagal mo akong pinaasa at pinaniwala na mahal mo ako. Tatlong taon... Tatlong taon akong umasa, Joanna. Umasa ako na pakakasalan mo ako, na mamahalin mo habang buhay. Ang sakit nitong ginagawa mo sa akin. Noon pa man, minahal na kita, alam mo 'yan. Nag-aaral pa lang tayo, minahal na kita. Ikaw ang dahilan kung bakit ako nagpursigi na makapagtapos sa aking pag-aaral at maging kilalang Engineer. Dahil gusto kong ibigay sa iyo ang lahat, ang pinaka-magandang buhay na kaya kong ibigay. Pagkatapos ngayon ay sasabihin mo na hindi mo ako mahal, na hindi mo ako totoong minahal."

"Patawarin mo ako, Carlo. Ginawa ko 'yun dahil gusto kong pagbigyan ang hiling ng ating mga magulang," sagot nito. "Alam mo naman na mga bata pa lang tayo ay plinano na nila na maikasal tayo sa isa't-isa. Akala ko matututunan kitang mahalin kung kaya't sinagot kita. Pero hindi talaga, Carlo. Parang kapatid lang ang tingin ko sa iyo. Mas lalo kong na-realize ang lahat ng magkita kami ulit ni Joel, ang unang lalaking minahal ko."

"Pero mahal na mahal kita, Joanna, alam mo 'yan.. I love you so much. I can't imagine my life without you," naluluhang sabi ng binata.

Sa kanyang pinagkukublihan, dinig na dinig ni Cherry ang lahat. Parang madudurog din ang puso niya na makita ang naluluhang si Carlo. Napakasakit nga naman para sa isang taong lubos na nagmamahal na kalasan ng minamahal upang sumama at ipagpalit siya sa iba. Batid niya ang nararamdaman ni Carlo, ilang taon din itong nanligaw sa kanyang kapatid. Naghintay ito ng matagal upang sagutin at mahalin ni Joanna. Katulad niya na ilang taon na ding naghihintay na pansinin at bigyan ng kahit katiting na pagmamahal ng binata. Lihim siyang umiibig sa binata kahit alam niyang ang nakatatandang kapatid ang kinababaliwan nito.

Matagal ng magkaibigan ang pamilya Bueno at ang pamilya Santamaria. Matalik na magkaibigan ang kanilang mga ama. Palagi silang magkakasama sa mga pagtitipon at anumang kasayahan. Magkasing-edad sina Carlo at Joanna, magka-klase sila sa elementarya. Samantala mas bata naman ng tatlong taon si Cherry.

Mga bata pa lamang sila ay batid na ni Cherry ang espesyal na pagtingin ni Carlo sa kanyang kapatid. Kakaiba kasi si Joanna. Pareho silang maganda ni Cherry, may mala-porselanang kutis at balingkinitang katawan na namana nila sa kanilang ina. Pero mas kapansin-pansin si Joanna. Sosyal kasi ito kung manamit, liberated kung kumilos, mataas ang sex appeal at halatang matalino. Samantala, simpleng kagandahan lamang ang taglay ni Cherry. Mahinhin, conservative sa ilang bagay at taglay pa rin niya ang ugaling Pilipina.

Maka-ilang beses na niyang kinausap si Joanna. Ilang beses na niya itong kinumbinsi na subukang mahalin si Carlo, pero ipinipilit nitong wala kay Carlo ang mga katangiang hinahanap niya sa isang lalaki. Gwapo naman ito pero masyadong seryoso sa buhay at studious.

Isa na siyang ganap na Engineer ng magsimulang ligawan ni Carlo si Joanna.. Dahil sa laki ng paghanga ni Cherry sa binata ay pinilit din niyang mag-aral sa UST kung saan nag-aral si Carlo. Sa edad na beinte-singko ay nasa huling dalawang taon na siya ngayon sa kursong Medicine. Si Joanna naman ay nagtapos sa UP ng kursong Fashion Design at ngayon ay isa na itong kilalang fashion designer.

"Huwag mo naman akong iwan, Joanna, please. Don't do this to me. Mahal na mahal kita... Pag-usapan natin ito ng maayos, please. Gagawin ko ang lahat para mapasaya ka, promise. Mamahalin at pagsisilbihan kita habang-buhay. Gagawin ko ang lahat para sa 'yo, Joanna. I love you so much..."

Tumulo ang luha ni Cherry sa kanyang narinig. Napakagat-labi sya sa kanyang pinagkukublihan. Naaawa siya kay Carlo, mistula na itong desperado. "Ano ka ba naman, Carlo.", saad ni Joanna. "Para namang ako lang ang nag-iisang babae sa mundo. Guwapo ka naman, mayaman, may magandang trabaho. Sigurado ako na may magkakagusto pa naman sa 'yo, Carlo. Sa tingin ko maraming magkakandarapang babae sa 'yo pag nalaman nilang naghiwalay na tayo, wag ka naman magpakabaliw sa akin ng ganito. Tingnan mo ang sarili mo, para ka ng bakla sa pag-iyak mo dyan." Nakatawang saad ni Joanna.

Parang gusto ng lumabas ni Cherry sa kanyang pinagtataguan at sampalin ang kapatid sa mga pang-iinsulto nito kay Carlo.

"Alam mong mahal na mahal kita, Joanna. Wala akong ibang babaeng minahal katulad ng pagmamahal ko sa 'yo. Ano ba ang gusto mong gawin ko para mahalin mo rin ako? ikaw lang ang nagmamay-ari nito, Joanna." Itinuro nito ang dibdib.

"Sorry talaga, Carlo. Pero hindi naman kasi natuturuan ang puso, di ba. Kahit anong gawin ko, si Joel talaga ang tinitibok ng puso ko. Si Joel lang ang nagpapasaya sa akin, siya lang ang laging laman ng puso't isip ko. Mas lalo kitang sasaktan kung pipilitin kong makisama sa iyo pero iba ang minamahal ko. Joel has all the qualities I am looking for in a man. Sa iba mo na lang ibaling ang pagtingin mo, Carlo... Anyway I have to go. May pupuntahan pa kami ni Joel." Pagkasabi nito ay kinuha ang bag sa mesa at dali-daling lumabas ng bahay.

"Joanna....", usal ng naiwang lalaki... "Mahal na mahal kita, Joanna."

Pagkaraan ng ilang sandali ay hindi na nakatiis si Cherry na lumabas mula sa kanyang pinagtataguan at nilapitan ang binata. "Carlo... I'm so sorry. I.. I wish I could do something. Matagal ko nang alam ang relasyon ni Ate at Joel pero nawalan ako ng lakas ng loob na ipaalam sa 'yo dahil alam kong masasaktan ka. Ilang beses ko ring sinabihan si Ate na pag-aralan kang mahalin pero binalewala niya lang ang sinabi ko. I'm sorry, pero mahal na mahal ni Ate si Joel.. I... I suggest, kalimutan mo na lang si Ate."

"ilang taon ko siyang inalagaan, minahal.. How can I love somebody else?" basag ang tinig na tanong nito. "Mga bata pa lang kami si Joanna na ang tinitibok ng puso ko. Bawat araw, bawat oras, bawat minuto ay siya ang laman ng isip ko. Siguro hindi mo ako maiintindihan dahil hindi ikaw ang nasa katayuan ko ngayon, Cherry." Namumula ang mga mata nitong tumingin kay Cherry. "Baka nga hindi ka pa umiibig kaya hindi mo pa alam ang nararamdaman ko."

"That's what you think," pumiyok ang tinig na sagot ng dalaga. Bahagyang nanginig ang kanyang mga labi at nabasa ang bilugang mga mata.

Kung sana ay siya na lang ang minahal ng binata. Sana ay magising ito sa katotohanan at siya na lamang ang pagtuunan nito ng pansin. Maganda din naman siya, hindi nga lang kasing-ganda ng kanyang kapatid. Hindi rin siya sexy at simple lang kung mag-ayos ng sarili. Hindi katulad ng kanyang Ate Joanna na mahilig maglagay ng kolorete sa mukha. Pero kaya naman niyang suklian ang pagmamahal ng binata. 'Matagal na akong nagmamahal, Carlo. Matagal na kitang iniibig at matagal na rin akong nasasaktan', bulong niya sa kanyang sarili.

Tumayo ang binata at tinungo ang pinto, "Uuwi na ako, Cherry". Walang kabuhay-buhay na sambit nito.

"Carlo...." hindi nakatiis na sabi ng dalaga.

"Bakit? May sasabihin ka ba?"

"Baka gusto mo ng kaibigang makaka-usap, nandito lang ako. We can go out and have some fun, tawagan mo lang ako. Baka sakaling gumaan ang pakiramdam mo."

"Salamat... but I'm ok. And I want to be alone, for now." malungkot na sabi nito at tuluyan ng umalis.

Parang kinukurot ang puso ng dalaga habang tinitingnan ang papaalis na binata. 'Sana ako na lang, Carlo... sana ako na lang. Kaya kong gawin ang lahat para mapasaya ka. Kaya kong ibigay ang pagmamahal at pag-alaga na nararapat sa iyo... Sana ako na lang....'

Malapit din naman sa isa't isa sina Carlo at Cherry, subalit iyon ay bilang magkaibigan lamang. Napaghihingahan din naman nila ng problema ang bawat isa. Alam ni Cherry na ang kabiguan ni Carlo sa kanyang Ate Joanna ang pinakamalaking kabiguan nito at sa pagkakataong ito ay hindi niya ito makakayang pabayaang mag-isa.

Ilang araw din siyang walang narinig mula kay Carlo. Ilang beses niya itong tinawagan pero hindi ito sumasagot. Halos araw-araw ay kinukumusta niya ito sa text pero wala din siyang natatanggap na sagot. Medyo kilala na rin niya ang binata, kapag ganitong may problema ito ay sa kanyang condominium sa Makati ito naglalagi upang mapag-isa.

Hindi na nakatiis si Cherry at pagkatapos ng kanyang duty sa hospital ay sinadya niya ang binata sa tinitirhan nito. Alam niya na ngayon kailanman nito kailangan ang kanyang pagdamay. Kailangan din niya itong makumbinsing kalimutan na nang maaga si Joanna at ituon na lamang ang atensyon nito sa kanyang trabaho.

Isang matamlay na Carlo ang nagbukas ng pinto ng kumatok si Cherry sa condo unit nito. May hawak-hawak pa itong bote ng beer.

"Bakit? Ano'ng kailangan mo?" kunot-noong tanong ng binata ng makita siya.

"Gusto ko lang kumustahin ka, Carlo." mahinang sagot niya.

Tumalikod ito at pumasok sa loob. Sinundan niya ito.

"Naglalasing ka?" tanong niya ng makita ang ilang pirasong bote ng beer sa sala nito.

"Gusto ko lang makalimot at makatulog. Ito lang ang tanging paraang alam ko upang makalimutan ko ang lahat ng sakit." Naupo ito sa sala at patuloy na tinungga ang beer. "Baka gusto mong samahan akong uminom?" May mapaklang ngiting sumilay sa mga labi nito ng tumingin ito sa kanya.

"Hindi ako umiinom, alam mo naman siguro 'yun. Wala kang mapapala sa ginagawa mo, Carlo. Mas lalo mo lang pinahihirapan ang sarili mo, napapabayaan mo pa ang trabaho mo." Sabi niya na pinahalata ang pagkainis.

"Ginago ako ng kapatid mo, Cherry. Ginawa niya akong tanga", muli itong tumungga ng alak. "Tatlong taon, Cherry. Tatlong taon na akala ko ako lang, akala ko wala siyang ibang mahal. Tatlong taon na wala akong ibang ginawa kundi pasayahin siya at ibigay sa kanya lahat ng kaya kong kong ibigay. Hindi ako tumingin sa ibang babae dahil ayaw kong magselos at magalit siya. Ginawa ko siyang inspirasyon araw-araw sa trabaho ko. Pati langit at mga bituin gusto ko ng sungkitin para sa kanya. Pero ano'ng ginawa niya? Niloko niya ako... niloko niya ako. She made me believe we have a future together. She made me believe that we'll be together hanggang pagtanda namin... Pakiramdam ko ngayon ako na ang pinakatangang lalaki sa buong mundo." Inihagis nito ang hawak na bote at basag na bumagsak iyon sa sahig.

"Tama na 'yan, Carlo, please. Kahit ano pa ang ginawa ni Ate sa 'yo, you have to move on. Marami pa namang babae sa mundo, Carlo. May magkakagusto pa naman sa 'yo." Nandito lang ako para sa 'yo, dugtong niya sa isip.

"Si Joanna lang ang nag-iisang babae para sa akin", mariing sagot nito. "Hayaan mo na ako, Cherry. Just leave me alone. Gusto kong mapag-isa. Walang ibang makakatulong sa 'kin ngayon kundi itong alak. Iwan mo na ako". Pagkasabi niyon ay nagpatuloy na ito sa pag-inom.

Alam ni Cherry na desperado na ang binata, kaya hindi niya ito magawang iwanan. Nag-aalala siyang baka ano ang maisipan nitong gawin sa sarili. Naupo lang siya sa tapat nito at hinayaan itong uminom.

Makaraan ang ilang sandali, halos maubos na nito ang lahat ng bote ng beer sa mesa nang mapansin niya itong titig na titig sa kanya, namumungay ang mga mata at may kakaibang ngiti sa labi. Parang wala na ito sa sariling katinuan.

"Joanna", mahinang usal ng binata.

"Hindi ako si Ate Joanna, Carlo." napalunok na pagwawasto ni Cherry. "Lasing ka na nga. Ang mabuti pa ay matulog ka na muna at magpahinga. Pupunasan kita para mawala ang kalasingan mo." Inalalayan niya ito papunta sa silid nito. Tinulungan niya itong humiga sa kama at ng akma na siyang tatalikod para kumuha ng maipupunas dito ay bigla siya nitong kinabig hanggang pumaibabaw siya sa katawan nito. "Carlo, ano ba?! What are you doing?" naalarma niyang tanong.

"I love you so much, Joanna... I need you," sagot ng binata.

"Hindi ako si Joanna, Carlo, ano ba!" malakas niyang sabi.

Ngunit walang pakialam na h******n siya nito sa labi at pilit na niyakap. Tinangkang umiwas ng dalaga, ngunit mas lalo lamang humigpit ang yakap ng binata. Parang pinanghinaan siya nang maramdaman ang kaaya-aya nitong haplos sa kanyang likod. Hindi rin niya maipagkakailang naapektuhan siya ng halik nito. Nawalan na siya ng lakas na labanan ito bagkus ay dahan-dahan niya ring niyakap ang binata at tinanggap ang nag-aapoy nitong mga halik.

Gumulong sila sa kama at hindi na niya namalayan ay ito na ang nakaibabaw sa kanyang malambot na katawan. "Joanna, hhmmm, I love you so much", saad nito habang masuyo nitong hinahaplos ang kanyang magkabilang pisngi. Muli siya nitong hinalikan sa labi. Napapikit si Cherry at naramdaman na lamang niya ang maiinit na butil ng luhang tumutulo sa kanyang pisngi. Hinayaan na lamang niya ang binata sa maling paniniwala nito na siya si Joanna. Sa ganitong paraan niya lamang mararamdaman ang pagmamahal ng lalaking matagal na niyang pinangarap at palihim na minamahal.

Lalong nanghina ang kanyang katawan ng maramdaman niya ang masuyong paghaplos ng binata sa kanyang katawan. Muli nitong hinalikan ang kanyang labi. Sa pagkakataong ito ay mas mapusok na ang binata. Makaraan ang ilang sandaling pagkakahinang ng kanilang mga labi ay gumapang ang mga halik nito sa kanyang buong mukha, tainga at pababa sa kanyang leeg. Pakiramdam ng dalaga ay may kuryenteng tumutulay sa kanyang buong katawan ng maramdaman niya ang mga halik at haplos nito. Wala na siyang lakas na tumutol at nagpaubaya na lamang siya sa nais gawin ng binata.

Pagkaraan ng ilang sandali ay dahan-dahan nitong hinubad ang kanyang blusa at isinubsub ang mukha nito sa kanyang dibdib habang nababaliw na sinimsim ang kanyang bango.

"Ahhh, Carlo..." napaungol na sambit ng dalaga habang nakayakap nang mahigpit dito. Kapwa sila pansamantalang nawala sa katinuan at tuluyang nang tinalo ng pagnanasang nararamdaman.

UMAGA. Mabigat ang pakiramdam ng magising si Carlo. Hawak ang noo ay dahan-dahan siyang bumangon. Nang mag-angat sya ng paningin ay ang pormal na mukha ni Cherry ang tumambad sa kanya. Tahimik itong nakaupo sa gilid ng kama.

"Cherry... ano'ng ginagawa mo dito?" gulat na tanong ng binata.

"Dito ako nakatulog," mahinang sagot nito. Halatang buong magdamag itong gising at umiyak base sa namumugto nitong mata.

"Bakit?" simpeng tanong ng binata.

Imbes na sumagot ay tahimik siya nitong tiningnan at muling naglandas ang masaganang luha sa mga mata nito.

Muling napatutop sa kanyang noo ang binata at pilit na inaalala ang mga nangyari. Dahan-dahan ay nagbalik ka kanyang alaala ang mga nangyari kagabi. Unti-unti niyang nakita ang mukha ni Cherry habang hinahalikan niya ito. "Shitttt.... May nangyari ba sa atin?" Napatayong sabi niya habang nakabalabal sa katawan ang kumot.

Hindi sumagot ang dalaga, sa halip ay nagpatuloy lamang ito sa pagluha.

"Cherry.... bakit mo hinayaang mangyari ito? Alam mo namang hindi dapat, di ba. For God's sake, bakit ka pumayag, Cherry. Lasing ako. Dapat tumutol ka.. I didn't force you, did I?"

Marahan itong umiling. "Nadarang din ako. Hindi ko na nagawang tumutol, Carlo. N-nakalimot din ako...."

"I'm sorry, Cherry... what are we going to do now?" tensyonado niyang tanong dito.

"I don't know."

"I'm really sorry.. God... Hindi ko mapapatawad ang sarili ko!" Sunod-sunod na napabuntung-hininga ang binata. "Kasalanan ko lahat ito. it's all my fault."

"Kasalanan ko rin, Carlo. Ako ang pumunta rito. Lasing ka at wala ka sa sarili samantalang malinaw ang pag-iisip ko. Kasalanan ko, Carlo, dahil hinayaan kong mangyari ito. But don't worry, hindi naman ako maghahabol. Wala kang dapat problemahin."

Pero nakukunsensya pa rin siya. Alam niya na ibang-iba si Cherry sa kapatid nito. Conservative ito at batid niyang hindi magiging madali para rito ang nangyari sa kanila. Sinira niya ang pagkadalaga nito.

"Alam kong hindi ako mapapatawad ng mga magulang mo, Cherry."

"Walang makaka-alam sa nangyaring ito, Carlo, don't worry."

"But.... w-what if you get pregnant?"

Tumahimik lamang ang dalaga, dahan-dahang kinuha ang bag nito at umalis.

Lumipas ang mga araw at linggo na walang nakitang palatandaan si Carlo na ipinaalam ni Cherry sa mga magulang nito ang nangyari sa kanila. Pilit din naman niya itong kinakausap para humingi ng tawad ngunit iniiwasan siya ng dalaga.

Hanggang dumating ang araw ng kasal nina Joanna at Joel. Sa mismong reception ay nahilo si Cherry at hinimatay. Dali-dali siyang dinala ng mga magulang sa hospital at doon ay nalaman ng mga ito na tatlong buwan na itong buntis. Pilit mang itinago ng dalaga ang lahat ay wala pa rin siyang nagawa ng sapilitan siyang tanungin ng mga magulang kung sino ang ama ng dinadala nito.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status