Share

Chapter 7.1

Bumungad kay Hope ang seryosong mukha ni Zeke nang pumasok siya sa kanilang dinning room.

"Where have you been? Nag-order na ako ng mga pagkain kasi ang tagal mo," nakasimangot na sabi sa kaniya ni Zeke.

Bagama't sobrang sama na ng pakiramdam niya matapos masaksihan ang inihahandang proposal ni Isaac para kay Angenette, pinilit pa rin niyang pasiglahin ang anyo at nginitian si Zeke. Ayaw niyang masira ang inihanda nitong dinner para sa kaniya lalo pa't sobra-sobra ang effort na ginagawa nito para pagaanin ang loob niya.

"I'm sorry, naligaw kasi ako," sabi niya na may bahid din naman ng katotohanan. Kung hindi nga naman siya naligaw edi sana hindi niya nakita si Isaac. Ang totoong dahilan kung bakit siya natagalan, dumaan muna siya sa restroom at doon umiyak nang umiyak. Mabuti na lang at lagi siyang may dalang make-up kung kaya't naikubli niya ang namumugto niyang mga mata.

Tumayo si Zeke at hinila ang bakanteng upuan para sa kaniya. Pinasalamatan niya naman ito nang nakaupo na siya.

"Sabihin mo lang kung may iba ka pang gustong kainin," sabi ni Zeke nang nakabalik na ito sa upuan nito.

Isa-isa niyang tiningnan ang masasarap na pagkain na nakahain sa mesa. Lahat ng mga iyon ay mga paborito niya. "I still find it hard to believe na sobrang kabisado mo na ang mga pagkaing gusto ko. Come to think of it, nag-enroll ka pa nga pala noon sa isang culinary school para lang maipagluto ako ng mga pagkaing gusto ko..." Nginitian niya nang may kapilyahan si Zeke. "Zeke, gusto mo bang tumira na lang tayo sa iisang bahay?"

Naibuga naman ni Zeke ang iniinom na tubig sa gulat. Pinagtawanan niya ito. Kinuha niya ang napkin sa tabi at idinampi-dampi iyon sa palibot ng basang bibig nito.

"Bakit gan'yan na lang ang reaksyon mo? Ano ba kasing iniisip mo?" tumatawa pa rin niyang tanong dito habang pinupunasan ang gilid ng labi nito.

Lingid sa kaniyang kaalaman na ang simpleng gestures niyang iyon ay sobrang tindi ng epekto kay Zeke. Sa bawat pagdampi ng balat niya sa mukha nito ay ganoon din ang pagbayo ng dibdib nito at literal na nitong naririnig iyon dahil sa sobrang lakas at bilis n'on.

Tumikhim si Zeke at kinuha na sa kaniya ang napkin. Ito na mismo ang nagpunas sa sarili. "Aside from being your manager, halos walong taon na tayong magkasama. Kaya paanong hindi ko makakabisa ang mga bagay na gusto mo?"

Tumangu-tango siya pagkatapos muling ngumiti at tinitigan si Zeke. Napaisip siya sa sinabi nito.

Sa halos walong taon na nakasama niya si Zeke, masasabi niyang napakalaki ng naging tulong nito sa buhay niya. Magmula no'ng college days hanggang sa ngayong magkatrabaho na sila sa entertainment industry, palagi itong nakaalalay sa kaniya.

"Ba't mo ako tinitingnan nang gan'yan?" takang tanong ni Zeke sa kan'ya.

Ipinatong niya ang mga siko sa ibabaw ng mesa pagkatapos, ikinulong ang mukha sa kan'yang mga palad at mas lumapad pa ang mga ngiti. "Thank you."

Napakunot si Zeke at naguguluhan siyang tinitigan. "Para saan?"

Bumuntong-hininga siya at nakangiting tumingin sa magarang chandelier sa kanilang tapat. "You just made me realize na kahit gaano kalupit ng tadhana sa 'kin, I still have you to save my day."

*****

Sakay na ng taxi si Angenette patungo sa restaurant na sinabi sa kaniya ni Isaac kung saan sila magkikita nang biglang bumuhos ang ulan. Katulad ng malakas na buhos ng ulan ay gano'n din ang pagbuhos ng kaniyang mga luha sa kan'yang pisngi. Sobrang bigat na ng nararamdaman niya dahil sa dinadala niyang problema. Gusto niya nang tapusin iyon kung kaya't sa maghapon niyang pag-iisip para solusyunan ang kaniyang suliranin ay nagkaroon na siya ng pasya.

Isang waitress ang sumalubong sa kaniya nang pumasok siya sa restaurant. Nang sabihin nito ang room number kung nasaan si Isaac ay hindi na siya nagpatumpik-tumpik pang puntahan iyon. Subalit nang nasa tapat na siya mismo ng pinto ay tila napako naman siya sa kinatatayuan. Naduduwag siyang harapin si Isaac.

Naluluha at nanginginig ang mga kamay na humawak siya sa knob ng pinto at pinihit iyon.

Nakapatay ang mga ilaw at may maliliit na nakasinding kandila sa sahig na bumubuo ng hugis puso. Nang humakbang siya papasok ay biglang tumugtog ang love song na paborito nilang dalawa ni Isaac.

Unti-unting lumiwanag ang paligid at tumambad sa kaniya ang napakaraming bulaklak na halos pumuno na sa silid. Sa gitna ng mga bulaklak na iyon, nakatayo si Isaac at nakangiti sa kaniya.

Naluluhang umiling-iling siya. "No..." Muli na naman siyang napaiyak. Alam niya na kung ano ang pinaplano ni Isaac.

Nakangiting lumapit sa kan'ya si Isaac at pinunasan ang kan'yang mga luha.

"Hey, please don't cry. Hindi ko pa nga nasasabi ang mga gusto kong sabihin eh," wika nito bago siya dinampian ng halik sa noo.

"Isaac, no," umiiling-iling niyang sabi rito subalit tila hindi siya naiintindihan nito. Iniisip marahil nito na masyado lang siyang nagiging emosyonal sa mga pangyayari.

Ilang sandali pa, inilabas na ni Isaac ang isang maliit na kulay pulang kahon. Lumuhod na ito sa harapan niya at nakangiting binuksan iyon.

Tumambad sa kaniya ang isang silver ring na mayroong makinang na diyamante sa gitna. Natutop niya ang bibig at mas lalo pang napaiyak.

Tiningala siya ni Isaac. "Alam kong gusto mo munang maayos ang gusot sa pagitan namin ng mga magulang ko bago tayo magpakasal pero kasi Angenette, gustong-gusto ko na talagang bumuo ng pamilya kasama ka..." Hinawakan nito ang nanlalamig at nanginginig niyang kamay. "Angenette, will you be my wife?"

Hindi siya makasagot. Umiyak lang siya nang umiyak. Sa labis na panlalambot at panghihina ng kaniyang mga tuhod ay bumagsak na siya sa sahig. Kaagad naman siyang inalalayan ni Isaac at sinubukan siyang itayo subalit pinigilan niya ito.

Naguguluhan siyang tinitigan ni Isaac. "Angenette?"

"I-Isaac... I'm sorry..."

Hindi kaagad nakakibo si Isaac nang makita ang lungkot sa mga mata ni Angenette. Nabigla ba ito sa proposal niya? Hindi pa rin ba talaga ito handang magpakasal sa kaniya?

Huminga muna siya nang malalim, saka pinilit ang sarili na ngumiti kay Angenette at inunawa ito. "Nabigla ba kita? I'm sorry. Masyado lang kasi akong na-excite. Huwag kang mag-alala, kung ayaw mo pa, okay lang. Hihintayin ko kung kailan ka magiging handa."

Mas tumindi pa ang mga iyak ni Angenette. Kumapit ito sa mga braso niya. "Isaac... I'm sorry... Patawarin mo ako."

Tumango siya at inalo ito. "Shhhh... You don't have to feel sorry, kasalanan ko, dapat hinintay_."

"I can't marry you," putol ni Angenette sa sinasabi niya.

Napaawang ang bibig niya sa pagkabigla sa sinabi ni Angenette. Tama ba ang pagkakaintindi niya? Ayaw na nitong pakasal sa kan'ya?

"W-what do you mean you can't marry me? May nagawa ba akong masama?" Hinawakan niya sa magkabilang braso si Angenette at tinitigan sa mga mata. "Kung meron man, I'm sorry. Just tell me kung ano iyon, pangako hindi ko na uulitin."

Umiling-iling si Angenette at inalis ang mga kamay niya na nakahawak sa braso nito. "I'm pregnant."

Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Isaac sa isiniwalat ni Angenette. Sa labis na pagkabigla ay nabitawan niya ang kahon ng singsing na kaniyang hawak.

Naikuyom niya ang kaniyang mga kamao. "Y-you're lying... Tell me, kinausap ka na naman ba nina Mama?"

"No, Isaac... Nagsasabi ako ng totoo... Buntis ako," humahagulhol nang sabi ni Angenette.

Tuluyan nang kumislap sa mga mata ni Isaac ang mga luhang namuo roon. "P-pero paano ka mabubuntis, wala pa namang nangyayari sa atin?" naguguluhan niyang tanong habang pinipilit na pakalmahin ang sarili.

"I'm sorry, Isaac... I'm sorry..."

Hindi niya tiyak kung ano'ng tamang salita ang makapaglalarawan sa nararamdaman niya ngayon. Galit? Lungkot? Pagkadismaya? Hindi niya na alam.

"Kailan pa?" Mariin siyang pumikit habang mabibigat ang paghinga. "Hindi, s-sino? Sino ang ama n'yan?"

Umiling-iling si Angenette habang patuloy pa rin sa pag-iyak.

Mapait ang mga ngiting tumangu-tango siya. "So, wala ka ring planong sabihin sa akin kung sino ang h*y*p na nakabuntis sa 'yo." Naihilamos niya ang nanginginig na kamay at lumuluhang tinitigan si Angenette. Napailing-iling siya sa sobrang disappointment dito. Napasalampak na siya sa sahig at hindi na napigilan ang pagbuhos ng kaniyang mga luha. Sobrang mahal niya ito at handa siyang talikuran ang lahat para lang dito pero bakit sa kabila n'on ay nagawa pa rin nito sa kaniya ang kataksilang iyon?

"Angenette, hindi ka naman ganito... Ano ba ang nagawa kong kasalanan para gawin mo sa akin ito?"

*****

Basang-basa ng ulan nang makauwi si Angenette sa kanilang bahay. Nagtaka siya nang datnan niya ang kaniyang Lola Esme sa salas na gising pa rin gayong madalas ay tulog na ito nang ganoong oras.

"Nandito na po ako," sabi niya at ginawa ang lahat para iiwas ang namumugtong mga mata sa matanda. Lumapit siya upang magmano subalit nagtaka siya nang pagalit nitong iniiwas ang kamay.

Laking gulat niya nang itinapon nito sa kan'yang pagmumukha ang kaniyang pregnancy test kit na itinago niya sa ilalim ng kutson ng kaniyang kama.

"P-paano ito napunta sa inyo?" natatakot niyang tanong sa kaniyang Lola Esme.

"Tingin mo mahalaga pang malaman mo kung paano ko nakuha 'yan?!" bulyaw nito, saka umiiyak siya na pinaghahampas sa braso. "Ano ba'ng pinaggagagawa mo sa sarili mong bata ka?! Saan ba ako nagkulang sa pagpapalaki sa 'yo?!"

Muli na naman siyang napaiyak nang makita ang disappointment sa mga mata ng kaniyang Lola. Tinanggap niya ang lahat ng masasakit na salita, sampal, at sabunot na ibinubuhos nito sa kaniya. "Sorry po, Lola... Sorry po," nakayuko at humahagulhol niyang sabi.

"Nasaan siya?!" Tumigil si Lola Esme sa pananakit sa kaniya. "Papuntahin mo rito si Isaac ngayon din! Kailangan niyang panagutan ito! Dapat ka na niyang pakasalan! Ano na lang ang sasabihin ng mga tao sa iyo?!"

Lumuhod siya sa harapan ni Lola Esme at umiling-iling. Mas lalo pa siyang umiyak. "Patawarin mo po ako, Lola!"

Muli, dumantay sa pisngi niya ang palad nito. "Tigilan mo ako, Angenette! Papuntahin mo na rito ngayon ang walang hiyang lalaking iyon! Nangako siya... nangako siya na iingatan ka_."

"Wala pong kasalanan si Isaac!"

"At talagang ipagtatanggol mo pa ang lalaking iyon!" Muli siyang sinabunutan ng kaniyang lola at sinampal.

"Hindi po anak ni Isaac ang dinadala ko!" pag-amin niya.

Natigilan si Lola Esme at namimilog ang mga matang tiningnan siya. "A-ano'ng ibig mong s-sabihin?"

Umiling-iling siya pagkatapos, pinagsiklop ang mga daliri at nagmakaawa rito. "Sorry po, Lola. Hindi po kay Isaac ang baby na 'to."

"Paano?! Eh di ba si Isaac ang nobyo_. Angenette!" Hindi na malaman ni Lola Esme ang dapat sabihin sa labis na pagkadismaya. Mas lalo pa itong nagpuyos sa galit at sama ng loob. Umiyak ito nang umiyak dahil sa nangyari sa apo. Pakiramdam nito ay naging pabaya siyang lola rito.

"Paano mo nagawa_. Ah!" Mariing napapikit si Lola Esme at biglang nasapo ang dibdib nang sumakit iyon. Sa isang iglap, bigla itong bumagsak sa sahig at nawalan ng malay.

Nagulat naman si Angenette at takot na takot na napasigaw.

"Lola!"

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status