Share

Chapter 4

"Bilisan niyo ang mga galaw niyo! Madami tayong mga customers ngayon!"

"Donna! Kunin mo ang mga orders ng mga bagong dating!"

"Kung wala kayong ginagawa ay tumulong kayo doon sa kusina! Maghugas kayo ng mga pinggan!"

Pinunasan ni Katya ang pawis sa kanyang noo at madaling nagtungo sa kusina. Ibinigay niya ang hawak na tray sa nakasalubong na si Eddie.

"Saan ka pupunta? Madaming mga bagong dating na customer ah," puna nito pero kinuha pa rin ang ibinigay niyang tray.

"Doon muna ako sa kusina. Mas kailangan ng tulong doon," sagot niya at iniwan ito.

Aligaga sa pagkilos ang lahat ng mga trabahante na naabutan ni Katya sa kusina ngunit malamig na tubig agad ang hinanap niya.

"Ano yung amoy nasusunog? Tingnan niyo ang mga niluluto niyo! Sayang 'yang mga nasisirang pagkain na yan!"

"Katya! Bakit nakatayo ka lang diyan? Madaming mga hugasin doon sa lababo! Tulungan mo si Karen doon!"

Tumango siya at agad na dinaluhan si Karen na busangot ang mukha.

"Kung bakit kasi ayaw magdagdag ng trabahador si boss! Kita na nga niyang kulang ang mga empleyado niya! Tayo ang nahihirapan! Doble ang trabaho natin pero hindi naman tumataas ang sweldo natin!" reklamo nito.

Sumang-ayon si Katya sa sinabi nito. Sikat na kainan ang pinagtatrabahuan niya. Patok ito sa mga biyahero at mga mamamayan dahil bukod sa masarap ang mga pagkain ay pang-masa pa ang mga presyo nito kaya dinudumog talaga ito ng mga tao.

Kaya halos araw-araw ay madami ang customer ngunit kaunti lang naman silang mga empleyado sa kainan na ito. Masyado kasing kuripot ang boss nila. Hindi naman niya magawang umalis sa trabaho dahil pahirapan ang paghahanap ng mapapasukan sa panahon ngayon.

"Kaya mo pa ba? Namumutla ka ah," puna ni Karen.

Tumango lang si Katya at ipinagpatuloy ang ginagawa. Sa totoo lang ay masama ang pakiramdam niya. Bahagya rin siyang nahihilo kaya mas pinili na lang niyang mapirmi dito sa kusina. Mas lalo lang siyang mahihilo kapag lakad siya nang lakad.

"Agahan niyo ang pasok bukas, ha? Ayaw ko ng tatamad tamad sa trabaho."

"Opo boss," sabi na lang nila sa pagod na boses.

Pagod na pagod ang katawan ni Katya sa buong maghapon na paghahanap buhay. Natatakot siya na baka mapahamak ang dinadala niya dahil sa stress na hatid ng kanyang trabaho.

Hinaplos niya ang tiyan niyang nagsisimula nang lumaki. Dalawang buwan na ang nakakaraan simula nang maglayas siya. Sa malayong probinsya siya napadpad. Sobrang liit ng apartment na nakuha niya at wala pang masyadong mga gamit. Tanging katre lang na inaanay ang naabutan niya.

Kakaunti lang ang pera niya pero nagsakripisyo siya na bumili ng kahit mumurahin na electric fan man lang, banig at unan, isang plato at mangkok, isang baso, kutsara at tinidor.

Nabalitaan pa niya noon kay Juliet na pati si Mister Lim ay pinapahanap din siya. Kaya kahit na nasa malayo na siya ay nagtago pa rin siya ng halos isang linggo dahil natatakot siya na baka matunton siya ng mga ito.

Trabaho agad ang hinanap niya pagkatapos nun. Hindi man kalakihan ang sahod pero malapit naman sa kanyang tinutuluyan kaya ayos na. Gusto pa sana niyang maghanap ng ibang pagkakakitaan pero baka hindi kaya ng katawan niya dahil sa pagbubuntis niya.

"Napapansin ko na tumataba ka, Katya. Lalo kang gumaganda," puna ni Karen habang nasa break sila.

Alanganin siyang ngumiti. Napansin niya rin iyon. Medyo sumikip na rin ang mga damit niya. Panahon na lang ang magsasabi sa mga ito na buntis siya. Natatakot siya na kapag dumating ang araw na iyon ay matanggal siya sa trabaho.

Hindi pa siya nakakapagpa-checkup ni isa. Wala rin siyang gagamitin na pera sa panganganak niya. Balita niya ay may iilan pang mga komadrona sa bayan na ito kaya doon na lang siya kung sakali.

"Bigla-biglaan nga eh. Baka naman buntis ka, Katya?"

Naubo siya sa nerbyos. Mabuti na lang at natabunan iyon ng tawanan ng kanyang mga kasamahan.

"Baliw! Porke't tumataba na eh buntis na agad? Hindi ba pwedeng magana lang talaga siyang kumain? Kita niyo naman kung gaano katakaw kumain si Katya," sabi naman ni Eddie.

Namula ang mukha ni Katya sa pagkapahiya. Tiningnan niya ang plato niya na puno ng kanin. May extra rice pa sa tabi ng plato niya. Simula nang magbuntis siya ay napapasarap na lagi ang kain niya. Laging gutom ang pakiramdam niya. Kaya kahit na gustuhin man niyang magtipid ay napapabili siya ng mga pagkain ng wala sa oras.

Ang ipinagpapasalamat niya ng malaki sa boss nila ay libre ang lunch nila na mga empleyado nito. Nakakakain siya ng marami na hindi iniisip ang gastos. Kung minsan na kapag may mga natirang pagkain at mga rekados na malapit nang masira ay ipinapauwi rin sa kanila. Para pa silang mga patay gutom na nag-aagawan sa mga ito.

Kuripot man sa pera ang boss nila pero sagana naman sila sa pagkain. Katulad niya ay isa rin iyon sa mga rason kung bakit nananatili pa rin ang iba dito.

"Katya, pwede ba tayong mag-usap sandali?" tawag ng boss nila nang matapos na ang kanilang lunch break.

Nagkatinginan pa sila ng kanyang mga kasama bago siya sumunod sa maliit nitong opisina.

"Bakit po, boss?"

Seryoso siya nitong hinarap. "Tapatin mo nga ako, hija. Buntis ka ba?"

Napalunok si Katya at nagbaba ng tingin. Aamin ba siya? Matatanggal na ba siya sa trabaho?

"Nakita kasi kita noong mga unang araw mo dito ang mga palihim mong pagsusuka. Hindi ko na iyon pinansin dahil baka nagkataon lang o may nakain kang ikinasama ng tiyan mo. Pero hindi naman siguro nagkataon na bigla bigla ka na lang na tumaba at napansin ko rin na namumutla ka nitong mga nakaraang araw. Nahihilo ka, hindi ba?" malumanay ang boses na tanong ng boss ni Katya.

Nanubig ang kanyang mga mata. Makakatanggi pa ba siya kung huling huli na siya?

"H-Huwag niyo po sana akong tanggalin sa trabaho. Kaya ko pa naman—"

"Pero responsibilidad kita. Hindi ka dapat nagtatrabaho ng ganito kapag buntis ka. Paano kung may mangyaring masama sa iyo? Baka mapasama ang bata sa tiyan mo. Sa nakikita ko ay mukhang naglayas ka. Umuwi ka na sa inyo."

Tuluyan nang nalaglag ang luha sa mga mata ni Katya. Sino ba kasing nagdadalang tao ang gusto ng ganitong sitwasyon? Kung maari lang ay sa apartment lang siya at alagaan ang kanyang katawan pero saan siya kukuha ng pagkain kung gagawin niya iyon? Pambayad ng upa at mga bayarin kung hindi siya magtrabaho?

"Huwag sanang sasama ang loob mo sa sinabi ko. Iniisip ko lang kung ano ang makakabuti para sa iyo."

Nag-angat ng tingin si Katya at sinalubong ang mga mata ng kanyang boss.

"Ito po ang makakabuti sa akin. Kailangan ko ng pera dahil mamamatay kaming dalawa ng anak ko kapag hindi ako magtrabaho," puno ng paninindigan niyang sinabi.

Ilang segundo na nagkatitigan ang dalawa hanggang sa ang boss ni Katya ang sumuko nang makita ang matinding diterminasyon sa mga mata ng dalaga.

Humugot ng malalim na hininga ang boss niya. "Haayyy. Mga kabataaan talaga. Masyadong padalos dalos at hindi nag-iisip ng mabuti."

Walang kibo si Katya kahit na mali ang impresyon sa kanya ng amo. Mamamatay muna siya bago niya sabihin ang totoong dahilan ng pagbubuntis niya.

"Oh siya. Ikaw ang bahala, Katya. Bahala ka na rin na magpaliwanag sa mga kasamahan mo kapag lumaki iyang tiyan mo."

At bakit ba kasi kailangan niyang magpaliwanag sa lahat? Bakit kailangan niyang lagi na linisin ang kanyang pangalan kahit na hindi naman dapat?

Ano ang masama sa pagbubuntis? Dahil ba wala sa plano? Dapat nga ay hangaan nila ang katapangan ng isang nagdadalang tao. Na kahit na walang kasiguraduhan kung paano mo papalakihin mag-isa ang anak mo ay ni minsan, kahit kailan ay hindi pumasok sa isip ng ina na ipatanggal ito.

Oo at mapusok ang mga kabataaan ngayon pero ang importante doon ay hindi na nila dadagdagan pa ang pagkakamali at kasalanan na kanilang ginawa.

"Tama kayo. Buntis nga ako," iyon ang mga salitang lumabas sa bibig ni Katya pagbalik niya sa kanyang mga kasamahan. "At huwag niyo sana akong tanungin ng mga bagay-bagay tungkol sa pagbubuntis ko. Ayaw ko lang na... pag-usapan." Mahina ang boses ni Katya nang sinabi niya ang huling salita.

Dumaan ang mahabang katahimikan. Hindi kaya na tingnan ni Katya ang reaksyon ng mga kasamahan kaya nakatuon lang ang mga mata niya sa sahig.

"O-Oo naman." Tumawa si Karen pero mahahalata doon ang gulat at pagkalito.

"N-Nakakagulat nga. Pero gaya ng sinabi mo ay hindi na kami magtatanong," si Marco.

May umakbay sa kanya kaya napaangat siya ng tingin. Naabutan ni Katya ang nakangiting mukha ni Eddie.

"Ako ang Ninong ha?"

Umawang ang bibig niya lalo na noong pinalibutan siya ng mga kasamahan at masaya na binati siya sa kanyang pagbubuntis.

Napaluha si Katya sa labis na tuwa. Simula nang malaman niya na nagdadalang tao siya ay ito ang unang beses na may naging masaya para sa kanya. Dahil ba inunahan na niya ang mga ito? Pero kahit na ano pa man ang rason ay masaya siya. Na sa unang pagkakataon ay may tumanggap sa sitwasyon niya.

Dumaan sa palengke si Katya upang bumili ng rekados sa lulutuin niyang sopas mamaya. Napapalunok siya ng laway habang ini-imagine ang mangkok na puno ng mainit na sopas.

Ganito ba talaga ang buntis? Kung anu-ano ang gustong kainin?

At dahil hapon na ay siksikan na sa palengke at hindi maiiwasan ang pagkakadikit dikit ng mga tao.

Maya-maya ay may naramdaman si Katya na kamay sa loob ng bag niya. Namilog ang mga mata niya lalo na nang manuot sa ilong niya ang mamahaling pabango na panlalaki.

Mahigpit na hinawakan ni Katya ang bag niya at tumingin sa mga taong nakapaligid sa kanya. Nakuha agad ng pansin niya ang matangkad na lalaki na nakasuot ng baseball cap at hoodie.

Nagtagal ang titig niya sa papalayong lalaki nang maalalang baka natangay ang wallet niya!

Binuksan niya ang kanyang bag. Nandoon ang wallet niya pero...

Muntik na siyang matumba sa gulat nang makakita siya ng dalawang makapal na bungkos ng tig-iisang libo sa loob ng bag niya!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status