Share

Kabanata 3

Hindi ko na nagawang magbihis ng maayos-ayos na damit, kaagad na akong umalis ng mansyon na walang ibang nakakaalam kun'di ang mga guard lang. Hindi ko na rin kasi ginising si Tonyo, hating gabi na nga. Mainit na nga ang ulo ng mga amo ko kanina dahil sa ginawa ko. Heto at ang anak naman nila ang nahibang dahil sa katangahan sa pag-ibig. Ayoko nang dagdagan ang inis nila.

Hindi ako mapakali habang sakay ng taxi. Nasa Calderon Hotel lang naman kasi siya. Hotel na magmamay-ari nila. Mabuti na lang at may nakuha pa akong taxi sa ganitong oras.

"Manong paki bilis naman po, emergency po," paki-usap ko sa driver.

Ang tindi ng kabang nararamadaman ko. Sa lahat ng away nila Fred at girlfriend nito, ngayon ko lang narinig na umiyak siya ng gano'n. Matinding iyak na akala mo ay katapusan na ng lahat. Kaya hindi ko mapigil ang mag-alala.

Alam ko nga, kung gaano niya kamahal ang babaeng 'yon. First girlfriend niya kasi. Dream girl niya. High school pa lamang kami ay crush na niya si Mitch. Ginawa niya lahat, mapansin lang siya nito. Saksi ako kung gaano siya kasaya no'ng naging sila, anim na buwan na ang nakakaraan.

"Malapit na po tayo, Ma'am," tugon ng driver.

Halos magkandahaba naman ang leeg ko sa katatanaw sa gusali ng hotel habang papalapit ang taxi.

"Manong, maraming salamat," sabi ko sa driver paghinto nito. Inabot ko ang bayad at kaagad nang bumaba. Hindi na rin ako nag-abalang kunin pa ang sukli ko.

Patakbo akong pumasok sa hotel. "Hoy, Miss, saan ka pupunta? Hindi ka pwede rito," harang sa akin ng guard. Hinagod niya pa ako ng tingin.

Umiling ako, kasama ang pagkumpas ng kamay. "Guard, emergency po, padaanin n'yo na ako," pakiusap ko.

Hindi ko naman masisi ang guard sa ginawang pagharang sa akin. Five star hotel nga 'to. Suot ko kasi, gumang tsinelas, lumang demin short, at puting t-shirt na punit-punit pa ang kwelyo. Ang gulo pa ng buhok ko. Hindi ako mukhang guest. Mukha akong pulubi na manghihingi ng limos sa mga guest.

"Hindi uubra sa amin ang palusot mo'ng yan, Miss! Umalis ka na, bawal ka nga rito," mahinahong paki-usap nito pero may bakas ng inis.

Umiling ulit ako. "Hindi po ako nagpapalusot. Si Fredrick ang pupuntahan ko, anak ng ng may-ari ng hotel na 'to, kaya please, padaanin n'yo na ako," seryoso ko'ng paki-usap sa guard, pero pigil na tawa ang tugon nila.

"Miss, umalis ka na, bago pa kita kakaladkarin palabas," may diin na nitong sabi. Pinagtitinginan na kasi kami ng mga tao. Napapa-iling pa nga iba.

"Nagsasabi nga po ako ng totoo," halos maiyak na ako sa inis. "Si Fred nga po ang pupuntahan ko. Kaibigan ko. Anak ni Ma'am Leanne at Sir Franco, " dagdag ko pa. Hindi ko na dapat binanggit ang pangalan ng mga amo ko. Pero ginawa ko, padaanin lang nila ako.

"Miss, umalis ka na lang. 'Wag ka'ng mag-iskandalo rito," sabat ng isang guard.

"Wala namang iskandalong mangyayari kung padaanin n'yo lang ako. Hindi nga po ako nagsisinungaling. Talagang si Fred ang pupuntahan ko, nasa presidential suite siya ngayon. Itanong n'yo pa sa receptionist," mahinahon kong paki-usap. Kahit ba gusto ko na talagang magwala. Gusto ko nang sumigaw, pero pinili ko pa rin ang magtimpi.

"Sige na, Miss. Lumabas ka na—"

"Oy, bitiwan n'yo siya. Kaibigan 'yan ni Sir Fred," awat sa kanila ng katrabaho.

Sapilitan na kasi sana nila akong ilalabas. Mabuti na lang at sakto namang dumating ang katrabaho nila. Para akong tanga na napangiti ng bongga.

"Sigurado ka?" tanong ng guard sa katrabaho.

"Oo, lagi na siya rito kasama ni Sir Fred," tugon niya, pero hinagod naman ako ng tingin.

" Bakit naman kasi, ganyan ang damit mo?" baling nito sa akin.

"Emergency nga po kasi." Sinamaan ko ng tingin ang mga guard bago ko sila iniwan. Patakbo ko'ng tinungo ang elevator.

Gusto ko pa sanang awayin ang mga guard na 'yon dahil sa pagpigil nila sa akin, wala na akong panahon. Ni ang magpasalamat o magpaalam nga do'n sa nakakilala sa akin ay hindi ko na nagawa.

Hindi ako maperme habang sakay ng elevator papuntang 10th floor. Takbo lakad ang ginawa ko makarating lang kaagad sa kwarto kung nasaan ang kaibigan ko.

"Fred!" tawag ko sa best friend ko nang marating ko ang kwarto kung saan siya naroon. Hindi na lock ang pinto kaya agad akong nakapasok.

Nahagod ko ang buhok ko at hindi na maawat ang mga luha habang nakatingin sa kaibigan ko. Nasa balcony siya, umiiyak habang nakasalampak sa sahig. Nakahawak sa railings ang nanginginig na mga kamay.

Sa nakikita ko sa hitsura niya, mukhang sinubukan niya na gumawa ng kabaliwan.

"Fred, halika nga rito." Tinulungan ko siyang tumayo. Nang makatayo ay kaagad niya akong niyakap. Sobrang higpit, kasabay ang impit na iyak.

"Ano na naman ba ang nangyari? Bakit ka ba nagkakaganito?" Humikbi ko'ng tanong.

Pinahid ko ang mga luha niya. Pero kahit anong pahid ko. Hindi pa rin matigil ang pagpatak ng mga luha niya.

"G-inawa ko naman ang lahat, Gwin. Bakit kulang pa rin? Ang sakit-sakit." Suntok niya ang sariling dibdib at halos hindi na siya makapagsalita sa kaiiyak.

Hinawakan ko ang mga kamay niya na walang tigil sa pagsuntok sa dibdib niya. "Tama na Fred."

"B-akit hindi niya ako magawang mahalin? Ano ba ang mali sa akin?" hagulgol niya.

Niyakap ko siya uli, kasabay ang paghaplos sa likod niya. Gustuhin ko ma'ng pagalitan siya. Sermonan siya. Sisihin siya sa katangahan niya at sabihin na kasalanan niya dahil nagmahal siya ng babaeng hindi naman siya mahal. Hindi ko naman magawa. Durog na siya, ayukong dagdagan pa ang sakit na nararamdaman niya ngayon.

Ayokong lagyan pa ng asin ang sugat sa puso niya na gawa ng pangarap niyang babae.

"Hindi ko kaya, Gwin, hindi ko kayang mawala siya. Hindi ko kaya... mahal na mahal ko siya..." Kapos na ang paghinga niya. Napapapikit na lamang ako. Pati dibdib ko naninikip na. Nahahawa ako sa lungkot niya. Ramdam ko rin ang sakit.

Kung ganito rin lang naman pala kasakit ang magmahal. Ayoko nang subukan. Ayokong maramdaman ang nararamdaman ng kaibigan ko ngayon. Baka hindi ko rin kayanin.

"Tahan na Fred," pinahid ko uli ang mga luha niya. "Para namang hindi ka pa sanay sa ugali no'n. Babalik din 'yon. Huminga lang 'yon saglit," alo ko sa kanya.

Sa anim na buwan na naging sila. Ilang beses na rin silang naghiwalay. Pero ilang araw lang ay babalik din si Mitch at uutuin na naman itong kaibigan kong uto uto.

Malamlam ang mga mata niyang tumitig sa akin at umiling. "Tapos na kami, Gwin. Hindi na siya babalik. May iba na siyang mahal. Ayaw na niya raw sa akin."

Hindi ako nakapagsalita. Hindi makapaniwala. Talaga ba? Tapos na sila? Seryoso na ba talaga?

Yumuyugyog pa rin ang mga balikat niya habang mabagal na naglakad papunta sa ref. Sandali pa siyang tumawa sa harap ng bukas ng ref at muling humagugol. Maya maya ay naglabas siya ng beer.

"Samahan mo, ako—" Hagulgol ang tumapos sa pagsasalita niya.

Kinuha ko ang beer sa kamay niya. Binuksan ko at inabot sa kan'ya.

"Kaya nga ako nandito, para samahan ka." Hinila ko siya paupo sa kama. Sabay naming tinungga ang beer.

Ito lang naman ang kaya ko'ng gawin para sa kan'ya, ang damayan siya. Ang aluin siya hanggang sa humupa ang sakit na nararamdaman niya. Tahimik na rin siyang umiiyak, pero panay inum pa rin kami ng beer.

"Ano ba'ng mali sa'kin, Gwin? Pangit ba ako? Mabaho ba ako?" tanong niya matapos ang mahabang pananahimik.

Hindi ko napigil ang matawa. "Hindi ka pangit at lolong hindi rin mabaho. Ugali ng babaeng 'yon ang pangit at mabaho. 'Di siya bagay sa'yo." Tawa ang tumapos sa sinabi ko.

"Alam ko naman 'yon. Pangit at mabaho ugali niya, pero mahal ko pa rin siya." Tawa, saka iyak ang kasabay ng sinabi niya. "Tanga ko, Gwin... ang tanga," sabi niya, saka inisahang lagok ang beer.

"Tanga ka nga, matagal na!" tugon ko, sabay ang pabagsak na humiga sa kama. Hilo na kasi ako. Naparami ang inum ko dahil dito sa kaibigan ko.

"Inum pa tayo, Gwin." Sinubukan niya akong ibangon. Pero hindi na niya kaya. Lasing na nga rin siya. Ilang kahon na ang naubos namin. Hanggang ngayon bukam-bibig pa rin niya ang babaeng nanakit sa kanya.

"Hindi... tama na ang inum. Lasing na tayo. May pasok pa bukas," pikit mata kong sabi. Hindi ko na maidilat ang mga mata ko. Umikot na kasi ang paligid ko.

"Ang sakit pa rin, Gwin," hagulgol na naman niya, saka tatawa na naman. Nabaliw na siya.

"Matulog ka na, para mawala ang sakit kahit sandali lang," antok kong tugon.

Naramdaman ko na lang ang pabagsak niyang paghiga sa tabi ko, saka humagulgol na naman ng iyak.

"Tumigil ka na sa kaiiyak. Hindi ka ba napapagod? Tulog na tayo." Tumagilid ako paharap sa banda niya. Nilapat ko ang palad ko sa pisngi niya. Saka pikit matang hinaplos iyon.

"Makakalimutan mo rin siya. Marami pa namang babae sa mundo. Mas maganda, mas seksi. Makakahanap ka rin ng babaeng mamahalin ka gaya ng pagmamahal mo sa kan'ya," mahaba kong litanya habang pikit pa rin ang mata.

Wala na akong narinig na natugon mula sa kanya. Napangiti ako. Siguro, nakatulog na nga siya. Gustuhin ko man sana na magdilat pero hindi na kaya ng mga mata ko. Ang bigat na ng mga talukap ko.

Napilitan lang akong magdilat nang lumapat ang noo niya, sa noo ko. Tipid akong ngumiti. Nakatiim na ang mga mata niya, pero patuloy pa rin sa paglandas ang luha. Pinahid ko ang kada patak ng mga luha niya.

"Matulog ka na—"hindi ko na natapos ang sasabihin. Bigla niya kasi akong niyapos. Sobrang higpit na halos hindi na ako makahinga.

"Fred," sinubukan ko siyang itulak. Pero lalo lamang humigpit ang yakap niya. Ramdam ko na rin ang init ng labi niya na dumikit sa leeg ko.

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
sweetjelly
Salamat sa suporta, at sa gems.. Tinodo mo talaga...
goodnovel comment avatar
Nan
Maganda Ang kwentong ito at ang nangyari sa kanyang kaibigan ay isang nakakaaliw na pag ibig at baka sakalasingan nilang dalawa siya pa Ang mapahamak excited Ako sa next update
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status