Share

CHAPTER 4

(Ayesha)

CREW SA isang fastfood chain sa sentro ng Tala ang part-time job ko. Malapit lang iyon sa campus kaya convenient para sa akin ang mag trabaho doon. Iba-iba ang oras ng shift pero palagi eksaktong limang oras dapat kada araw. Iba pa iyon sa trabaho ko kapag summer vacation at Christmas vacation. Kapag kasi mahaba ang bakasyon nagtatrabaho naman ako sa nag-iisa at pinakamagandang tourist attraction sa Tala– ang Hidden Paradise resort na matatagpuan sa kabilang bundok at nakaharap sa dagat. Halos tatlumpung minuto ang layo mula sa kabihasnan. Kilala namin ni mama ang head ng kitchen crew doon at nakakasingit ako ng trabaho sa kusina kapag bakasyon, lalo na kapag peak season at kailangan nila ng dagdag na tauhan.

Sa araw na iyon alas singko ng hapon ang simula ng shift ko sa fastfood chain. Hanggang alas diyes ng gabi. Alas kuwatro natapos ang huli kong klase kaya ginugol ko ang isang oras na kasama si Raye. Nakahinga ako ng maluwag dahil habang naglalakad kami ni Raye palabas ng campus wala na akong nararamdaman na nagmamasid sa akin. Kung sino man iyon mukhang nagsawa na.

Pagsapit ng alas singko nagpaalam na sa akin si Raye. Ako naman naging abala na sa trabaho. Masigla ako kasi day off ko bukas. At kapag day off ko ay sa munisipyo ako dumederetso pagkatapos ng klase para sunduin si mama. Kumakain kami sa labas at nag-ba-bonding. Pareho kaming abala ni mama kaya tuwing day off ko lang kami nagkakaroon ng oras para sa isa’t isa. Kapag kasi may trabaho ako at gabi na umuuwi, himbis na mag-usap natutulog na lang kami agad. Kaya excited ako para bukas.

“Ayesha,” tawag sa akin ni Lina, isa ring part-timer sa fastfood chain na iyon. Katulad ko college student din siya.

Huminto ako sa pag-ma-mop ng sahig. “Ano iyon?”

Kinagat muna ni Lina ang ibabang labi bago nakikiusap na tiningnan ako. “Puwede bang makipagpalit ng shift sa iyo bukas? Ako muna ang mag-o-off. May group project kasi kami na kailangan tapusin bukas. Tatanggalin ako ng groupmates ko sa grupo kapag hindi ako nakapunta. Please?”

Hindi ako nakakibo agad. Pinakahihintay ko ang off ko bukas. Pero mukhang importante talaga kay Lina ang gagawin niya bukas. Estudyante din ako at naiintindihan ko ang pressure ng isang group project. Bumuntong hininga ako at ngumiti. “Sige na nga. Ako na lang ang papasok bukas.” Madidismaya si mama pero maiintindihan naman niya kapag sinabi ko na may pasok uli ako bukas. Babawi na lang ako sa kaniya sa susunod.

Lumiwanag ang mukha ni Lina, halatang natuwa. “Maraming maraming salamat Ayesha! Ang bait mo talaga. Salamat.”

Ngumiti na lang ako. “Pareho tayong estudyante kaya naiintindihan naman kita,” sabi ko na lang.

Mukhang magsasalita pa sana siya pero nakuha na ang atensiyon namin nang biglang pagbukas ng glass door ng fastfood chain. Pumasok ang isang guwapong lalaki na pormal ang kasuotan. Moreno ang lalaki at maganda ang tindig. Maiksi ang gupit ng buhok na parang hindi nahanginan sa labas sa sobrang ayos. Makapal ang mga kilay, matangos ang ilong at manipis ang mga labi. Mukhang seryoso at maawtoridad. Matangkad din ang lalaki at malakas ang dating. Patunay ‘non ang katotohanang lahat yata kami - crew at mga customer – napahinto at napatingin sa kaniya. Para bang may kung anong magnetismo ang lalaki na kahit hindi nagsasalita mapapatingin ka talaga.

Bigla ko tuloy naalala si sir Angus kahit na malayo naman ang hitsura ng bagong dating sa professor ko na ‘yon. Pero ewan ko ba, may naramdaman akong pagkakapareho. Sa aura ba? Sa katotohanang parang out of place sa maliit naming bayan ang mga hitsura nila? O sa air of mystery na hindi ko talaga maiwasang hindi maramdaman na nanggagaling sa kanila?

“Wow, ngayon ko lang siya nakita. Naliligaw ba siya dito sa fastfood chain natin?” bulong ni Lina sa tabi ko.

Napatango na lang ako. Noon biglang may pumasok na isa pang lalaki sa kainan at lumapit sa guwapong lalaki. May ibinulong na kung ano. Pagkatapos biglang lumingon sa direksiyon namin ni Lina ang dalawang lalaki. Napaderetso ako ng tayo at sa kung anong dahilan sumikdo ang puso ko. Lalo na nang masalubong ko ang tingin ng lalaking unang pumasok sa fastfood chain. Nagulat ako na kahit mukhang nakakatakot ang lalaki hindi ganoon ang nakita kong kislap sa mga mata niya. Curiousity. Iyon ang nabasa ko sa tingin niya. Na-curious na rin tuloy ako kung bakit ganoon siya makatingin sa akin.

“Nakatingin siya sa akin, ano? Bakit kaya?” kinikilig na bulong ni Lina sa akin.

Napakurap ako at bumaling sa katrabaho ko. Nakatingin pa rin si Lina sa direksiyon ng mga lalaki. Ah, baka akala ko lang nagtama ang mga mata namin kahit hindi naman. Baka si Lina talaga ang tinitingnan nila. Ipinagkibit balikat ko na lang ang sitwasyon kahit medyo uminit ang mukha ko. Napahiya kasi ako sa sarili ko na naisip ko na sa akin sila nakatingin. “Bumalik na tayo sa trabaho bago pa tayo makita ng manager natin,” mahinang sabi ko na lang.

“Ay, oo nga pala.” Iyon lang at lumayo na sa akin si Lina. Ako naman pinagpatuloy ang pag-ma-mop ng sahig. Sa gilid ng mga mata ko nakita kong pumuwesto sa pandalawahang lamesa na malayo sa ibang customer ang mga bagong dating. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit nasa fastfood chain na ‘yon ang dalawa. Out of place kasi talaga sila. Ang mas nakakabilib parang walang anuman sa kanila kahit nakatingin ang ibang customer. Na para bang sanay sila na tinitingnan. O mas tamang sabihin na wala silang pakielam sa mga taong nakapaligid sa kanila.

“Ayesha, sa counter ka na pagkatapos mo diyan ha,” tawag sa akin ng manager.

Dumeretso ako ng tayo at bumaling sa manager ko. “Opo ma’am.”

Ilang minuto pa ang lumipas bago ko natapos ang pag-ma-mop, pagtatabi ng ginamit ko at paghuhugas ng mga kamay. Saka lang ako pumuwesto sa counter para tumayo namang cashier at kumuha sa order ng mga customer namin.

Laking gulat ko nang lumapit sa counter ko ang lalaking malakas ang dating. Napasulyap ako sa lamesang inookupa nila at noon ko lang napansin na hindi pa sila umoorder kahit kanina pa sila dumating. Ang kasama niya abala sa pakikipag-usap sa cellphone at wala sa amin ang atensiyon. Ibinalik ko ang tingin sa lalaking nasa harapan ko. Uminit ang mukha ko nang makitang titig na titig siya sa akin. Para bang may pilit siyang inaaninag sa mukha ko na hindi ko maintindihan.

Tumikhim ako. “Anong order niyo, sir?” basag ko sa katahimikan sa pagitan naming dalawa.

“What would you recommend?” tanong ng lalaki na hindi man lang inabalang sulyapan ang menu na makikita sa likuran ko. Nakatingin pa rin kasi siya sa mukha ko. Baritono ang boses niya at malumanay. Nakakakalma. Halatang may pinag-aralan at may kaya sa buhay.

Medyo nakahinga na ako ng maluwag. Kasi mukhang sa malayo lang siya intimidating pero ngayong malapit kami sa isa’t isa napansin kong mabait talaga ang kislap ng mga mata niya. Tipid akong ngumiti. “Ahm, heavy meal ba ang gusto mo o light meal lang?” Inisa-isa ko sa kaniya ang ino-offer naming pagkain. Habang nagsasalita ako nakikita ko naman na nakikinig talaga sa akin ang lalaki.

Nang matapos akong magsalita tumango pa siya. “Then I’ll have two orders of burger and fries? Iyon ang matagal maubos hindi ba?”

“Yes, sir.”

“Iyon na lang. Matagal pa kaming mananatili dito…” Sumulyap siya sa nametag ko bago muling inangat ang tingin sa mukha ko at tipid na ngumiti. “Ayesha.”

May nangyari sa akin na noon ko lang naramdaman sa buong buhay ko. Parang may lumipad na mga paru-paro sa sikmura ko. Ilang segundo pa tuloy bago ako nakapagsalita. “Okay sir.”

I-pi-nunch ko ang order niya.

Nang matapos kong makuha ang bayad at maibigay ang order ng lalaki pasimple akong napabuntong hininga. Lalo na nang makalayo na siya at bumalik na sa lamesang okupado ng kasama niya. Wala sa loob na napahawak ako sa sikmura ko, pinapakiramdaman kung naroon pa rin ang parang mga paru-parong nagliliparan doon na katulad kanina. Unti-unti na iyong nakakalma. Nakahinga ako ng maluwag. Hindi ko sigurado kung makakaya kong magtrabaho ng maayos na ganoon ang pakiramdam sa sikmura ko.

“Huy, Ayesha. Next customer,” siko sa akin ng crew na katabi ko.

Napaigtad ako at muling bumaling sa pila sa harapan ko. Sandali pa itinuon ko na ang atensiyon ko sa trabaho.

NAG-INAT ako nang sa wakas bumalik na ako sa staff room namin para makapagpalit ng damit. Alas diyes na kasi ng gabi at tapos na ang shift ko. Bago magbihis nag-send muna ako ng mabilis na text message kay mama para alam niya na pauwi na ako.

Sandali lang akong nag-ayos at lumabas na rin ng staff room. Nagpaalam ako sa mga kasamahan ko na hindi pa tapos ang shift.

Bago ako lumabas ng fastfood chain wala sa loob na sumulyap ako sa lamesa kung nasaan kanina ang dalawang lalaki naming customer. Wala na sila. Kumunot ang noo ko. Kanina lang kasi bago ako pumasok sa staff room nakaupo pa rin sila doon. Nagulat pa nga kami na ilang oras silang tumambay doon na parang may hinihintay.

Hay naku. Bakit ba masyado ko silang iniisip? Dala din ba iyon ng curiousity na katulad ng nararamdaman ko para kay sir Angus? Umiling ako at lumabas na lang ng fastfood chain. Kailangan ko na makasakay ng jeep pauwi.

Nakailang hakbang pa lang ako palayo sa kainan at kaliliko ko pa lang sa gilid ‘non dahil doon ang daan papunta sa sakayan ng jeep napahinto na ako sa biglang humarang sa akin. Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ko ang humarang sa akin – ang lalaking kasama ng guwapong customer. Kahit hindi masyadong maliwanag sa kinatatayuan namin madali ko siyang nakilala.

Napaatras ako. “Excuse me?” sabi ko sa kaniya dahil hindi naman siya nagsasalita. Nakatayo lang doon.

May narinig ako na pagbukas sara ng pinto ng kotse. Lumingon ako. Saka ko napansin ang itim na mamahaling sasakyan na naka-park malapit sa akin. Bumaba mula roon ang guwapong lalaki na tumawag sa pangalan ko kanina.

“Ayesha Querol,” sabi ng lalaki.

Naglakad siya palapit sa akin. Gumilid ang kanina humarang sa akin. Habang ang guwapong lalaki naman huminto sa mismong harap ko. Ngumiti siya. “Ako si Cain Alpuerto,” pakilala niya.

Natigilan ako at nagtatakang napatingin sa kaniya. “Bakit alam mo ang buong pangalan ko?” tanong ko himbis na abutin ang pakikipagkamay niya.

Hindi nawala ang ngiti sa mga labi ng nagpakilalang Cain. Sinalubong niya ng tingin ang mga mata ko.

“Kilala kita. After all, I am going to be your husband.”

Napanganga ako at nanlaki ang mga mata ko. “Ano?!”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status