Share

CHAPTER 3

(Ayesha)

PAGKATAPOS ng klase

nagpaalam na si sir Angus sa amin. Bumaling siya sa akin para ibilin ang test papers. “Hihintayin kita, Miss Querol,” nakangiti pang sabi niya bago tuluyang lumabas ng classroom.

Nakatayo na ako sa tabi ng teacher’s table habang hinihintay makapagpasa ang lahat ng estudyante. Muntik na akong humakbang palapit sa kaniya at pigilan siyang lumabas ng classroom. Dahil alam ko na ang mangyayari oras na umalis si Sir Angus. At nang tuluyan siyang mawala mabilis na hinablot ko ang mga test paper sa lamesa bago pa iyon makuha ng ilang estudyanteng malapit sa kaniya.

“Ako na ang magdadala niyan, Ayesha,” sabi ng isa.

“Hindi, ako na,” giit naman ng isa.

Humigpit ang yakap ko sa test papers. “Pero magkakaroon ako ng point deduction,” angal ko. Lumampas ang tingin ko sa mga babae nang mapansin ko na sumesenyas sa akin si Raye. Bitbit na niya ang bag ko. Nakuha ko agad ang gusto niyang sabihin. Tumango ako. Pagkatapos nginitian ko ang mga kaklase kong nagboboluntaryong dalhin ang test papers. “Okay, goodbye.” Iyon lang at tumakbo na ako palabas ng classroom. Hindi sila nakasunod sa akin dahil nang lumingon ako nakita kong hinarang sila ni Raye. Parang may sinabing kung ano ang kaibigan ko bago mukhang nakalma naman kahit papaano ang mga kaklase namin.

Maya-maya pa sumunod na sa akin si Raye. “Anong sinabi mo sa kanila at tumigil sila?” takang tanong ko.

Nagkibit balikat ang babae. “Sinabi ko lang sa kanila na wala ka namang interes kay sir Angus kaya wala silang dapat ipag-alala. Mas patas kung ikaw ang makakasolo kay sir dahil sigurado na wala kang hidden motive. Kaya hindi ka na nila kukulitin.”

Nakahinga ako ng maluwag at ngumiti. Mabuti naman kung ganoon.

Kinuha ko ang bago ko kay Raye at isinukbit iyon sa balikat ko. Pagkatapos inayos ko ang mga test paper na kipkip ko sa mga braso ko.

                “Pero bakit ba kasi titig na titig ka kay sir Angus kanina?” takang tanong ni Raye.

                Napabuntong hininga ako at napalis ang ngiti. “Sa tingin ko kasi weird siya.”

                Umangat ang kilay ng kaibigan ko. “Weird?” parang na-offend pang tanong niya.

                “Okay. Misteryoso,” pagtatama ko. “Puno siya ng misteryo. Unang misteryo: Ano ang tunay na dahilan kung bakit nagtuturo siya sa school natin? Karamihan sa mga professor at staff ng College natin mga tubong taga Tala at kalapit bayan. Siya, ngayong semester lang siya naging professor dito, hindi ba? At bagong lipat lang siya sa atin. Sa tingin ko may something weird sa pananatili niya sa lugar natin,” paliwanag ko.

                Kumunot ang noo ni Raye. Hindi ko lang alam kung napapaisip din siya o sa akin siya na-we-weirdohan. “Alam mo, Ayesha, may point ka. Saka kahit palaging nakangiti si sir Angus at palakaibigan sa lahat, kapag may nagtanong sa kaniya ng personal na tanong umiiwas siya. Kaya bukod sa pangalan niya at sa mga itinuturo niyang subjects, wala na kaming mahitang impormasyon sa kaniya.”

                “See? Iyan ang sinasabi ko. Iyon ang iniisip ko sa tuwing nakikita ko siya,” sabi ko at tumango-tango.

                “At iyon ang gusto mong alamin? Ang sagot sa misteryo ni sir Angus?” tanong sa akin ni Raye.

                “Hindi ko naman sinabi na aalamin ko.” Dahil iyon ang totoo. Inoobserbahan ko lang si sir Angus pero wala naman akong plano na talagang halukayin ang buhay niya. Mahirap na baka mapasubo ako. Isa pa, paano kung may malalim siyang dahilan kaya niya tinatago ang personal niyang impormasyon?

                Napasinghap ako nang biglang ipatong ni Raye ang dalawang mga kamay sa magkabilang balikat ko. “Alamin mo. Tapos sabihin mo sa akin lahat ng malalaman mo. Alamin mo kung may girlfriend siya at kung ano ang tipo niya sa babae,” sabi pa ni Raye at tinapik-tapik ang mga balikat ko habang nagsasalita.

                Ibig sabihin hindi niya ako sineseryoso. Napailing na lang ako. “Sasamahan mo ba ako sa office ni sir Angus?” tanong ko na lang.

                Bumakas ang labis na panghihinayang sa mukha ni Raye. “Gusto ko sana kaso may klase pa ako. Ma-le-late na ako actually. Ikaw na lang ang pumunta kay sir. Ibida mo ako kapag nagkaroon ka ng pagkakataon ha? Bye.” Iyon lang at mabilis nang naglakad palayo sa akin ang kaibigan ko.

                Napahinga na lang tuloy ako ng malalim. Pagkatapos naglakad ako patungo sa kabilang direksiyon. Patungo sa dulong bahagi ng first floor ng Science Building kung nasaan ang isang lumang laboratory na nagsisilbi ring opisina ni sir Angus. Isa pa iyon sa misteryoso. Bakit hinahayaan ng kolehiyo nila na magkaroon siya ng sariling opisina kung puwede naman siya sa faculty room?

                Tahimik at nakasara ang pinto ng makarating ako sa labas ng opisina ni sir Angus. Huminga muna ako ng malalim dahil iyon ang unang beses na haharap ako sa kaniya na mag-isa. Bukod sa naging eksena nga kanina sa classroom noong nahuli niya akong nakatitig sa kaniya. Kumatok ako ng tatlong beses. Walang sagot. Kumatok ako uli at nang wala pa ring sagot alanganing pinihit ko ang door knob at binuksan ang pinto.

                “Excuse me? Sir?” Iginala ko ang tingin sa loob ng silid at tuluyang pumasok doon. Malaking aquarium na maraming isda sa loob ang una kong napansin. Sa kabilang side naman may nakahilerang mga glass case na mukhang terrarium dahil may mga halaman, lupa, bato at kung pagmamasdan ko sigurong mabuti baka may makita pa akong insekto at maliit na hayop sa loob ng mga glass case. Sa pader may naglalakihang posters ng mga bagay na may kinalaman sa Ecology.

Naglakad pa ako papasok sa silid hanggang makita ko ang lamesa ni sir Angus. Alam ko na lamesa niya iyon kasi nakapatong doon ang mga libro at kung anu-ano pang ginagamit niya sa pagtuturo. Pero wala siya doon. Nagtatakang inilapag ko sa lamesa ang test papers na hawak ko at pinatungan iyon ng paperweight na nakita ko doon. Nasaan kaya siya?

Noon may umihip na hangin mula sa isang direksiyon ng silid. Kumurap ako at lumingon sa pinanggalingan ‘non. Napaderetso ako ng tayo at sumikdo ang puso ko nang makitang sa dulong bahagi na natatakpan ng mataas na cabinet, sa parte kung saan nakabukas ang binata kaya nakakapasok ang hangin, nakasandal sa pader si sir Angus. Nakatingin siya sa akin. Malamang kanina pa niya alam na naroon ako pero hindi lang sumasagot at nagoobserba.

Tumikhim ako. “Sir, nailapag ko na po sa lamesa niyo ang mga test paper,” basag ko sa katahimikan.

Umalis mula sa pagkakasandal sa pader si sir Angus at nagsimulang maglakad palapit sa akin. “Hindi ka tulad ng iba,” sabi niya habang nakatitig pa rin sa akin.

“Ano ho?” takang tanong ko.

Huminto sa mismong harap ko si sir Angus. Kinabahan ako. Puno ng intensidad ang mga mata niya habang nakatitig sa akin, na para bang may binabasa siyang kung ano sa mukha ko. “Hindi ka apektado,” sabi ni sir Angus maya-maya.

“Apektado ng ano?” nalilito pa ring tanong ko.

May sumilay na ngiti sa mga labi ni sir Angus. Hindi iyon dala ng amusement na tulad ng normal na ngiti niya kung hindi ngiti ng interes at pagkabilib. Napasinghap ako nang umangat ang isang kamay ni sir Angus at hinawi ang hibla ng buhok kong nakatabing sa pisngi ko at inipit iyon sa tainga ko. “Soon, you’ll know,” misteryosong sagot niya.

Kumunot ang noo ko. Anong ibig niyang sabihin? At bakit kung makipag-usap siya sa akin parang matagal na kaming magkakilala? Samantalang ngayon ang unang beses na nakapag-usap kami ng ganoon. Pero bago pa ako makapagtanong nilampasan na ako ni sir Angus. Lumapit siya sa lamesa niya. “Salamat sa pagdala mo sa mga test paper. Pwede ka nang magpunta sa susunod mong klase.”

“Okay,” nasabi ko na lang kahit nalilito pa rin ako. Naglakad ako pabalik sa pinto. Nabuksan ko na iyon nang muling magsalita si sir Angus.

“Huwag mong alalahanin ang mga nagmamasid sa iyo. Hindi ka nila sasaktan. Masyado kang importante para gawan ng masama. At least, I want to believe that.”

Manghang napalingon ako uli sa kaniya. Nakaupo na siya sa silya at naka-dekuwatro habang nakangiting nakatingin sa akin. Paano niya nalaman na may nagmamasid sa akin? Nanlamig ako at lalong kinabahan. Kahit pa ubod ng guwapo si sir Angus at nakangiti sa akin lalo lang siyang naging kahina-hinala sa paningin ko.

“Hindi ko naiintindihan ang mga sinasabi niyo sir,” lakas loob na sabi ko. Medyo itinaas ko pa ang noo ko para magmukha akong matapang.

Umangat ang mga kilay ni sir Angus at lalong lumawak ang ngiti. “May tamang panahon kung kailan mo malalaman ang mga dapat mong malaman. Sige na, Miss Querol. Makakaalis ka na.”

Marami pa akong gustong itanong. Pero may palagay ako na kahit manatili pa ako doon maghapon wala siyang balak sagutin kahit isa sa mga itatanong ko. Isa pa kailangan ko na rin magpunta sa susunod kong klase para hindi ako mahuli.

“Goodbye, sir,” paalam ko na lang bago tuluyang lumabas ng opisina niya. Napabuga ako ng hangin at naglakad palayo.

Maghapon na pilit kong itinuon ang atensiyon sa klase. Pero palaging bumabalik sa isip ko ang naging akto ni sir Angus. Lalo na ang mga sinabi niya sa akin.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status