Share

CHAPTER 5

(Cain)

Isang araw ang nakakaraan…

“Master Cain, pinapatawag kayo ng Elders. Importante daw ang pag-uusapan sa araw na ito.”

Sinulyapan ko si Arnold mula sa repleksiyon namin sa salamin. Assistant ko siya mula pa nang magtapos ako sa kolehiyo. Pero hindi ako ang kumuha sa kaniya kung hindi ang taong nagpalaki sa akin at tinitingala ko. Ang sabi sa akin ng taong iyon, ang isang taong nakatadhanang maging leader ay dapat may tapat at mapagkakatiwalaang kanang kamay. Kaya ibinigay niya sa akin si Arnold.

“Arnold. Sinabi ko na sa iyo na huwag mo akong tawaging master. Hindi na bagay sa panahon ngayon ang termino na iyan. It will sound odd to other people’s ears,” sagot ko.

“Pero hindi ka basta tao lang, Master Cain,” seryosong sagot ni Arnold.

Well, iyon ang totoo. In more ways than one.

Tinapos ko ang pagbubutones sa long sleeved polo ko. Pagkatapos siniguro ko na maayos na ang hitsura ko bago tumalikod sa salamin. Isa pa sa mga turo sa akin ng taong nagpalaki sa akin: siguruhin na walang maipipintas ang kahit na sinong makakakita sa akin kapag lumabas ako ng bahay. Kailangan daw perpekto ang hitsura, kilos, pananalita at kahit facial expressions para makuha ko ang respeto, paghanga at paggalang ng mga tao.

“Let’s go Arnold.” Nauna na akong maglakad palabas sa dressing room at patungo sa living room ng tinitirhan ko. Nakatira ako sa penthouse ng isang gusali sa Makati na pagmamay-ari ng pamilya. Minimal lang ang disenyo niyon at kaunti lang ang mga gamit. Frosted glass ang mga nagsisilbing divider ng living room, kusina at iba pang bahagi ng buong penthouse maliban sa mga silid. It doesn’t really look like a house. Mas mukhang hideout. A very high-tech one. Dahil computerized ang lahat sa penthouse na iyon.

Gawa sa makapal na glass wall ang isang bahagi na nakaharap sa kalawakan ng siyudad. Dahil nasa ika-tatlumpung palapag ako, parang ang lapit ko sa kalangitan. Lalo na kapag gabi at bilog ang buwan. Mas nakikita ko ng maayos ang buwan. And it always reminds me of my missions in life.  Of the destiny I have to fulfill. Hindi lang para sa akin, hindi lang para sa taong nagpalaki at naging mentor ko, kung hindi para sa buong Alpuerto clan.

“Master Cain?” Inalis ko ang tingin sa glass wall. Humarap ako kay Arnold. Nakatayo na siya sa tapat ng pinto at binuksan na iyon para sa akin.

Kumilos ako at tuluyang lumabas ng penthouse.

WALA pang bente minutos ang nakalilipas pumasok na sa mahaba at mataas na gate ng Old Alpuerto mansion ang gamit kong sasakyan. Si Arnold ang nagmamaneho.

Old Alpuerto mansion ang tawag doon dahil isa ang ancestral house na iyon sa mga pinakalumang bahay sa Forbes Park. Isa iyon sa mga unang bahay na itinayo doon noong 1940’s.

Hindi lang doon nauna ang mga Alpuerto. Bago pa man dumami ang mga tao sa Pilipinas, bago pa ang Spanish invasion, katunayan bago pa ang henerasyon ng bayaning si Lapu-lapu, nag-e-exist na ang pamilya namin. Hindi pa nga lang Alpuerto ang apelyido namin noon. We just acquired that name to go with the flow of the changing times.

Sa ngayon may isa pang malaking bahay sa Forbes Park na tinitirhan ng branch family ng mga Alpuerto. Ang head ng Alpuerto clan at ang kanyang pamilya ang nakatira sa old mansion.

Pero kapag may meeting ang Elders, kapag may kailangan pag-usapan at importanteng issues na kailangan ang interference ng pamilya, sa Old Alpuerto mansion iyon ginaganap. Katulad ngayon.

                Huminto sa garahe ang sasakyan at hindi ko na hinintay si Arnold na pagbuksan ako ng pinto. Kusa na akong lumabas. Naglakad kami patungo sa malaking entrance door ng mansiyon at bago pa man ako makakatok bumukas na iyon.

Sinalubong ako ni Lito, ang matandang katiwala ng mansiyon. Nasa sisenta na ang edad niya. Bata pa lang ako doon na siya nagtatrabaho. Katunayan, ang buong pamilya ni Lito mula pa sa kauna-unahang henerasyon niyon mga tapat na tagasunod at tagasilbi ng pamilya Alpuerto. Mula pa noon hindi basta ipinagkakatiwala ng pamilya namin ang kahit na anong bagay na may kinalaman sa amin sa mga estranghero. For a very good reason.

“Maligayang pagdating, master Cain. Sasamahan ko kayo papunta sa Black Library. Doon naghihintay ang mga Elder para sa iyo,” sabi ni Lito at nauna na sa paglalakad.

Walang salitang sumunod ako kay Lito. Alam ko naman kung nasaan ang Black Library pero ayokong alisan si Lito ng trabaho kaya hinayaan ko na lang siya. Nakarating kami sa ikatlong palapag. Matatagpuan ang Black Library sa pinakatagong bahagi ng palapag na iyon. Maraming pasikot-sikot bago makakarating doon. Intruders will find it difficult to locate. Iyon ay kung makakapasok sila sa mansiyon na hindi nadidiskubre. There are cameras outside and inside the house. Ang tanging wala lang ganoon ay ang Black Library dahil doon ginaganap ang mga pagpupulong at kung anu-ano pa na hindi dapat marinig ng kahit na sino maliban sa mga taong nag-uusap.

Ah. Mayroon pa palang isa na walang mga camera. The underground. The hidden dungeon. Iyon ang tawag naming magpipinsan sa lugar na iyon noong mga bata pa kami. It was the place where the Elders do the dirty works and where they keep the darkest of secrets.

Ipinilig ko ang ulo ko para alisin ang imahe ng lugar na iyon sa isip ko. Lalo na at sa tuwing inaalala ko ang lugar na iyon parang tinutusok ng maraming karayom ang ulo ko. Na para bang may kung ano sa utak ko ang kinokontra akong alalahanin ang lugar na iyon.

Ilang minuto ang nakalilipas nakarating din kami sa harap ng Black Library. Binuksan ni Lito ang pinto pero hindi pumasok. Sa halip humarap sa akin ang matandang lalaki, bahagyang yumukod at iminuwestra akong pumasok. Tumango ako. Nilingon ko si Arnold. “Stay here.”

“Yes, Master Cain,” sabi ng kanang kamay ko.

Saka lang ako muling humarap sa nakabukas na pinto at tuluyang humakbang papasok sa Black Library. Kasing laki iyon ng buong penthouse kung saan ako nakatira. Lahat ng pader, mula sahig hanggang kisame punong puno ng mga librong nakolekta ng pamilya simula pa nang mauso ang printing press. Black Library ang tawag doon dahil itim ang motif. Ang mga kulay ng mga librong nakalagay sa shelf ang tanging kulay na makikita roon.

Naglakad ako hanggang sa dulong bahagi ng library at huminto sa isang shelf. Pinaraan ko ang isang kamay sa mga librong nakalagay sa ikalimang row. Pagkatapos huminto ang kamay ko sa pulang hardbound na libro. I pressed it and the shelf began to move. Bumukas ang shelf na isa talagang secret door para sa inner room. Pumasok ako doon. Sumara ang shelf sa likuran ko.

“Kanina ka pa namin hinihintay,” sabi ng isang matandang lalaki.

Iginala ko ang tingin sa pabilog na lamesa kung saan nakaupo paikot ang tatlo sa pinakamatatanda at pinakamakakapangyarihang lalaki sa pamilya Alpuerto. Not that we are a large family. Dahil isa sa kapalit ng kapangyarihan at kayamanang mayroon kami ang katotohanan na hindi kami dumadami. Mula pa noong unang panahon, hanggang dalawa lang ang nagiging anak ng bawat isang Alpuerto. Karamihan lalaki. Katunayan isa lang ang tiyahin ko na dugong Alpuerto talaga at hindi lang napangasawa ng mga tiyuhin ko. Si tita Martha. Na hindi nakapag-asawa dahil walang mapiling lalaki ang pamilya na mapagkakatiwalaan ng aming lihim. O kahit sana lalaki na hindi kayamanan ng pamilya ang habol. 

“Lumapit ka dito, Cain,” sabi uli ng matandang lalaki na nagsalita kanina. Si Lolo Ingracio. Sa tabi niya nakaupo si Lolo Bartolome, kapatid ni lolo Ingracio at ama ni tita Martha. Sa kabisera ng lamesa nakaupo si Gregorio Alpuerto, ang kasalukuyang leader ng aming pamilya, anak ni lolo Ingracio at ang taong nagpalaki sa akin at tinitingala ko.

He is my father. And he treats me like his own son. Dahil katulad ni tita Martha hindi rin nag-asawa at bumuo ng pamilya si papa. Hindi ko alam kung bakit. Sa tuwing tinatanong ko siya iniiba niya ang usapan. Wala rin sa matatandang Alpuerto ang nagbabanggit ng tungkol sa nakaraan. Anak daw ako ng kapatid ni papa na matagal nang pumanaw kaya inampon niya ako. Iyon lang ang impormasyon na sinasabi nila sa akin.

Ilang beses na sinubukan kong gamitin ang kapangyarihan ko para malaman ang tunay na nangyari. Pero masyadong malakas kaysa sa akin ang mga tiyuhin ko. Lalo na ang aking ama. He’s not the clan leader for nothing. Kaya madali nilang ma-reject ang pagtatangka kong gamitin ang kapangyarihan ko sa kanila.

Humakbang ako palapit sa tatlong lalaki at hindi ko naiwasan ang pag-angat ng aking mga kilay habang pinagmamasdan sila. “Nang sabihin sa akin ni Arnold na may meeting ang Elders, akala ko kumpleto kayo. Pero kulang kayo ng tatlo,” puna ko.

Nagkatinginan ang tatlo at bumakas ang pagkailang sa mga mukha. Ang aking ama naman bumuntong hininga at nahilot ang sentido. Tumikhim si Lolo Bartolome. “Well, hindi makakarating ang lolo Carlos mo. Maging ang tito Demetrio at tito Victor mo. We had a… conflict of opinions.”

Napaderetso ako ng tayo. Hindi ko naiwasan makaramdam ng tensiyon. Dahil big deal kapag nagkaroon ng conflict of opinions ang mga Elder ng Alpuerto clan. These are the people running the country in the shadows. Malaki ang epekto sa buong bansa, ekonomiya, political at iba pa, kapag nagkaroon ng conflict sa pagitan nila.

“Tungkol saan ang hindi ninyo pinagkasunduan?” tanong ko.

Bumuntong hininga ulit si papa bago seryosong sinalubong ng tingin ang aking mga mata. “It’s about the issue of the next clan leader.”

Natigilan ako. Realization hit me. “Hindi sila pabor sa napagkasunduan ninyo noon na ako ang magiging susunod na clan leader? Hindi ba iyon ang main purpose kung bakit ako nag-te-training sa ilalim mo, papa?”

“Well, oo. Noon pa mang tumuntong ka sa edad na disiotso iyon na talaga ang plano. Pero ngayon biglang may iba nang gusto ang lolo Carlos mo. Gusto niya na magkaroon ng pantay na karapatan at pagkakataon kayong magpipinsan para maging clan leader,” sabi ni lolo Ingracio.

“And you see, wala kaming makitang dahilan para tumanggi sa suhestiyon niya. After all, mas matanda pa nga sa iyo ang dalawa mong pinsan. The three of you grew up together right? Even your powers and intelligence are on par with each other,” sabi naman ni lolo Bartolome.

Kumunot ang noo ko. “Tama kayo. Lumaki kaming magkakasama. Kaya alam ko na wala ni isa sa kanila ang may interes na maging clan leader.”

“Hindi iyon ang opinyon ng ama nila,” sabi ni lolo Ingracio. Pagkatapos huminga siya ng malalim. “So, pumayag din kami sa gusto nila. I am allowing your two cousins to be a candidate as the clan leader.”

Sigurado ako na hindi magugustuhan ng mga pinsan ko kapag nalaman nila na gusto ng mga tiyuhin kong maging clan leader sila. “Pero paano kayo magdedesisyon kung sino ang magiging clan leader sa aming lahat?” tanong ko.

Muli nagkatiningan ang tatlo bago tumingin sa akin. Ang aking ama ang seryosong nagsalita. “Natagpuan na namin ang moon bride.”

Tumango ako. Alam ko na matagal nang hinahanap ng Elders ang moon bride. Alam ko rin na matagal na nilang nakita ang babae. Mas lalong alam ko na malaki ang papel niya sa pamilya namin. At lalo na sa akin. After all, she’s my fiancée. Kahit na hindi ko kilala kung sino ang moon bride na iyon. O kung ano ang hitsura niya. O kung ano ang ugali niya. She can be the meanest person in the country or the ugliest. It doesn’t change a thing. Nakatakda ko pa rin siyang mapangasawa. At least, iyon ang plano. Bago magprotesta si lolo Carlos.

“At siya ang magiging pamantayan ng kung sino ang susunod na magiging clan leader,” patuloy ng aking ama.

Kumunot ang noo ko. “How, exactly?”

“Kung sino sa inyong tatlo ang mapipili niya. Kung kanino siya iibig. Siya ang magiging clan leader,” pinal na sagot ni lolo Ingracio.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status