Share

Chapter 5

Hingal na hingal na pumasok sa loob ng opisina si Faye. Nagmamadali siyang makarating on time. Pero nahuli pa rin siya ng tatlumpung minuto. Dinatnan niya si Beth na naglalagay ng eye mascara.

“Girl! Dumating ka din sa wakas!” Masayang bati ng kaibigan niyang si Beth sa kaniya.

Tumigil ito sa ginagawang paglalagay ng eye mascara. Kinuha nito ang brush at nagsuklay habang nakatingin sa maliit na salamin sa ibabaw ng mesa nito. “Hinahap ka ulit ni Sir. Sabi niya need mo na raw tapusin ‘yan.” Tinuro nito ang tambak na mga folder sa table niya.

Matipid siyang ngumiti sa kaibigan.

Tiningnan niya ang mga folder. Ito ang mga kailangan niyang gawan ng sales report. Agad na siyang umupo para simulan ang trabaho. Sales Executive siya ng kompanya at the same time ay Executive Secretary ng kanilang Manager na si Mr. Montecillo ng Sales Department habang si Beth naman ay isang Sales Staff. Kasama niya ang kaibigan sa opisina ng boss niya. Hiniling ni Faye sa kaniyang manager na kung maari ay makasama niya ang kaibigan sa opisina. Ayaw kasi nitong mawalay sa kaniya. BFF niya ito kumbaga. Madali naman niyang napapayag ang boss niya. Dalawa lang silang naroon. Magkaharap ang lamesa nilang magkaibigan. May extension ang opisina na isang kwarto para naman sa kanilang Manager. Malimit itong wala roon dahil nakakasama ito lagi sa mga meeting ng mga nakatataas pang mga boss sa kompanya, ang CEO at ang Director.

“Oo Beth. Nagmamadali nga ako kaso…”

“Bakit may nangyari ba?Curious na tanong ng kaibigan.

“Baliktad pala ‘yung suot kong damit, nakakahiya. May lalaki pa namang…

“Ano? Pogi ba?” Putol nito sa kaniyang sasabihin.

Tumango lang siya.

“Ay!” Bongga! Bihira na ang makasakay ng pogi sa jeep! Ano pa nangyari? Tinigil nito ang ginagawang pagsusuklay at excited na nakinig sa kwento niya.

“Bumaba pa ko sa malapit na restaurant kaya medyo nagtagal ako.”

Nakapangalumbaba at may kuryosidad na nagtanong si Beth sa kanya. “Ano ang itsura nung lalaki?”

Dinescribe ni Faye ang lalaki.

“Maamo ang mukha niya, medyo makapal ang kilay, matangos ang ilong. Mapula ang mga labi. Matangkad at maputi.” Nakangiti si Faye habang sabik na nagkukwento sa kaibigan.

Natigilan si Beth at pinagmasdan ang kaibigan.

May biglang kung anong kilig na nakita si Beth sa mata ni Faye. Tila kumikislap ang mga mata nito at ang ngiti ay abot hanggang tenga. Tumayo siya at lumapit siya sa lamesa ng dalaga. Sinalat niya ang noo ng kaibigan.

Napakunot ang noo ni Faye sa ginawi ng kaibigan.

“Anong ginagawa mo?” Takang tanong niya.

“Maysakit ka ba?” May pag-aalala sa tono ni Beth.

“Wala. Bakit?” Kunot ang noo niyang tanong sa kaibigan. Mukhang nang-aasar na naman ito, sa loob-loob niya.

Natahimik ang kaibigan. Nakatayo pa rin ito sa harapan niya. Tinititigan nito ang mukha niya at saka nagsalita.

“Alam mo ngayon lang kita nakitang nagkukwento ng ganyan sa isang lalaki.”

Nag-init ang magkabilang pisngi ni Faye. Bigla siyang nakaramdam ng hiya sa sinabi ng kaibigan. “Ano bang sinasabi mo?”

“Kasi dati naman galit na galit ka sa mga lalaki. Kapag merong nagkakagusto sayo ay sinusungitan mo agad at mabilis kang mang-basted. Pati nga kay Lance lagi kang galit noon. Ayaw mo ngang nagpapasundo sa kanya di ba?”

Nanatiling nakakunot ang noo ni Faye. Hindi siya makapagsalita. Bakit nga ba siya naging ganoon? Dahil sa sama ng loob niya sa ex boyfriend niya ay naging man hater siya. Pero dahil naman sa pag-aalaga ni Lance sa kaniya noong nasa ospital siya ay nabago ang lahat ng iyon. Muli na niyang binuksan ang puso niya para dito.

Nagpatuloy si Beth. “Sa totoo lang girl, parang tinamaan ka yata ng pana ni kupido sa lalaking iyon.” Pang-aasar ni Beth sabay tawa ng malakas.

“Paano na si Papa Lance?! E di ba sabi mo binigyan mo na siya ng chance?” Nakangusong sabi nito.

“Heh! Tumigil ka nga sa pag-iisip ng ganyan! Noon ko lang nakita ‘yung lalaking iyon. Hindi ko nga siya kilala. Tinanong mo sakin kung anong itsura niya. Dinescribe ko lang naman sayo, ah.” Pagtatanggol ni Faye sa sarili.

Napangiti si Beth sa kanya. Nanunudyo ang mga ngiti nito. Inirapan niya ang kaibigan.

“Magtrabaho na nga tayo.”

Tumingin nang makahulugan sa kaniya ang kaibigan. Kilala talaga siya nito at hindi talaga siya makakapagtago ng nararamdaman niya. Tumayo ito at bumalik na sa table niya. Maya-maya pa ay napalingon silang dalawa nang biglang bumukas ang pinto.

Pumasok ang Manager nila na si Mr. Montecillo.

“Faye, nandiyan ka na pala. Don’t be late again ha. We need to hurry for that sales report. Tinuro nito ang mga folder sa harapan niya. Gusto ng mga big boss natin na maibigay lahat ng copy ng report sa bagong magiging partner nila sa kompanya. All the details must be comprehensive.” Ang tinutukoy nitong mga big boss ay ang Director at CEO ng Wildon Industry.

Sabay na napaawang ang mga labi ni Faye at Beth nang marinig nila na magkakaroon ng bagong partner ang kompanya. Nakatayo ang boss nila sa harapan nilang dalawa habang nakapamulsa ang dalawang kamay nito sa black pants na terno sa black suit na suot nito. Kahit may edad na, may karisma pa rin ito. Sa gulang na 55 ay makikita pa rin ang tikas ng katawan nito. May itsura ito kaya laging may nalilink na babae dito na labis namang kinaseselos ng asawa nito.

“Bagong partner po?” Nagtatakang tanong ni Faye.

“Yes, you heard me right. They will merge the company to extend business opportunities abroad at magagawa lang nila ‘yun kapag nakipagtie up ang Wildon Industry sa Sebastian Group of Companies. They have many business in the Philippines and in other countries. Their business includes construction supplies, architecture firm, realty development, chain of restaurants and chain of salons. Nagretire na si Mr. Eduard Sebastian kaya ang pumalit na CEO ng kompanya nila ay ang nag-iisa niyang anak na si Ms. Georgia Sebastian.” Paliwanag ng boss niya.

“Wow ang dami naman nilang business sir.” Namamanghang sabi ni Beth.

“Yes definitely. That’s why you have to work hard to meet the deadlines for all the reports.” Tugon ni Mr. Montecillo.

“Mr. Eduard Sebastian is an established business magnate.” Saad ni Faye. Nababasa niya ang pangalan nito sa mga Magazine at kapag nanonood siya ng Business News ay laging kasama ito sa mga iniinterview ng host.

“Indeed. He is known not just here but also in other countries abroad. Magaling din ang anak niya sa business. She studied in Harvard and built an empire of restaurants and salons here in the Philippines. Kaya sa kanya pinahawak ng father niya ang kompanya.”

“Napakagaling naman niya. Sana makilala din namin siya sir.” Hindi mapigilan ni Beth ang paghanga sa babaeng nilalarawan ng boss nila.

“Soon, she will visit our company.” Lumingon ito kay Faye at muling nagsalita. “Ok I will be busy this week. So, I’m expecting in three days, ay tapos na lahat ng pinagagawa ko.”

“Pero sir sobrang dami po nito at…” Hindi na naituloy ni Faye ang sasabihin dahil tumalikod na ang boss niya at pumasok na ito sa sarili niyang opisina. Napatingin siya kay Beth. Nagkibit-balikat lang ang kaibigan.

“I know you can do it Faye.” Narinig pa niyang sabi ng boss sa kanya. Napakagat-labi lang si Faye. Kahit nasa loob na ito ng sariling opisina ay dinig pa din ang malakas nitong boses. Wala siyang magagawa kung hindi sundin ang mga utos nito. Bilib ito sa kakayahan niya. Dahil mula din naman noong nag-break sila ng boyfriend niya ay talagang sinubsob niya na ang sarili sa trabaho. Nag-oovertime siya palagi noon para lang matapos ang gawain. Isang way na rin para madali niyang makalimutan si Mark. Lahat ng pinagagawa nito ay natatapos niya nang mabilis. Wala siyang pending na trabaho kaya kinagiliwan siya ng husto nito. Kahit na may pagkababaero ito, at laging nakakagalit ang asawa, ay naging mabait naman talaga ito sa kanya. Malimit kasi siya ang nakakasagot sa phone at ang asawa nito ay palaging nagtatanong kung nasaan na ang boss niya. At minsan din ay nadatnan nila ni Beth na may kasama itong ibang babae sa opisina.

Busy siya sa pagtatrabaho ng kalabitin siya ni Beth.

“Girl lunchbreak na, nakakalimutan mo na naman ang oras. Halika na sa canteen. Naghihintay na si Tricia sa labas.”

Isa rin si Tricia sa kaibigan nila. Kabaliktaran ni Beth na may pagkakikay, mapagbiro at taklesa. Sobrang mahiyain naman nito at seryoso lagi. Si Faye lang ang umaawat sa dalawa kapag nagkakaroon ang mga ito ng misunderstanding. Naging kaibigan niya ito dahil noon walang pumapansin dito dahil sa sobrang pagkamanang ng suot at mga pananaw nito sa buhay. Minsan ay niyaya niya itong maglunch at after ‘nun lagi na itong sumasama sa kanilang dalawa ni Beth.

Habang kumakain sila sa canteen ay napatanong si Beth.

“Alam mo curious ako. Ano kaya ang itsura ni Ms.Georgia Sebastian?”

“Ako curious naman ako sa CEO natin na anak ng Founder at Director ng Wildon Industry. Sabi ng iba guwapo daw iyon.” Sabi naman ni Tricia

“ Oo nga girl, dahil matagal din siyang nag-aral at nagtrabaho sa US kaya hindi pa natin siya nakikita.”

Napalingon si Faye sa dalawa.

“Ang sabi ni Mr. Montecillo sa Founding Anniversary daw ay makikilala na ng lahat ang CEO natin at ang bagong partner ng kompanya.” Paliwanag ni Faye sa dalawang kaibigan.

“Hay! Naiimagine ko na. Isang guwapo at isang maganda ang magiging magpartner. Malamang sila din ang magiging magpartner sa totoong buhay.” Kinikilig si Beth habang nagsasalita. Sabay subo sa kinakain nitong cake. Tapos na itong kumain ng kanin at ulam at dessert naman ang kinakain nito ngayon.

Tumangu-tango naman si Tricia habang tahimik naman si Faye sa pagkain ng baon niyang mechado at kanin na hinanda ng lola niya.

“Oo nga baka ipakasal din sila. Ganyan ‘yung mga napapanood ko sa mga teleserye. Pinagkakasundo at pinakakasal ang dalawang anak ng may ari ng kompanya para lalo silang maging mayaman at makapangyarihan.” Dagdag pa ni Tricia sa sinabi ni Beth. Tapos na itong kumain ng baon din nito at inuubos na lang ang juice na binili nito sa canteen.

Tahimik pa rin si Faye na nakikinig sa dalawang kaibigan.

“Naku, excited na ko sa Founding Anniversary na ‘yan. Pasusuotin na naman tayong tiyak ng formal dress. Ngayon pa lang paghahandaan ko na ‘yan. Malamang may iba pang CEO na bisita at baka may matypan ako kaya magsusuot ako ng pinakaseksing gown.” Malakas ang pagsasalita ni Beth sabay tawa ng malakas na kinalingon ng ibang kumakain sa canteen.

“Beth!” Sinaway ni Faye ang kaibigan.

“Ano ka ba? Hindi ka ba nahihiya?” Sabi naman ni Tricia kay Beth.

“Bakit naman ako mahihiya. Wala naman akong ginagawang masama ah! Nangyayari naman ‘yan sa totoong buhay, isang CEO nainlove sa isang karaniwang empleyado.” Umirap ito kay Tricia.

“Grabe ka naman.” Gumanti naman ng irap si Tricia dito.

“Pagkakagrabe mo ah! Kaya hanggang ngayon wala kang boyfriend dahil very naive ka!” Pang-aasar ni Beth sa kaibigan.

“Anong sinabi mo?!” Nagalit naman si Tricia na sinabihan siyang naive. Bagaman alam niyang ganoon nga siya pero ayaw niya ng inaasar siya ni Beth.

Sanay na si Faye sa asaran ng dalawa. Galit-bati. Bati-galit. Ganoon palagi ang dalawa.

Inawat na niya ang mga ito. “Oy tama na yan. Nagkakapikunan na naman kayo.”

“Eto kasi e, kala mo perfect.” Paninisi si Beth na may kasamang pag-irap.

Gumanti naman si Tricia ng pag-irap dito.“Nakakahiya kasi ‘yung mga plano mong gawin. “

Lumabi naman si Beth at sumimangot. “Inggit ka lang! Nasa modern era na tayo no. Kaya kung hindi ka gagawa ng paraan, tatanda kang dalaga.” Gusto pa niyang asarin ang mahiyaing kaibigan na si Tricia pero pinigilan na siya ni Faye. Hinawakan siya nito sa kamay.

“Tama na Beth.”

Tumayo na si Faye.

“Tapos na ba kayong kumain, bumalik na tayo sa office at 10 minutes na lang 1 pm na. Marami pa tayong kailangang tapusin.” Nauna nang lumakad si Faye at sumunod ang dalawa.

Lumipas ang maghapon at nagyayang muli si Beth. Dala na nito ang bag niya at nakatayo na sa harapan niya.

“Girl 5 pm na. Uwi na tayo.” Naiinip na ito at palagi na ay nagmamadali itong umuwi.

Tumingin si Faye sa kaibigan.

“Hindi pa ko makakauwi Beth. Kailangan kong mag overtime dahil marami pa akong gagawin. Narinig mo naman siguro si Mr. Montecillo kanina. Kailangan ko nang tapusin ito sa loob ng tatlong araw.” Nginuso niya ang mga folder na nasa ibabaw ng mesa niya. Wala pa sa kalahati ang natatapos niya dito.

“Pero nag-aalala na ako sa’yo baka bumigay na naman ang katawan mo at maospital ka ulit dahil sa sobrang subsob mo sa work.” Nakalabi si Beth at halata sa tono nito ang pag-aalala sa kaibigan.

Hinawakan niya ang kamay ng kaibigan.

“Huwag kang mag-alala sa akin. Hindi na mangyayari ‘yung dati. Kailangan ko lang talagang mameet ang deadline natin. Mauna ka nang umuwi. Mag-ingat ka ha.

“Okey Faye mauuna na ko. Mag ingat ka din pag uwi mo.” Pagpapaalam nito at mabilis nang lumabas ng pinto.

Nagpatuloy si Faye sa pagtatrabaho. Nagtext na rin siya sa lola niya na mag-oovertime siya. Nag-aalala kasi ito kapag ginagabi siya ng uwi. Kahit ayaw nitong payagan si Faye ay wala naman itong magawa dahil nagpupumilit ang apo. Lumipas ang dalawang oras at napapahikab na si Faye. Namumungay na rin ang mga mata niya dahil sa maghapong pagtutok sa harap ng computer. Maya-maya pa ay nakaramdam siya ng antok. Sa mesa niya ay nakatulog siyang nakayuko. Mahimbing ang pagkakatulog niya nang biglang nadinig niyang nagbukas ang pinto ng opisina. May mga yabag ng sapatos na pumasok at papalapit sa kanya. Parang naalimpungatan ay bigla siyang nagdilat ng mga mata. Nanatili pa rin siyang nakayuko. Sa sahig, sa tabi niya ay nakita niya ang dalawang pares ng sapatos na pamilyar sa kaniya. Pumikit siyang muli. Iniisip niya na baka nananaginip lang siya. Muli siyang dumilat. Pinagmasdan niya ulit ang mga sapatos. Dalawang itim na sapatos. Nanlaki ang kaniyang mga mata. Hindi siya pwedeng magkamali, ito ang itim na leather shoes ng lalaking nagbigay ng panyo sa kaniya. Ang lalaking sumalo sa kaniya sa daan noong hinimatay siya. Ang nagdala sa kaniya sa ospital. Ang Superhero niya! Nandito siya sa loob ng opisina? Nagtatrabaho din ba sya sa kompanyang ito? Kailan pa? Bakit hindi ko siya kilala? Maraming tanong ang pumapasok sa isipan ni Faye. Anong gagawin ko? Magpapakilala ba ako sa kaniya? Kailangan kong magpasalamat…’yung panyo niya nasa akin pa. Pero teka, mukhang hindi yata magandang bagong gising akong haharap sa kanya? Gulu-gulo ang buhok niya. At baka mayroon pa siyang muta sa mga mata. Nakakahiya. Pero kailangan niya talagang magpasalamat. Akmang iaangat na ni Faye ang kaniyang ulo upang humarap sa lalaki nang biglang bumukas muli ang pinto. Lumapit doon ang lalaki. Kinausap ang nasa pinto. Inangat ni Faye ang kanyang ulo at nakita nya ang likod ng matangkad na lalaki. Naka-white polo ito at black pants. Lumabas ito ng pinto at pumasok naman si Mang Binoe, ang isa sa mga security guard ng kompanya. Lumapit ito sa kaniya.

“Ma’am pasensya na po, pero 10 pm na po. Kailangan na po naming patayin ang lahat ng ilaw sa mga opisina.”

Tiningnan nya ang relo niya. 10 pm na nga. Allowed lang sa kompanya ang hanggang tatlong oras na pag-oovertime. Napasarap ang tulog niya. Gabi na. Lagot na naman siya sa lola niya. Bibyahe pa sya. Kaya siguradong alas onse na ng gabi siya makakarating sa bahay.

“Okey po kuya.Pasensya na din. Liligpitin ko lang po ang gamit ko at aalis na din ako.”

“Sige po ma’am. Salamat po.” Umalis na ang guwardya at lumabas ng opisina.

Chineck ni Faye ang phone nya. Marami siyang missed call. Nagsilent sya kanina ng phone kaya hindi niya narinig ang pagring nito. Maraming missed call mula sa lola niya. Nag-aalala na nga ito sa kaniya. Dinial nya ang phone.

“Hello, lola.”

“Faye ano ka bang bata ka, nasaan ka na? Akala ko ba dalawang oras ka lang mag-oovertime diyan. Gabing-gabi na baka kung mapaano ka sa daan.” Labis ang pag-aalala ni Aling Mercy sa apo. Agad naman itong tinugon ni Faye.

“Pasensya na po lola nakatulog po kasi ako. Nagliligpit lang po ako ng gamit at uuwi na din po.” May pagmamadali na sa boses niya.

“Bilisan mo na ha. Pinapunta ko nga pala diyan si Lance. Baka kanina pa nandiyan sa labas ng building niyo at naghihintay sa’yo.”

Medyo nagulat siya. Susunduin pala siya ni Lance. Hindi niya inaasahan iyon dahil lagi niya itong tinatanggihan.

“Ah.. ganoon po ba. Sige po lola salamat po.”

“O sige mag ingat kayo ni Lance.”

“Bye po lola.” Pinatay na niya ang phone at nagmadaling lumabas ng opisina.

Paglabas niya ng building ay nakita niya agad si Lance. Nakatayo ito sa harap ng entrance na tila balisa. Pagkakita sa kanya ay ngumiti ito pero ngiting may halong pag-aalala.

“Faye may nangyari ba sayo sa loob? Nagkaroon ka ba ng problema? Bakit natagalan ka yata? Kanina ko pa gustong pumasok kaya lang hindi ako pinayagan ng security guard.” Sunud-sunod ang pagtatanong ng binata dahil sa labis na pag-aalala nito kay Faye.

“Wala naman Lance. Nakatulog lang ako kaya hindi ko napansin ‘yung oras. Pasensya na at hinintay mo pa ‘ko ng matagal.”

“Nag-aalala sa’yo ang lola mo kaya pinasundo ka na sa akin.”

“Okey lang. Salamat Lance.”

Pumara sila ng taxi at sumakay silang dalawa sa likuran nito. Bago pa makaalis ang taxi na sinsasakyan nila ay nahagip pa ng mga mata ni Faye ang bulto ng isang matangkad na lalaki sa may entrance ng building nila. Patay na ang ilang ilaw sa building kaya medyo madilim. Hindi niya maaninag ang mukha nito. Pero parang nkatingin ito sa direksyon niya. Bakit niya ako tinitingnan? Naging palaisipan ito kay Faye. Nagtatrabaho pala siya sa mismong kompanya din namin. Madali ko na siyang makikilala at makakapagpagpasalamat na din ako sa kanya. May kung anong lukso ng damdamin ang naramdaman ni Faye. Hindi niya maintindihan kung dahil ba ito sa saya o dahil kinikilig sya. Napapailing siya habang nag-iisip. Tahimik lang siya habang nagbibyahe sila ni Lance. Si Lance naman ay patingin-tingin lang sa kanya. Hinatid siya nito sa bahay at pagkaraan ay nagpaalam na din agad. Nagsabi pa ito na bukas daw ay dadalaw ito sa kanya. Mula nang sinabihan niya ito na pwede na itong dumalaw ay pumupunta ito sa bahay nila ng tatlo hanggang apat na beses sa isang linggo. Nagdadala ito palagi ng bulaklak at ng pagkain.

Masugid itong manuyo sa kaniya. Matiyaga itong naghihintay para sa matamis niyang ‘oo.’

“Lola nandito na po ako.” Bati niya sa lola niya na kanina pa nakaupo sa sofa at naghihintay sa kaniya.

“Mabuti iha at nakauwi na kayo ni Lance, pinakaba mo ako ng husto apo. Mabuti na lang nandiyan si Lance. Napakabait talaga niyang binata na ‘yan apo. Panatag ang loob ko sa kanya. Mawala man ako sa mundo, hindi ako mag-aalala sayo.” Tumingin ito ng makahulugan sa kanya.

Hindi nakaimik si Faye. Pumunta na siya sa banyo at naglinis ng sarili. Batid niyang hindi sapat ang pagdalaw at pagsundo ni Lance sa kanya para sagutin niya ito. Alam niya sa sarili niyang may kulang sa nararamdaman niya para sa binata. Hindi niya lang maipaliwanag kung ano. Kung malalaman ito ng lola niya, malamang sa batukan o pagalitan siya nito. Pero hindi niya alam kung bakit siya nagkakaganito. Botong-boto ito kay Lance. Gusto nitong sagutin na niya ang binata. Pero sa hindi malamang dahilan, may pumipigil sa damdamin ni Faye. Noong una’y nahuhulog na naman siya sa binata. Pero tuwing maaalala niya ang lalaking iyon na may itim na leather shoes para bang nababaling dito ang isip at damdamin niya.

Umakyat siya sa kwarto at sumunod ang lola niya. May dala itong mga bagong punda ng unan at kumot. “Palitan mo na nga pala ‘yang gamit mong punda at ito ang gamitin mong kumot. Inalok sa akin ni Aling Ason ang mga iyan.”

“Lola gumastos ka na naman. Sabi ko naman po sa inyo, ako na po ang bahala na bumili ng mga kailangan natin dito sa bahay.”

“Sus! Itong batang ‘to, para iyan lang. Ayoko naman sobrang pagtitipid mo hindi ka na makatikim man lang ng bagong kumot at punda. Dagdag pa ‘yang sobrang busy mo sa trabaho hindi mo na din maasikaso ang pagbili ng sarili mong gamit.”

“Thank you Lola. Ang bait talaga ng lola ko. Hmmm…sarap pang yakapin.” Niyakap niya ito nang mahigpit. Hinalikan naman siya nito sa noo. Muli nitong inungkat ang tungkol kay Lance.

“Bakit ba hindi mo pa sinasagot si Lance apo?

Mabait naman siya at bagay na bagay kayo.”

Nabigla siya sa tanong na iyon ng lola niya.

“Ah…lola busy lang po kasi ako sa trabaho. Magiging unfair kay Lance kapag wala akong maibigay na time para sa kanya.” Paliwanag ni Faye.

“Sa tingin ko naman ay maiintindihan ni Lance ‘yun apo.” Nangungumbinseng tugon nito sa kaniya.

“Ayoko po munang madaliin lola.” Matipid lang ang sagot niya. Ayaw na sana niyang tanungin pa siya ng lola niya kaya lang nagpatuloy pa rin ito.

“May takot ka pa rin bang nararamdaman sa nangyari sa inyo ni Mark?” Malungkot ang tono nito sa pagtatanong.

Saglit na natigilan si Faye. Tumango siya. Wala naman siyang maitatago sa lola niya. Totoo talagang may takot pa siyang nararamdaman sa pagpasok sa bagong relasyon pero hindi lamang ito ang bumabagabag sa kaniyang kalooban. Kung hindi maging ang kalituhan sa misteryosong damdamin para sa lalaking nagbigay ng panyo at nagligtas sa kaniya.

Niyakap siya ng matanda at hinagod-hagod ang likod niya. “Pasensya ka na apo kung matanong ako. Sige lang, take your time. Makakarecover ka din at mawawala din ‘yang mga nararamdaman mong takot sa puso mo. Ipagdadasal natin ‘yan.”

“Salamat po lola.”

“Sige matulog ka na at maaga pa ulit ang pasok mo bukas. Goodnight. Muli nitong hinalikan ang apo sa noo at lumabas na ito ng kwarto niya.

Alas dose na ng hatinggabi pero hindi pa makatulog si Faye. Kinuha niya sa loob ng kaniyang bag ang panyong puti na binigay ng lalaki. Ang tanging alaala na hawak niya mula sa lalaking iyon. Palagi niyang dala ito dahil nagbabakasakali siya na magkikita silang muli. Pinagmasdan niya ang burda sa panyo na J at M. Ano kayang pangalan niya? Jack, John, Jake, Jun? Sana bukas ay makilala ko na siya…Humiga na siya sa kama at pinikit ang mga mata habang hawak sa dibdib ang puting panyo. Umaasang kahit sa panaginip ay magkikita sila ng misteryosong lalaki na may suot na itim na leather shoes.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Jacob P. Ortega
Ang ganda ng story! Keep it up.
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status