Share

Chapter 4

Nagising si Faye na parang naalimpungatan. Kulay puti ang paligid. Kulay puti ang kisame maging ang mga dingding. May mga kurtinang asul na nakatabing sa bawat gilid ng kama. Nakahiga siya sa isang hospital bed at may dextrose na nakakabit sa kanang kamay niya. May nakatalikod na nurse na babae na nag-aayos ng dextrose bag niya. Lumingon siya sa gawing kaliwa niya. Nakita niyang busy ang ibang mga doktor at nurse sa pag-aasikaso sa ibang pasyente. Nasa emergency area siya ng ospital.

“Bakit ako nandito?” Nagtatakang tanong ni Faye sa sarili. Pagharap ng nurse ay ngumiti ito sa kaniya.

“Ma’am gising na po pala kayo,” masayang bati nito sa dalaga. “Umalis na po ‘yung nagdala sa inyong pogi at matangkad na lalaki. Grabe ma’am ha sobrang nag-alala sa inyo ang boyfriend niyo at bago siya umalis siniguro niyang okey na kayo.” Nakangiti ito habang nagsasalita.

“At ‘yun pong lalaking iyon ang pumalit na nagbantay sa inyo. Pogi rin ma’am ha.” Itinuro nito si Lance na kausap ng doktor sa ‘di kalayuan sa kanila. “Ang swerte niyo ma’am, dalawang guwapong lalaki ang nag-aasikaso sa inyo.” Pagbibirong sabi ng nurse na tila naiinggit sa dalaga.

“Salamat ha.” Nahimasmasan si Faye sa mga narinig. Naalala niya na bumaba siya ng jeep at sumugod sa kalagitnaan ng ulan. Hinimatay siya at may lalaking sumalo sa kaniya. Marahil ito nga ang tinutukoy ng nurse. Inakala nito na boyfriend niya ang lalaking matangkad. Bahagyang nakaramdam ng kilig si Faye. Pero bakit kaya bigla siyang umalis? Paano niya kaya ito makikitang muli?

Umalis na ang nurse at lumapit naman ang doktor sa kaniya, nakasunod si Lance dito. Chineck ng doktor ang pulso niya. Nakatingin lamang si Lance sa dalaga na may halong pag-aalala.

“Kamusta ang pakiramdam mo? Hindi ka na ba nanghihina? Naiistress ka ba lately at hindi nakakatulog?” Tanong ng doktor kay Faye.

“Okey na po ako doc. Medyo naiistress nga po ako at napupuyat dahil sa trabaho,” pagdadahilan ni Faye. Pero ang totoo ilang araw na siyang hindi halos makakain at makatulog dahil sa paghihiwalay nila ng ex boyfriend niyang si Mark.

“Nanghina ang katawan mo dahil sa puyat at stress. Bumagsak ang resistensiya mo. According to your lab results, bumaba ang calcium at sodium mo sa katawan. Kinailangan ka naming kabitan ng dextrose na may gamot para manumbalik agad ang lakas mo. Mamayang hapon pwede ka nang umuwi. Ingatan mo ang sarili mo ha.

“Thank you po doc.,”sambit ni Faye.

Nagpaalam na sa kaniya ang doktor at lumapit ito kay Lance.

“She is fine now. Just let her rest and take this medicine.” Iniabot ng doktor ang reseta kay Lance.

“Thank you Dr. Mercado,” pasasalamat ni Lance sa doktor na tumingin kay Faye.

Tumabi si Lance sa dalaga. “Sigurado ka

bang okey na ang pakiramdam mo Faye?” Naniniguradong tanong ng binata.

“Okey na okey na ko Lance. Hindi ka ba pumasok sa work mo?” Nag-aalalang tanong ng dalaga.

“Sa ngayon, work from home ako. May ginagawang construction sa kompanya namin. At flexible ang schedule ko. Kaya may oras ako para maalagaan kita.” Paniniguro nito sa kaniya. Isa itong computer programmer sa Vern Tech Company.

Tumango lang si Faye at nagtanong.

“Paano ako nakarating dito Lance?”Gusto niyang makasiguro na magbibigay ito ng impormasyon tungkol sa lalaking sumalo sa kaniya.

“Hinimatay ka at di-dinala kita agad dito.” Nautal nang bahagya ang binata sa pagsasalita. Napakunot nang bahagya ang noo ni Faye sa sinabi ni Lance. Alam niya na hindi ito ang nagdala sa kaniya sa ospital pero bakit iba ang sinabi ng binata. Bakit kailangan pa nitong magsinungaling? Naging palaisipan sa kaniya ang ginawi ng binata pero inalis niya ito sa kaniyang isipan.

“Salamat Lance. Alam na ba ni lola ang nangyari sa akin?” May bahid ng takot at pag-aalala ang tono ni Faye. Maysakit sa puso ang lola niya kaya ayaw niyang mag-alala ito ng sobra sa kaniya.

“Oo tumawag siya sa akin nang malaman niya ang nangyari sayo. Malakas ang ulan at baha sa ibang kalsada. Sinabi ko kay Lola Mercy na ako na lang ang mag-aasikaso sayo. Huwag kako siyang mag-alala at nandito na ang Superhero mo.” Ngumiti ito at kumindat pa sa kanya. Nakawhite T-shirt ito at blue jeans na nagpadagdag sa appeal nito. Kahit sinong babae ay maiinlove dito. Mabait, sweet, maasikaso. Wala ka ng hahanapin pa.

“Bibili lang ako ng pagkain mo at pati ‘yung gamot bibilhin ko na din para makainom ka na. Sabi ng doktor mamayang hapon, pwede ka nang umuwi. Sandali lang ako ha. Babalik din ako agad,” may paniniguro sa boses ni Lance.

Tumango lang si Faye at ngumiti. Agad nang umalis si Lance at tinungo ang emergency exit. Pinilit niyang bumangon at umupo sa kamang kinahihigaan niya. Inabot niya sa side table ang bag na nabasa ng ulan kanina. Nakita niya sa loob noon ang puting panyo. Kinuha nia iyon at napansin niyang sa gilid nito ay may maliliit na burdang mga letra na J.M. Maaaring ito ang initial ng pangalan ng taong sumalo sa kaniya. Dasal ni Faye na sana ay makapagpasalamat siya dito at sana magkrus muli ang landas nila.

“Ang lalaking iyon na may suot ng itim na leather shoes, ang tunay kong Superhero,” nabulong ni Faye sa sarili habang hawak-hawak ang panyong puti.

Biglang nagring ang celphone niya. Pagtingin niya ay napakarami na palang missed call ang officemate at kaibigan niyang si beth. Sinagot niya ito.

“Hello Beth.”mahinang bati niya.

“Girl nasaan ka? Anong nagyari sayo? Hinahanap ka na ng manager natin. Ilang beses ng pabalik-balik si Mr.Montecillo dito sa table mo. Hinahanap niya ‘yung written report mo daw sa final sales natin nitong January.” May tono ng pag-aalala sa boses ng kaibigan.

“Beth nasa ospital ako ngayon.” Mahinang sambit ni Faye.

“Ha?!” Bakit? Ano nagyari sayo?” Gulat na tanong ni Beth.

“Sinugod ako sa ospital dahil hinimatay ako. Pakisabi naman kay sir na bukas na bukas din ay ipapasa ko sa kaniya ang report. Pakisabi na lang din sa kaniya ang nangyari sa akin ha.” Pakiusap ni Faye sa kaibigan.

“Kamusta ka naman diyan? Okey ka lang ba? Sinong kasama mo?”

Nag-aalala at sunud-sunod ang mga tanong ni Beth.

“Okey na ako. Lalabas na din kami ng ospital mamayang hapon. Kasama ko si Lance.

“Ah, kasama mo pala si Pogi. Ang sweet naman,” ang sabi nito na kinikilig sa kabilang linya. Isang beses na niya itong nakita nang minsang tangkain ni Lance na sunduin ang dalaga mula sa pinagtatrabahuhan niya. Pero hindi pumayag si Faye na magpasundo at nagdahilan na may pupuntahan pa.

“Beth tumigil ka ha. Nagmalasakit lang ‘yung tao. Alam mo naman na kaibigan ko lang ‘yun,” paniniyak ni Faye habang umiiiling.

Malalim na buntong-hininga ang tinugon ni Beth. Sanay na ito sa kaibigan. Palagi nitong iniiwasan si Lance. Pero kinilig siya dahil magkasama ang dalawa ngayon.

“Hindi kasi makakapunta si lola, malakas ang ulan at baha na sa ibang lugar. Kaya inutusan niya si Lance na asikasuhin ako,” pagdedepensa ni Faye sa sarili

“Ok girl! Tama na ang explanation! Malakas na sabi nito sabay tawa. “Magpagaling ka ha. Huwag ka nang mag-alala kay sir maiintidihan ka nun. Best employee ka di ba. Favorite ka nga niya e.”

“Dalawa tayong paborito ni sir dahil masisipag daw tayo.” Pagtatama ni Faye habang umiiling.

“Paborito niya tayo kasi magaganda daw tayo hehehe,” pabirong sabi ni beth. “Hindi muna kita iistorbohin. Magpahinga ka muna. Makapasok ka na sana bukas ha. Ikaw na ang bahala kay Lance este si Lance na pala ang bahala sayo, bye.” Muling pagbibiro ng kaibigan.

“Oo Beth papasok na ako bukas. Salamat ha. Bye.”

Kikay at masayahing tao si Beth kaya nakapalagayan niya ng loob agad ito. Masipag din ito at matalino. May katabaan ito pero makikita mong may itsura din. Mahilig lang talaga itong kumain. Mahilig ding magbiro kaya ang ibang kaofficemate nila ay napipikon sa kaniya. Pero para kay Faye isa rin ito sa pinakamabait niyang kaibigan. Masasandalan niya ito lalo na kapag may problema siya.

Napalingon siya ng dumating si Lance. Inabutan siya nitong nakaupo sa kama at nag-iisip.

“Ang bilis mo naman Lance. Nakarating ka kaagad,” may halong pagtataka ang boses ni Faye.

“Binilisan ko talaga ang pagbili ng gamot at pagkain. Ayokong iwan kang mag-isa dito. Gusto kong nasa tabi mo lang ako,” bahagya itong ngumiti habang inaayos ang pagkaing binili niya. “Nakabili ako ng lugaw, kumain ka muna para makainom ka ng gamot. Mamaya pagkatapos mong kumain aalis na tayo.”

“Lance kumain ka na din sabay na tayo,” panghihikayat ni Faye.

“Makita lang kitang busog, busog na rin ako,” kinuha nito ang mangkok ng lugaw at sinubuan si Faye na kinagulat ng dalaga.

“Hindi mo na kailangan pang gawin ito Lance. Kaya ko namang kumain.” Medyo naasiwa si Faye sa ginagawa ng binata na pagsusubo ng pagkain sa kaniya.

Umupo ito sa tabi niya. Nalanghap pa niya ang amoy ng pabango nito. Lalaking-lalaki ang amoy. Napokus ang mga mata niya sa dibdib nito. Hapit sa katawan ang suot nitong white T-shirt kaya napagmasdan niya ang pagiging maskulado nito. Hindi pa din nagbabago ang katawan nito. Physically fit pa rin. Maalaga ito sa katawan, isang bagay na hinangaan niya sa kaibigan.

“Hayaan mo lang na gawin ko sa’yo ito Faye. Gusto kong pagsilbihan ka. Gusto kong ipakita sa’yo kung gaano kita kamahal.” Napaawang ang bibig ni Faye sa sinabi ng binata. Hanggang ngayon hindi pa siya sanay. Parang bago pa din sa pandinig niya ang mga katagang iyon. Mahal pa din siya ng binata. Sa dami ng beses na hindi niya pagpansin dito ay nananatili pa rin itong nagmamahal sa kaniya.

Habang sinusubuan siya ng binata ay tinitigan niya ito. Pinagmasdan niya ang kaibigan. Dinarama niya ang mga sinabi nito kanina. Pangiti-ngiti naman ang binata na para bang gustung-gusto nito ang ginagawa niyang pagtitig. Umiwas ito ng tingin na parang nahihiya. “Kumain ka ng marami para lumakas ka agad. Nangako ako kay Lola Mercy na aalagaan kita.”

Pagkatapos kumain ay pinainom siya nito ng gamot. Inasikaso talaga siya nitong mabuti. Handa nitong gawin ang lahat alang-alang sa kapakanan niya. May konting guilt siyang naramdaman dahil sa tagal ng panahon ng panunuyo nito sa kaniya ay hindi man lang niya natumbasan ang pagmamahal nito. Naisip niya siguro nga ay panahon na para pagbigyan niya naman ang binata.

Hinawakan niya ang kamay ni Lance. Napaigtad ito. Tila parang nakuryenye ito sa pagkabigla. Noon lamang ang unang beses na hinawakan siya ng dalaga. At iyong pakiramdam na iyon ay parang isang boltahe ng kuryente na gumapang sa buong katawan niya.

“Lance pwede ka nang dumalaw sa amin,” nakangiting pahayag ng dalaga.

Nanlaki ang mga mata ni Lance. Hindi siya agad nakapagreact. Pero maya-maya pa ay malakas na nagsabi, “talaga?!! Yes!!! Thank you Faye.” Napahawak na din ito sa kamay ng dalaga.

Napangiti naman si Faye sa naging reaction ni Lance. “Oo Lance.”

Matagal nang hinihiling ni Lance makadalaw sa bahay nito at formal na makapanligaw pero laging tumatanggi ang dalaga. Pero ngayon para siyang nakalutang sa langit sa kasiyahan dahil sa pagpayag ni Faye. Nagkaroon ang binata ng panibagong pag-asa. Bata pa lang sila ang dalagang ito na ang pinapangarap niyang babae na makasama sa buhay. Hindi siya nagkaroon ng girlfriend. Nakipagfling lang siya sa iba para pagbigyan ang mga babaeng nagkakagusto sa kaniya. Pero wala ni isang sineryoso. Nirereserba niya talaga ang puso niya para kay Faye. Sa pagkakataong iyon, hiniling niya na sana ay makamit niya na ang matamis na ‘oo’ ng dalaga..

- - - - -

“Mama para po,” malakas ang boses ng babaeng katabi ni Faye kaya nabigla siya. Lumingon siya sa loob ng jeep. Marami na pa lang nakababa. Kaunti na lang silang pasahero. At ang lalaki sa harap niya naroon pa rin. Nananatili itong nakatingin at nakatitig pa rin sa kanya. Namamagnet na naman siya nito. Tagal na nga niyang nagmuni-muni kanina, pero hindi pa rin tapos ang lalaki sa pagpasweet sa kaniya. Nagpapasweet nga ba ito sa kanya? Bahagyang umiling si Faye. Bigla niyang naisip na, teka, ganito na ang uso, mga poging lalaki at magaganda ang bihis ng mga holdaper ngayon. Naku Faye ‘wag kang basta-basta magtitiwala. Hindi lahat ng mga nakikita mong guwapo ay mabubuting tao. Wala sa itsura ‘yan. Napayakap si Faye sa shoulder bag niya. Baka nga holdaper ito. Manyak na holdaper pa. Pagtingin niya dito, muli itong ngumiti. Nanlalambot na naman siya sa mga ngiti nito. Napailing si Faye. Hindi na siya makatiis kaya buo ang loob niyang hinarap ang lalaki.

“Excuse me, bakit kanina ko pa napapansin na nakatingin ka sa akin? May dumi ba ako sa mukha o nagkakilala na ba tayo dati?” Lakas-loob na pagtatanong ni Faye sa lalaki.

“Ah..hindi naman. ‘Yun kasing…” Hindi matuluy-tuloy ng binata ang sasabihin.

“Yun kasing…” Napakamot sa ulo ang lalaki.

“Anong ‘yun kasing?” Iritado na si Faye pero nagpipigil pa din siya dahil parang nanghihinayang siyang magalit sa guwapong lalaki.

“Yun kasing suot mong blouse baliktad?” Ang malakas na sabi ng batang babae na sa tingin niya ay nasa sampung taong gulang ang edad na katabi ng lalaki. Kanina pa ito patingin-tingin sa dalawa. Hindi na rin siguro ito nakatiis kaya siya na ang nagsalita para sa lalaki.

“Hindi masabi-sabi ni Pogi, mukhang nahihiya siya sa’yo. May crush yata sa’yo. Kasi kanina pa siya tingin ng tingin sa’yo e.” Sabay tawa nang malakas na kinalingon ng ibang pasahero. Sinaway ng kasama niyang matandang babae ang bata sa pagiging pilya nito.

Namula si Faye at napatingin sa suot. Nakupo! Totoo nga. Baliktad nga! Napakagat siya ng labi at hindi makatingin sa lalaking nasa harapan niya. Kakamot-kamot naman sa ulo ang lalaki.

“Miss pasensya ka na sa anak ko, matabil lang talaga ang dila nito. ‘Yung suot mong blouse ay baliktad.” Lalong nahiya si Faye sa ginawang pag-uulit ng matandang babae. Sinabi na nga ng bata, inulit pa ng nanay.

Nag-init ang magkabilang pisngi ni Faye. Pakiramdam niya muli na naman siyang napahiya sa jeep na iyon. Nakatingin na ang lahat ng pasahero at mga nakangiti ito sa kaniya. Jusko Lord! Pangalawang beses na ‘to, pangalawang kahihiyan na niya ito. Kota na ko Lord! Eto na naman. Sisigaw na naman ako…

Buong-lakas at buong tapang na sinigaw niya ang… “Para—!” Huminto ang jeep at agad siyang bumaba. Nakita niya ang isang maliit na restaurant na nasa tabing daan. Nilakihan niya ang mga hakbang para makarating agad sa entrance nito pero hindi siya pinapasok ng guwardya.

“Bakit po kuya?” Nagtataka si Faye kung bakit hindi siya nito pinatutuloy sa pintong iyon.

“Ma’am doon na lang po kayo sa kabilang pinto magdaan, meron po kasing nililinis dito sa unahan baka po madulas kayo.” Tinuro nito ang isang pinto sa gawing kaliwa ng main entrance.

Pagtingin niya ay nililinis ng janitor ang sahig na malapit sa entrance. Nagkalat doon ang mga pagkain at softdrinks. Mabuti na lang pala at pinigil siya ng guard na pumasok kung hindi ay malamang sa nadulas pa siya dahil sa pagmamadali niya.

“Ah, sige po. Thank you.”

Nagmamadali siyang pumasok sa kabilang pinto nang mabunggo niya ang isang magandang babae na palabas naman sa pinto ding iyon.

“Ouch!” medyo na-out of balance ang babae sa pagkakabunggo nya sa braso nito at napahawak sa pinto.

“Sorry miss!” Nahihiyang tugon ni Faye. Tiningnan lamang siya nito at nagmamadali na rin ang babaeng lumabas ng pintuan.

Maganda ang babae. Maputi, matangos ang ilong at may pagkachinita. Hanggang balikat ang alun-along buhok nito na may kulay na hazel brown. Matangkad parang model. Nakasandals ito na puti na ang takong ay may three inches ang taas. Nakasuot ito ng plain na bestidang kulay itim na hanggang tuhod na sa tingin ni Faye ay mukhang mamahalin. May gintong kuwintas at bracelet. Bitbit sa kanang kamay ang pulang designer bag. Nilingon pang muli ni Faye ang babae sa labas at nakita niyang pinagbuksan ito ng pinto ng driver na nakauniform ng puting long sleeves sa gawing likurang bahagi ng itim na sasakyan. Ang kotse ay may tatak na ‘audi.’ Mayaman nga ito. Biglang napaisip si Faye. Parang nakita na niya ang babaeng ito. Familiar ang mukha niya. Hindi niya lang maalala kung saan niya ito nakita. Sa isang magazine ba o baka sa isang commercial sa TV? Nagkibit-balikat si Faye at agad nang tinungo ang comfort room.

Doon ay inayos niya ang damit niyang suot.

“Bakit naman kasi sa kamamadali ko kaninang umaga ay baliktad ko palang naisuot ang blouse ko?” Inis na inis si Faye. Panay ang himutok niya sa loob ng cr. “Nasaan ba ang kukote ko? Kung anu-ano na ang naiisip ko sa lalakeng iyon na akala ko mamanyakin ako, na baka holdaper iyon tapos ako pala ang nagkamali. Nakakahiya talaga. Shocks! Sana Lord, wala na pong kasunod ang kahihiyang ito.” Dasal ni Faye. Habang inaayos ang damit ay naaalala ni Faye ang mukha ng lalaki. Napangiti siya. At napailing na nasambit, “kung nasaan ka man ngayon, sorry…Sorry sa pag-iisip ko ng masama sa’yo.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status