Share

Chapter 2

Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko, malabo pa ito noong una ngunit luminaw din di kalaunan. Maliwanag ang buong paligid dahil sa kulay puting kisame at puting pader, familiar sa akin ang amoy ng paligid. Nasa hospital nga ako.

"G-gising na siya!" Rinig kong sigaw ni Finley at muli akong napapikit, narinig ko pa ang pagkakagulo ng mga narito.

"Quinn, ayos ka na ba?" Muli akong dumilat at tumingin kay mama na umiiyak habang nasa likuran niya si papa, hinahagod pa ang likod nito. Hindi ko magawang magsalita kung kaya't napatango na lang ako sa tanong na iyon. Tiningnan ko ang mga nasa kwarto, ang ilan sa mga tita ko at pinsan ko ang narito.

"Ilang araw akong walang malay?" Panghihina kong tanong sa kanila.

"Dalawang araw." Mabilis na sagot ni tita Dian. Tumango akong muli at ibinaling ang tingin sa bandang pinto, may isang lalaki kasing nakatayo roon. 

Nakasuot ito ng kulay itim na leather jacket at may binabasang libro na kulay itim din. Maganda ang ayos ng buhok nito at kahit hindi siya nakatingin sa akin, ay alam kong med'yo singkit ang mga mata nito, matangos ang itong niya at sobrang puti. Alam kong hindi namin niya kamag-anak dahil hindi ko siya mamukhaan.

May mga sinasabi ang doctor na kausap ngayon ni mama at papa, nagkukwento rin ang mga pinsan ko pero wala akong maintindihan dahil tutok ang attention ko sa lalaking nakatayo roon. 

Sa hindi mawaring dahilan, bumilis ang tibok ng puso ko nang bigla itong timingin sa akin at ngumisi, tanaw ko ang kulay abo nitong mga mata.

"S-sino ang lalaki na iyon?" Kahit may panghihina ay itinaas ko ang kamay ko para ituro ang lalaki.

"Sino? Wala namang tao d'yan, umayos ka nga. 'Wag ka nga manakot." Ramdam ko ang pagsiksik ni ate Jade, umiling akong muli at marahan na kumurap. 

"Mero'n, ayan siya nakatingin sa atin." Pagpumilit ko at humarap sa kanila. 

Bakas sa mukha nila ang takot sa sinabi ko, hindi ko alam kung bakit hindi nila nakikita ang lalaki na ito pero hindi ako nagkakamali may lalaking nakatayo roon.

"Tita, sabi ni Quinn may lalaki raw po sa pintuan." Panginginig ni Finley, habang hinihila ang laylayan ng jacket na suot ni mama. 

"Pagod ka lang Quinn, mamaya uuwi na rin tayo," saad pa ni mama at hinalikan ako sa noo. 

"Pero totoo po, may lalaki–nasaan na siya?" Nasaan na nagpunta ang lalaking kanina pa nakatayo roon? Lumabas na ba siya kaagad? 

"Pagod ka nga lang talaga." Saway pa ni kuya Denis. Muli akong tumingin sa mga pinsan kong narito, si Finley at ate Jade ay nakaupo sa tabi ko, si kuya Denis at ate Lynda naman ay nakatayo. 

Lumabas sila mama at papa saglit para raw maasikaso ang paglabas ko mamaya, ang mga tita naman ay nakaupo sa hindi kalayuan.

"Ano bang nangyari sa 'yo? Bakit kasi umalis ka sa tabi namin?" Pagalit na saad ni ate Lynda.

Ano nga ba ang nangyari noong araw na iyon? Kumunot ang noo ko para alalahanin ang mga nangyari noong araw na iyon.

"I-iyong babae." Gulong-gulo akong napatingin sa kanila. 

"Tapos 'yong magandang hotel." Kahit pa man malabo ay naaalala ko ang magandang hotel na iyon, hindi ako nagkakamali at hindi iyon panaginip lang.

"Kanina may lalaki, ngayon 'yong babae at magandang hotel. Nabagok nga ata talaga utak mo Quinn." Pang-aasar pa ni Finley, ngayon niya pa talaga naisipan na magbiro ng ganito.

"Hindi ako nagbibiro. Nakita ko ang magandang hotel." Halos magmakaawa na ako sa kanila para lang pakinggan ako, pero pinagtawanan lang nila ako.

"Anong maganda sa hotel na iyon? Nakita mo na nga na pangit ang lugar hindi ba? Luma na masyado, maganda ba panaginip mo noong wala kang malay?" Tanong pa ni ate Jade habang tumatawa pa rin sila.

"Totoo, nagulat nga rin ako, e. Pero maganda talaga, malabo ang paningin ko pero parang high class at pangmayaman talaga ang hotel na 'yon." Mahaba kong paliwanag sa kanila. Alam ko totoong nangyari iyon, hindi ako maaaring magkamali sa nakita ko. 

"Naalog nga utak mo, saka mo sa amin ikwento kapag ayos ka na," saad pa ni kuya Denis.

"Babalik na tayo ng Manila mamaya, naayos na namin mga gamit mo. Kung hindi ka lang sana na hospital matagal pa tayo rito sa Baguio." May panghihinayang pa sa tono ng pananalita ni Finley,  bago siya tumayo.

"Kasalanan ng babae, kung hindi niya ako ginulat sa make-up niyang nakakatakot hindi sana ako nahulog." Kung hindi lang talaga ako nagulat sa mukha niya. Hindi naman ako matatakutin pero mabilis akong magulat.

Pero ano kayang trip ng babaeng iyon at nagmake-up pa na akala mo ay multo? 

"Sino ba kasing babae? Wala ngang ibang ando'n, tayo-tayo lang. Hibang ka na ghorl?" Nakataas pang kilay ni kuya Denis, umirap ako at humalukipkip. 

Nakahiga lang ako habang nakatingin sa kanilang nagtatawanan. 

Sabagay paano nga naman nila makikita ang babaeng iyon, wala pala sila sa pinangyarihan. Pero hindi ibig sabihin na hindi nila nakita ay akala nilang wala talagang andoon. Baka balak mang-prank ang problema nahulog ako.

Matapos kong makakuha ng lakas ay umupo ako. Sila tita at iba kong mga pinsan ay umalis muna para kumain, naiwan si Finley na nakasalampak sa sofa habang tutok sa kaniyang cellphone, nakasukbit pa sa kaniyang tainga ang bagong bili niyang wireless earphone. Hiniram ko muna ang laptop ni kuya Denis para may magawa rin ako, gusto ko sanang mapanood ang vlog nila.

Tutok ako sa panonood ng vlog nila sa YouTube pero dahil alam ko na ang mga pangyayari, sa comment section ako nagbasa. 

Marami ang nagsasabi na ang creepy raw ng lugar, maging ang ilan sa mga nag-comment ay galing na rin daw sila sa lugar na iyon at talagang may nararamdaman na kakaiba. Ang oa lang nila magkwento, sa totoo lang wala naman akong ibang naramdaman sa lugar na iyon kung hindi pagod.

Habang nagbabasa ng mga comment ay may isang pumukaw ng attention ko.

"Are you okay now?" Mahina kong basa rito. Umayos ako ng upo at inangat ang mga tuhod para mas lumapit sa akin ang laptop. Binisita ko pa ang channel nito. Pure black lang ang icon ng channel niya. 

Napalunok pa ako dahil sa panunuyo ng lalamunan ko, mabilis rin ang tibok ng puso ko habang titig sa pangalan nito. Hindi ako mabilis matakot sa totoo lang, pero iba ang pakiramdam ko rito lalo na noong basahin ko ang pangalan nito.

'Mirg repaer' ang pangalan nito pero kapag binasa pabaliktad ay, 'Grim reaper.'

"Boom!" Halos paitapon ko na ang laptop na hawak ko sa sobrang gulat dahil sa biglaang sulpot ni kuya Denis.

"Bakit sobrang seryoso mo kasi manood?" Tanong nito na agad umupo sa tabi ko.

"Tingnan mo ito, ang weird kasi, bakit niya itatanong kung okay na ba ako. Tapos 'yong pangalan pa niya, Grim reaper kapag binaligtad." Sabay abot ko sa kaniya ng laptop para ipakita ang comment na iyon.

"Saan? Wala namang nakasulat dito?" Kunot noo niyang ibinalik sa akin ang laptop. 

"Mero'n, it–nasaan na?" Imposible naman na ganoon niya kadali mabura ang comment na iyon. Ang weird.

"Sinabi ko naman kasi na magpahinga ka na muna, ang tigas kasi ng ulo mo," saad nito na agad kinuha ang laptop, inagaw ko pa ito pero mabilis niya rin naitago.

"Promise kuya, totoo mga sinasabi ko." Pagpilit ko ditong paniwalaan ako pero wala siyang naging sagot kung hindi ang pagtango. 

"Pabalik na rin sila tita, babalik na tayo ng hotel at doon ka matulog. Nabagok nga ata talaga ang ulo mo." 

Napabuntong hininga na lang ako sa sinabi niya. Matamlay akong napatingin sa kaniya na ngayon ay palapit kay Finley. 

Bakit ba walang naniniwala sa 'kin? Totoo naman ang mga sinasabi ko.

Umirap ako sa kawalan at napatingin sa bintana na salamin. Nanlaki ang mga mata ko at tinitigan itong mabuti, naroon sa labas iyong lalaki at kumaway pa sa akin. 

Muli akong tumingin kila kuya Denis at Finley, ngunit abala silang dalawa na nakatingin sa laptop, gusto kong isigaw na naroon ang lalaki pero hindi ko magawa.

Muli akong bumaling ng tingin sa lalaking iyon, nakangiti pa rin ito sa akin. Tumayo ako at lumakad palapit sa salamin, inilapat ko pa ang dalawa kong palad upang mas makita pa siya lalo.

Nakita ko ang pagtingin nito sa kaniyang dalang kulay itim na notebook at tumingin sa gawing kanan. Napatingin din ako roon at nakita ang isang pasyente na itinatakbo, duguan ito ngunit hindi ko masyadong makita dahil sa dami ng mga taong nagtutulak dito. Mabilis silang lumagpas sa amin ngunit may isang pinigil ang lalaking ito. Nakasuot ng kulay blue na t-shirt at black na short ang babaeng ito, natanaw ko rin ang dugo sa mga kamay niya.

Kausap ito ng lalaking naka-leather jacket na black at binuksan ang kaniyang notebook, may sinabi pa ito sa babae pero hindi ko maintindihan dahil nga nasa loob ako. Tanaw ko ang panlulumo ng babae, kahit pa nakatalikod ito, para siyang may nalaman na isang bagay na ikinagulat niya talaga.

Muli akong napalunok dahil sa panunuyo ng lalamunan ko at mabilis din ang tibok ng puso ko, sa unang pagkakataon na humarap ito sa kinatatayuan ko, ay mabilis nanindig ang balahibo ko. Para akong naging isang bato sa kinatatayuan ko. 

Bumungad sa akin ang malalim nitong mga mata at tuyong labi na nangingitim pa, nanginginig ang mga kamay kong inalis sa salamin at bumaba ang tingin sa tiyan nitong puno na ng dugo.

Hindi kaya ang babaeng ito ay ang babaeng isinusugod kanina? Pero bakit ko siya nakikita? Bakit siya nakakausap ng lalaking 'yon? 

Nanginginig ang mga tuhod kong napaatras habang ang mga mata ko ay tutok sa kanilang dalawa. Pagod lang siguro ako kaya kung anu-ano ang nakikita ko o baka naman may shooting ng movie rito? Pero hindi, e. Hindi ako naniniwala sa multo, alam ko hindi totoo ang multo.

"Quinn." Napasigaw ako matapos akong hawakan ni Finley sa balikat, napatingin ako sa kaniya na nagtakip pa ng tainga. Mabilis akong tumingin sa labas pero wala na silang dalawa. 

"Quinn, ano bang nangyayari sa 'yo?" Tanong nito, pero hindi ko binalingan ng pansin, agad akong nagtungo sa pinto at lumabas. Tumingin pa ako sa kanan at kaliwa pero hindi ko sila nakita. 

"Anong ginagawa mo? Pumasok na na nga." Pilit akong hinila ni kuya Denis, itinulak ko pa siya para maglakad. Gusto kong hanapin ang dalawang iyon, hindi ako matatahimik kung patuloy na babagabag sa isipan ko ang mga natunghayan ko. 

Patuloy ako sa paglalakad kahit pa kulang na lang ay kaladkarin ako ni kuya Denis pabalik sa room ko, pero patuloy akong naghahanap sa isang bagay na hindi ko maintindihan. Hindi ko alam ang nararamdaman ko, ngayon lang ako natakot ng ganito, to the point na gusto ko ng umiyak.

"Ano ba, Quinn?" Hindi ko na napigilan ang maiyak nang humarang si kuya Denis sa harapan ko, napatingin pa ang ibang tao dahil sa sigaw nito. 

"Ano bang nangyayari sa 'yo?" Napatingin ako sa mga mata nito, kahit pa nanlalabo ang paningin ko dahil sa pag-iyak, natanaw ko rito ang pagkalito.

"Iyong lalaki na sinasabi ko, nakita ko siya ulit. Andito lang siya." Pilit ko siyang hinawi pero hindi niya ako hinayaang makaalis, hinawakan niya ako sa magkabilang braso at hinarap sa kaniya.

"Makinig ka." Humigpit ang hawak nito sa braso ko at tumingin sa akin ng deretsyo.

"Pagod ka lang, okay? Maraming lalaki sa hospital na ito. Bumalik ka na sa loob dahil aalis na rin tayo mamaya." Napapikit ako at nagpunas ng aking pisngi. Tumango ako kasabay ng pagdilat ko.

"Tara na," saad pa nito at inalalayan akong maglakad pabalik. Tanaw ko pa si Finley na nakatayo sa pintuan na animo'y takot sa inasta ko.

Pero hindi ako maaring magkamali sa mga nakita ko, may kakaiba talagang nangyari noong araw na iyon. May kakaibang nangyari sa akin matapos ang aksidente na iyon. Katawan ko ito, kilala ko ang sarili ko, hindi ako nababaliw. Alam kong may mali, alam kong may kakaiba. 

Hindi ako takot, pero naguguluhan ako. Gusto kong makausap ang lalaking iyon, pakiramdam ko ay siya lang ang may kayang sumagot sa mga katanungan kong ito.

Pero sino nga ba siya at anong kinalaman niya sa mga nangyayaring ito sa akin?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status