Share

Chapter 6 - Date

“Sir Julio, good afternoon. Narito po pala kayo,” bati ni Samuel kay Mr. Enrique nang makasalubong niya ito malapit sa elevator ng 9th floor kung saan naroon ang opisina ni Shalanie.

Ngumiti ito ng makita siya.

“Bakit hanggang ngayon ay Sir Julio pa rin ang tawag mo sa akin? Bakit hindi na lang Tito?” tanong nito kay Samuel.

“Superior ko po kayo, parang nakakailang kung hindi ko kayo tatawaging Sir,” nahihiyang sagot niya rito.

“Naku ‘tong batang ‘to. We both know that’s not the case.” Tumawa ito at mahinang tinapik siya sa braso. Ngumiti naman siya.

Bigla ay naalala niya ang pagdalaw nito sa bahay na tinutuluyan niya noong nakaraan lang pagkatapos ng kaarawan ng kanyang ina.

“Gusto ko po pa lang magpasalamat sa pagdalaw n’yo sa bahay noong nakaraang araw,” magiliw niyang wika.

“Wala iyon. Kamusta, nakauwi na ba ng Pilipinas ang Mama mo at mga Auntie mo?”

“Opo, kahapon ng umaga. Safe naman po ang naging flight nila.”

“Mabuti kung ganoon.”

Ilang minuto pa silang nagkwentuhan. Hindi kasi sila nag-abot noong bumisita ito sa kanila kaya hindi sila nakapag-usap at nakapagkuwentuhan noon. Nalaman lang niya sa kanyang ina na bumisita ito.

Kinumusta rin nito ang trabaho niya at pabirong tinanong kung makakatagal pa ba raw siya sa trabaho niya. Humirit pa ito na baka raw makuha na niya ang work habits ng kanyang boss.

“Your boss went through a lot that’s why she’s like that. Maybe you could teach her how to slow down. It wouldn’t hurt to try.”

“Let me think about it.”

“Here comes your boss, Sam. Sige, hijo. I’ll go ahead,” paalam na nito kay Samuel nang makita nito si Shalanie na kalalabas pa lang ng opisina nito.

Tumango naman siya rito bilang tugon at iniwan na siya nito. Sinundan pa niya ito ng tingin habang papalayo patungo sa kanang bahagi kung saan naman naroroon ang opisina ng Chief Marketing Officer.

Nilingon niya si Shalanie. Naglalakad ito patungo sa dereksyon niya pero mukhang dadaan lang ito. Abala ito sa pakikipag-usap sa isang lalaki na ngayon lang niya nakita sa MWSI. Sa palagay niya ay hindi ito empliyado o nagtatrabaho sa kompanya.

Tiningnan niya mula ulo hanggang paa ang lalaki. Ang hula niya ay hindi sila nagkakalayo ng taas ng lalaki. Guwapo, mestizo at halatang may sinabi sa buhay, base sa kutis at pananamit nito. Sino naman kaya ito? Isip- isip niya.

 As a sign of courtesy, binati niya ang mga ito nang dumaan sa harap niya. Parang walang narinig na nilagpasan lang siya ng mga ito. Parang naging hangin lang siya na hindi man lang tinapunan ng tingin at nagpatuloy lang mga ito sa pag-uusap habang patuloy din sa paglalakad. Napakunot ang noo niya. Ganoon ba ka importante ang pinag-uusapan ng mga ito para hindi siya mapansin ng mga ito.

Sinundan niya ang mga ito. Naririnig niya ang pag-uusap ng dalawa at base doon ay wala itong kinalaman sa trabaho.

“Are you going to watch the concert?” tanong ng lalaki sa boss niyang si Shalanie.

“I’d loved to, Jake. But you know how busy I am,” malambing na sagot naman ni Shalanie sa lalaki.

“Ililibre pa naman sana kita ng ticket.” Nagulat si Samuel nang magtagalog ito. Akala niya ay hindi ito pinoy dahil mukha itong banyaga.

Si Shalanie ang pumindot ng botton pagpasok nila sa elevator. Sa ground floor ang tungo ng mga ito. Kaagad din siyang pumasok sa elevator bago ito magsara. Pumuwesto siya sa kaliwang bahagi habang ang dalawa ay nasa kanang bahagi naman. Hindi pa rin siya pinapansin ng mga ito.

Nalaman niyang ang concert ng Arcade Fire ang pinag-uusapan ng mga ito. Nagulat siya ng malamang paborito ni Shalanie ang famous rock band ng Canada. Pareho pala sila nitong mahilig sa rock music. Hindi iyon mahahalata kung titingnan ito.

Alam niyang hindi tama na sundan niya ang mga ito ngunit may parte sa kanyang isip na nagsasabing tama lang ang ginagawa niya.

'Assistant niya ako. Trabaho ko naman talaga na bumuntot sa kanya,' pagja-justify niya sa ginawang pagsunod kay Shalanie. Trabaho nga naman niya iyon at wala naman sigurong masama roon.

Nauna nang lumabas ang dalawa nang bumukas ang pinto ng elevator at nakasunod lang siya sa mga ito. Ni hindi man lang siya natapunan ng kahit isang sulyap ni Shalanie.

Inihatid ni Shalanie hanggang sa lobby ang kasamang lalaki na Jake ang pangalan. Nabanggit ito ni Shalanie habang nag-uusap sila.

Napakunot ang noo niya nang makitang hinalikan ni Jake si Shalanie sa magkabilang pisngi nito. Ang boss naman niya ay yumakap kay Jake. Pinigilan niya ang sarili na mainis pero hindi niya maiwasang pumalatak ng malakas. Pero parang walang mga narinig na hindi siya pinansin ng mga ito. Mga bingi ba ang mga ito at wala man lang pumansin o nakarinig sa kanya?

Maya-maya pa ay binalingan siya ni Shalanie nang makaalis na si Jake. Ibig sabihin alam niyang naririyan lang si Samuel ngunit hindi niya pinapansin dahil sa kasama nitong lalaki.

“Anong schedule ko ngayong hapon?” parang walang anuman na tanong nito nang makalapit ito sa kanya.

“May meeting ka mamayang hapon sa COO,” mabilis na sagot niya.

“And after that?” muling tanong nito.

“Wala na, Boss.”

“Okay.”

Naglakad na ito patungo sa elevator. Sinundan naman niya ito. Pumasok ito sa loob ng elevator ng bumukas iyon kaya't mabilis rin siyang pumasok sa loob. Wala silang ibang kasabay. Habang nasa loob ng elevator ay binanggit nito ang tungkol sa gagawing farm visit sa Niagara Peninsula, southern shores of lake Ontario.

May importanteng meeting ang COO sa araw na iyon kaya si Shalanie ang pinapupunta para sa farm visit at iyon ang idi-discuss sa kanya mamaya sa meeting nila ng COO.

“And you’re coming with me, Samuel,” maawtoridad nitong ani.

Wala namang bago roon. Halos maging anino na nga siya nito sa loob ng walong buwan na pagtatrabaho niya bilang executive assistant nito. Sa pagtulog lang yata sila nagkakahiwalay. At baka nga sa susunod magkasama na rin sila pati sa pagtulog. Gusto niyang matawa sa naisip. Bigla ay nag- vibrate ang phone niya sa loob ng bulsa ng suot niyang coat.

“Boss—,“ may sasabihin sana siya pero kaagad na pinutol iyon ni Shalanie.

“That’s an order, Samuel.”

“Hindi ito tungkol sa farm Visit. May phone call ka, Boss. Si Mr. Lim.” Iniabot niya kay Shalanie ang cell phone na gamit niya sa trabaho.

Kinuha naman ni Shalanie ang Cell phone na iniabot niya. Sa pag-abot naman nito niyon ay napansin ni Samuel ang malaking pasa sa braso ni Shalanie. Kitang-kita iyon dahil sa maputing balat nito.

Ilang sandaling kinausap ni Shalanie si Mr. Lim. Tungkol sa negosyo ang pinag-uusapan nila. Pagkatapos nagpag-uusap ay ibinalik nito ang cell phone kay Samuel.

“Ano’ng nangyari sa braso mo, Boss? Ayos ka lang ba?” pag-aalalang tanong ni Samuel.

Tumingin naman si Shalanie sa braso nito. “Hindi ko alam,” walang gana nitong sagot.

Napapalatak siya. Sa sobrang busy nito sa trabaho, pati nangyayari sa katawan nito ay hindi na nito napapansin pa. At sa laki ng pasa nito, tiyak na lingo ang aabutin bago ito mawala. Napaano naman kaya ang braso nito?

“May cream ako para sa pasa, Boss. Lagyan natin yang braso mo,” alok ni Samuel. Naroon pa rin ang pag-aalala niya para sa boss niya.

“There’s no need. Mawawala rin ito.” Tumanggi naman ito pagkatapos ay naghikab ito. Halatang pagod na pagod at inaantok. Mukhang nagpuyat na naman ito.

“Mas maganda nang lagyan ng cream para mas mabilis mawala ang pasa mo, Boss. Pabaon iyon sa akin ng Mama ko, para daw kung sakali na magkapasa ako habang narito ako sa Canada,” pagbibida naman niya.

Tiningnan siya nito saka umiling-iling. “Mama’s boy ka, ano?” biglang tanong nito na ikinatawa naman niya.

“Hindi naman sa gano'n. Close lang talaga kami ng mama ko dahil wala na akong papa. Hindi pa ako ipinanganganak noong mamatay siya.”

Biglang sumeryoso ang anyo ni Shalanie. “Sorry to hear that. Pareho pala tayong wala ng ama pero mabuti ka pa nga at may ina ka pa. My parents died when I was sixteen. After they passed away, nagbago ang lahat sa buhay ko,” malungkot ang tinig nito. Nagbago rin ang anyo ng mukha nito.

“Hala ka, Boss. Sorry, wala ka na pa lang parents. Pero, boss, marami pala tayong things in common. Baka may ibig sabihin ‘to?” bigla ay nakaisip siya ng kalokohan.

“Like what?” takang tanong nito at tumaas pa ang kilay.

“Baka palitan kita sa posisyon mo,” nakangising sagot niya. Nagbibiro lang siya pero mukhang seryoso ang boss niya.

“Yeah, right. That’s something to look forward to. I want to try your mom’s cream. Go get it.” Nagmadali na ito sa paglalakad at iniwan na siya nito. Napangisi siya habang pinagmamasdan ito papalayo.

Pumasok na si Shalanie sa opisina nito at si Samuel naman ay bumalik na sa p’westo niya. Nang makuha niya ang cream sa kanyang bag ay kaagad na siyang nagtungo sa opisina ni Shalanie. Kumatok muna siya bago pinihit ang siradura ng pinto at saka pumasok sa loob. Wala ito sa table nito kaya napalinga siya sa paligid. Nakita niya si Shalanie na nakahiga sa couch.

“Boss Lanie?” tawag niya at nilapitan niya ito. Nakapikit ito at umuungol. Sinalat niya ang leeg at noo nito. Normal naman ang temperature nito pero nag-alala siya sa itsura nito. Namumutla kasi ito.

“Anong nararamdaman mo, Boss? Ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong niya dito. Binalot siya ng pag-aalala dahil nitong mga nagdaang mga araw ay napapansin niya ang pamumutla at pagiging matamlay ng boss niya. Nasobrahan na naman yata ito sa trabaho. Hindi kasi uso ang pahinga sa boss niya.

“N-Nahihilo ako, Samuel,” mahinang sabi nito.

Kaagad na tumawag si Samuel sa clinic at pinaakyat ang company doctor. Habang hinihintay nila ang doctoc ay inayos niya ang pagkakahiga ni Shalanie sa couch.  

Hindi nagtagal ay dumating ang doctor. Kinuhanan nito ng vital signs si Shalanie.

“Your work has taken its toll on your body. You need complete bed rest, Ms. Shalanie. Sobrang baba ng BP mo,” ani ng doctor kay Shalanie.

“Kaya na ito ng gamot, Doc.” Sagot naman ni Shalanie. Talagang matigas ang ulo nito kahit na sinabi na ng doctor na kailangan nito na mapahinga ay hindi pa rin yata uubra.

“No, kailangan mo ng pahinga,” muling bilin ng doctor dito.

Humarap kay Samuel ang doctor at binilinan siya. Seryoso siyang nakinig at tinanggap ang reseta. May ibinigay ding gamot ang doctor na kailangan ng inumin ng boss niya kaya inalalayan niya itong makainom ng gamot.

“May meeting pa ako sa COO, Samuel,” wika pa nito kahit nanghihina pa dahil sa pagkahilo.

“Huwag na muna ngayon, Boss. Maiinitindihan din naman siguro ni Mr. Tyron na masama ang pakiramdam mo.”

“Kaya ko.” Tatayo na sana ito ng pigilan ito ni Samuel. Napailing pa si Samuel dahil sa pagiging mapilit nito.

“Gamutin na muna natin ang pasa mo.” Matigas talaga ang ulo ng boss niya. Hindi ito nakikinig kahit pa nga doctor na ang nagsabi dito. Puro trabaho ang nasa isip nito.

Napaayos ito ng upo at naupo rin si Samuel sa tabi nito. Parang batang inilahad nito ang braso kay Samuel. Sinimulan naman niyang pahiran ng cream ang braso nito na may pasa.

“Remind me to give you a bunos at the end of the month.”

Napatitig siya rito dahil sa sinabi nito. Tama nga si Arah nang minsang mapagkwentuhan nila si Shalanie. Kahawig nga ito ng isang Hollywood actress. Ang mga labi nito ang pinakamagandang feature nito. Biglang sumagi sa isip niya kung ano kaya ang pakiramdam ng mahalikan ang mga labing iyon. Ngunit dagli rin niya iyong pinalis sa kanyang isip. Hindi tama na mag-isip siya ng ganoon patungkol sa kanyang boss.

“Ilibre mo na lang ako sa Atist’s studio, okay na sa akin iyon, Boss,” masayang ani niya.

“Para mo na ding sinabi na ilibre kita ng date,” nangiwing sabi naman nito.

Napangisi siya. “Hindi ako ang nagsabi niyan. Pero parang ganoon na nga.” Hinampas siya nito sa braso. Natawa naman siya ng malakas.                  

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status