Share

CHAPTER 3 ANG MULING PAGKABUHAY NG AMBISYON NI MARIZ

“N-NASA PILIPINAS na si Gerald?” 

            Napangisi si Jay-are, “Kung magsalita ka parang close kayo ah,” pabirong sabi nito sa kanya.

 Inirapan lamang niya ito.  Ayaw niyang magpahalata na parang may mga kabayong nagsipulasan sa kanyang dibdib nang marinig ang pangalan ng lalaki.

“K-kailan ka raw magsisimula sa trabaho mo?” Tanong ulit niya.

“Sa Lunes.  Susunduin ko raw sa airport iyong mapapangasawa ni Sir Gerald,” kwento nito sa kanya. 

“Mapapangasawa?” Kumunot ang nuo niya.  “F-Foreigner siguro?” mapakla ang ngiting tanong niya.

“Foreigner ka dyan.  Hindi mo ba alam na tiga San Mateo ang girlfriend nun!  At dating kaklase mo pa!”

“K-Kaklase?”

“Si Andrea, kaklase mo siya nung high school, di ba?”

Napakurap siya.  Bagsak ang kanyang mga balikat.  Naalala niya si Andrea.  Palagi niya itong nakakalaban sa Quiz Bee at mga beauty pageant na sinasalihan niya nuon dito sa San Mateo.  Ito ang lihim niyang karibal dito sa bayan ng San Mateo.  Naging konsehal sa San Mateo ang tatay nito, hindi masasabing kasing yaman ng mga Montero ngunit ang usap-sapan sa kanila ay may mga tago itong pasugalan kaya maraming pera.  Gayunpaman ay di siya nagpapasindak kay Andrea kahit pa nga madalas ay kinukutya siya ng mga kaibigan nito dahil alam ng mga itong nagmula siya sa angkan ng mga katulong. Pero mabait naman sa kanya si Andrea.  Hindi lang niya alam kung totoo o pakitang tao ang pagiging mabait nito sa kanya.  Pero di naman mahalaga iyon. Deep inside, alam niyang pera lang ang lamang nito sa kanya.  Pero sa lahat ng aspeto, sigurado siyang mas lamang siya dito.

 Hindi naman kaila na mas matalino siya at mas maganda kesa dito. 

Pero hindi na niya tiyak iyon ngayon lalo pa at malayo na ang narrating nito sa buhay.  At ngayon ay girlfriend na ito ng isang Montero? At hindi magtatagal, magiging ganap na Montero na rin ito.

Kapag sinuswerte nga naman.

Parang gusto kong maglupasay at pagtawanan ang aking sarili ng mga sandaling ito.  Anong nangyari sa akin?  Bakit nandito pa rin ako sa ganitong estado ng buhay ko, ni hindi na ako nakawala pa. . .

 Hindi niya alam na ito ang girlfriend ngayon ni Gerald.  Kailan pa naging malapit sa isa’t-isa ang dalawang iyon? 

Ang tanda niya, pagka-graduate nila ng high school ay sa Maynila na ito nagpatuloy ng pag-aaral.  Inggit na inggit nga siya.  Nagtapos siyang Valedictorian ngunit dahil nagdadalantao hanggang first year college lang ang narating niya.  Pagkatapos kasi ng nangyari sa kanya, nagkaroon siya ng depression at napabayaan niya ang kanyang pag-aaral kung kaya’t natanggalan siya ng scholarship.  Bukod pa sa naging abala na rin siya sa pag-aalaga sa kanyang anak.

Sabi nga ng Ate Loida niya, kung gaano kataas ang pangarap niya ay ganuon rin kataas ang bagsak niya.  Wala naman yatang nasabing maganda sa kanya ang Ate niya.  Kahit nuong narape siya ay never niya itong naringgan ng emotional support.  Pakiramdam pa nga niya ay parang ginusto nitong nangyari iyon sa kanya para matulad siya dito na maagang nagkapamilya.

            “Galing din syang Amerika?” Tanong niya, ayaw man niyang ipahalata ay hindi maipagkakaila ang nararamdamang inggit sa tono ng kanyang pananalita.  Bata pa lamang siya ay pangarap na niyang makatapak sa Amerika, for greener pasture sabi nga.  Pero bakit parang lahat ng pinapangarap nya nuon, si Andrea ang tumupad?

            “Oo.  Nauna lang daw si Sir Gerald ng isang linggo pauwi dito Pinas.  May inasikaso ata si Sir.  Baka iyong nalalapit nilang pag-iisang dibdib.”

            Parang may gustong magprotesta sa pinakatagong bahagi ng dibdib niya.  Ngayon pa lang ay parag nakikinikinita na niya si Andrea habang pinagtatawanan siya.  Ano na ba ang narating niya?  Hanggang ngayon, nandito pa rin siya sa San Mateo, sales lady sa isang maliit na department store.  Habang si Andrea, hayun at nakarating na sa Amerika at ngayon ay mapapangasawa ng pinakamayamang angkan dito sa bayan ng San Mateo.

            Magaling.  Magaling.  Magaling.

            Napag-iwanan na siya ng iba niyang mga kaklase.

            Ke yabang-yabang pa naman niya, wala naman pala siyang mararating.  Magagaya rin lang naman pala siya sa Ate Loida niya, nangarap pa mandin siya ng pagkatayog-tayog.  Hayup, gusto niyang durugin ang taong sumira ng buhay niya.

            “Pagbutihin mo ang pagtratrabaho kay Gerald, sikapin mong makuha ang loob nya para dagdagan ang sweldo mo,” aniya sa asawa.

            “Balita ko, naghahanap siya ng sekretarya, ipasok kaya kita sa kanya?”

            “Kailangan nya ng sekretarya?” Takang tanong niya, “H-hindi na ba siya babalik sa Amerika?”

            “Ang alam ko, for good na sila dito after ng kasal since mahina na si Don Felipe at wala naming interes dito sa San Mateo ang ama ni Gerald.  Saka si Gerald ang paboritong apo ng matanda kaya sino pa bang napupusuan nun na papalit sa pwesto nya kundi ang paborito?”

            “M-Mabuti n-napapayag nila si Gerald?”

            “Tatanggihan pa ba niya ang buhay niya dito? Di hamak namang mas masarap pa rin ang buhay dito sa Pinas kesa sa Amerika.”

            “Kung kasingyaman ka ng mga Montero,” patuyang sabi niya dito, “Pero hindi sa maralitang mga kagaya natin.”

            “Nainggit na naman ang Misis ko,” pabirong sabi ni Jay-are sa kanya.

Ni hindi siya napangiti.  Kulang na lang ay pukpukin niya ito para dumiskarte.  Hindi niya alam kung saan ito nagmana ng pagiging batugan nito gayomg masipag naman sa pagtartarbaho ang mga magulang nito. 

“Hayaan mo pagtama ko sa lotto, lahat ng pangarap mong bahay, kotse at mamahaling mga alahas, bibilhin ko saiyo!”

“Kung sa lotto mo iaasa ang mga pangarap mo, para mo na ring sinabing mamatay na lang tayong ganito habang buhay!” Yamot na sabi niya dito.

“Hindi ka pa ba masaya na nakahanap na ko ng trabaho?”

Hindi na siya umimik pa.  Pero gusto niyang sabihin kay Jay-are na hindi niya pinangarap na maging asawa lang ng isang driver. 

“Nasaan nga pala si Gerald ngayon?”

“Nasa Maynila pa.  Sa Linggo, uuwi siya dito sa San Mateo.”

“Ipasok mo akong sekretarya nya.” Aniya sa asawa.

“Seryoso?  Alam mo naman kung gaano kaistrikto ang mga Montero!  Baka mahirapan ka lang!”

“Mas mahirap ang nakatayo maghapon sa trabaho!” Sagot niya saka tinalikuran na ito bitbit ang bag, “Wag mong kaliimutang painumin ng vitamins si Joey mamaya pagkakain ng tanghalian.  Baka alas-onse na ko makauwi, mag-oovertaym ako ngayon.”

           

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status