Share

Chapter 11: Kiss Mark

Kanina pang hinihintay ni Amos ang nobya sa labas ng gymnasium kung saan magaganap ang basketball game sa pagitan ng mga streets sa Kiki village. Tinawagan niya si Zein para siguraduhin ang pagpunta nito pero wala pa ang dalaga. Hindi niya alam kung bakit big deal sa kaniyang nandoon ang babae sa laro niya pero isa lang ang sigurado niya. Gusto niyang lagi itong nakikita.

Two weeks pa lang ang relasyon nila at wala pa naman silang naging problemang mabigat ni Zein. Totoo ang sinabi niyang gusto niyang kalimutan si Zelda at malaking tulong ang kaniyang nobya para magawa iyon kaya nagkaroon siya ng mithiing mas makilala pa ito. Masaya siya sa piling ng dalaga. 

Hindi niya tuloy naiwasang magkumpara. Mas masayang kasama si Zein kaysa sa kapatid nito. Walang limitasyon o kahit na anong pumigil sa kaniya para ipakita kung ano siya kapag kasama ito. Natural lang lahat ng pinakita niya samantalang noong sila pa ni Zelda, magandang katangian niya lang ang pinakita niya rito dahil inisip niyang masyado itong perpekto para sa kaniya at iyon na rin siguro ang dahilan kung bakit siya pinagpalit sa ibang lalaki.

“Amos, let’s go. Tinatawag na tayo ni Coach Ed,” imporma sa kaniya ni Barney na nasa likod niya na pala.

Kinusot niya ang ilong at nagpakawala ng hininga. “Wala pa ang girlfriend ko.”

Biglang ngumisi si Huge at pinaglaruan ang hawak na bola. “Si Batman, right? I want to know her. Gusto kong malaman kung paanong ang isang Amostacio Reolonda ay nababaliw dahil sa kaniya.” Napailing ito. “I can’t believe you. Hindi ka ganyan kay Zelda dati. If I will meet that Batman personally, for sure I will like her.”

Marahas niyang inagaw ang bola mula sa kamay nito at matalim na tiningnan ang binata. “Don’t you dare, Eugenio. She’s already mine so back off.”

Mahina itong tumawa. “The only successor of Reolonda’s Group of Companies is possessive to his woman. Ikaw ba ’yan, Amos?”

Natigilan siya. Tila may bumara sa lalamunan niya. Hindi niya alam kung bakit siya naging ganoon. Pagdating kay Zein, ayaw niyang may kahati. Siguro ay nadala lang siya sa panloloko sa kaniya noon ni Zelda. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin matanggap ng ego niya. 

Alam niyang komplikado ang sitwasyon nila ng bagong nobya at hindi niya alam ang mangyayari kapag nalaman ni Zelda na may relasyon sila ng nakababatang kapatid nito. Sinabi naman sa kaniya ng kasintahang hindi muna nito ipaaalam ang relasyon nila sa ate nito. May bahagi pa rin sa puso niya ang ex-girlfriend subalit handa naman siya kung malaman nito dahil naniniwala siyang makatutulong iyon para tuluyan niya na itong makalimutan.

“Let’s go,” pag-aya sa kaniya ni Barney. Inakbayan siya nito kaya wala siyang nagawa kundi magpatianod.

Sumalubong agad sa kanila ang malakas na hiyawan ng mga tao. Hindi pa man nagsimula ang game pero pinuno na agad ng ingay ang buong gymnasium. Pinagmasdan niya ang paligid. Ang daming may hawak ng banners para sa mga pambatong streets ng mga ito pero ang labis niyang ipinagtaka ay kung bakit ang daming supporters ng Gamski gayong kaunti lang naman ang mga residente sa street niya. Napatingin siya sa mga kababaihang tinawag ang pangalan niya. Nagsalubong ang mga kilay niya nang makita ang hawak na banner ng mga ito na may picture at pangalan niya.

I hope my baby will also do that for me.

Biglang may gumuhit na ngiti sa kaniyang mga labi dahil sa kaniyang naisip. Nawala ang ngiti niya nang mas lumakas ang tili ng mga babae. Tumalon ang mga ito na parang nanalo na sila sa game. Simpleng kinawayan niya na lang ang mga ito bilang pasasalamat at napailing na lang siya nang magwala ang mga ito. Halos mapunit na nga ang banner na hawak.

Mabuti sana kung si Zein ang magkakaganyan kapag kinawayan ko.

Pumunta siya kay Coach Ed. Binigyan lang sila ng instructions sa game. Pagkatapos ng meeting, pumunta muna siya sa isa sa mga bleacher para kunin ang cellphone sa bag niya. Nadismaya siya nang makitang wala pang reply si Zein sa kaniyang huling text. 

Nagtipa na lang siyang muli ng mensahe para sa nobya. I am waiting, baby. Nagpakawala siya ng malalim na hininga bago pumunta sa mga kasamahan niya.

Busy sila sa pag-streching samantalang si Huge ay kinausap ang muse nila. Hindi niya kilala ang dalagang iyon. Nabigla na lang silang magkakaibigan nang sabihin ni Huge na ang dalaga na lang ang gawing muse nila. Wala pang pinapakilala sa kanilang babae ang binata kaya naman nabigla sila at ang mas malala pa, kasama nito ang dalaga sa bahay. 

Hindi naman nila pinilit na magpaliwanag si Huge dahil magkukusa naman ang lalaki kung gusto nitong magkuwento sa kanila. Hindi na sila umapela pa dahil puro lalaki sila. May kapatid na babae si Barney pero hindi naman puwede sa ganoong klaseng patimpalak. Gusto niya sanang si Zein ang maging muse nila pero taga-Mapski naman ito.

“Kuya Bread!” Agad niyang hinanap kung saan nanggaling ang tinig na iyon. Ang kakambal lang ni Barney na si Detty ang tumawag sa kaniya ng Kuya Bread. Nasumpungan niya agad ito at natawa siya nang mahina nang makita ang hawak nitong banner na may picture nilang magkakaibigan. Hawak nito sa isang kamay ang teddy bear na lagi nitong dala. May special needs si Detty pero ni minsan ay hindi iyon naging kakulangan para rito. Napaka-sweet at maalalahanin nito kahit may sakit sa pag-iisip. Para silang nakahanap ng bunsong kapatid kaya pinangako nilang magkakaibigan na lagi itong poprotektahan.

Ibinaba ni Detty ang banner kaya nakita niya kung sino ang katabi nito. Lumakas ang kabog ng dibdib niya. Parang may lumipad sa sikmura niya na bago lang sa kaniya. Seryoso lang itong nakatingin sa kaniya. Wala pang espesyal na ginawa si Zein para sa kaniya subalit sobra na ang kasiyahang dinulot sa kaniya nang makitang nandoon ito at tahimik na nakaupo habang pinagmamasdan siya. Lakad-takbong lumapit siya sa mga ito. 

“Hi, Kuya Bread!” masiglang bati ni Detty. Ngumiti ito nang matamis sa kaniya kaya ginulo niya ang buhok nito. 

Dahan-dahan siyang lumingon kay Zein na nakasandal sa upuan. Nakahalukipkip ang dalaga at nakapatong ang isang hita sa kabila nitong hita. Namamangha siyang ngumisi.

Mayabang pa rin.

“Nandito na ako,” simpleng saad nito pero nagbigay sa kaniya ng kakaibang kilabot na gustong-gusto niya ulit maramdaman.

“What took you so long?” malambing niyang tanong. Hindi niya akalain na maglalambing siya sa babae. Ni minsan ay hindi niya pa iyon ginawa. Umupo siya sa paanan niya at kinuha ang kamay nito para ilapat sa pisngi niya. “I am happy now that my darling is here.”

Diniin ni Zein ang kamay nitong hawak niya sa kaniyang pisngi. Natawa na lang siya sa kilos na iyon. Hindi marunong maglambing ang dalaga kaya napilitan siyang maglambing. Baka sakaling mahawaan niya ito. “Nasiraan ako ng sasakyan. Ang kulit mo pa sa text. Kapag sinabi kong dadating ako, dadating ako, Mang Tasyo.”

“Saan ka sumakay? Nag-taxi ka ba?”

Inosenteng umiling ito. “Umangkas ako sa motor ni Lester.”

Umangkas? Saan umangkas? Kaninong motor umangkas?

Nagpanting ang mga tainga niya sa narinig. “What?!” pasinghal niyang tanong. Tumayo siya kaya tiningala siya ni Zein.

“Do I need to repeat myself?” kunot-noong tanong ng dalaga. “Umangkas ako sa motor ni Lester.”

“Why did you repeat it?!”

“Kasi baka hindi mo naintindihang umangkas ako sa motor ni Lester.”

“Damn! Why?” Hindi niya makontrol ang emosyon niya. Naglaro sa isip niya ang sinabi ni Zein. Ang kaniyang girlfriend na mahigpit ang yakap kay Lester habang nakasakay sa motor ay talagang nagpakulo ng dugo niya.

Tumayo ang kaniyang nobya at pinameywangan siya. “Bakit parang galit ka? Ayaw mo akong ma-late, hindi ba? Mabuti nga, dumating si Lester.”

“Pero hindi ko sinabing umangkas ka. You’re hugging him while I am waiting for you, Zein. That’s ridiculous!”

Inilagay nito sa sulok ng pisngi ang dulo ng dila pagkatapos ay mahinang tumawa. “You’re jealous,” siguradong-siguradong sabi nito.

Pakiramdam niya ay biglang nag-init ang kaniyang mukha. Umiwas siya ng tingin. Nanlaki ang mga mata niya nang maramdaman ang mga labi nito sa pisngi niya. Napahawak siya sa baywang ng dalaga. Simple lang ang halik na iginawad nito sa kaniyang pisngi ngunit milyong-milyong boltahe ng kuryente ang dumaloy sa buong sistema niya.

Hindi makapaniwalang lumingon siya kay Zein. Nakayuko na ito. “Why did… you do that?” Para siyang nakalutang sa ere.

“Good luck sa game mo,” mahinang bulong nito. Tumunghay ang dalaga sa kaniya at marahas siyang napalunok nang kagatin nito ang pang-ibabang labi. “There’s a mark… of my lipstick.”

Tatanggalin sana nito iyon pero agad siyang umatras. “No,” madiin niyang tanggi. Tumalikod siya at doon pinakawalan ang kanina niya pang pinigil na ngiti. Nahagip ng mga mata niya si Detty na gumawa ng heart sign. Sa kabila ng ngiti, nagsalubong ang mga kilay niya nang makitang namula si Corn.

“Mang Tasyo, tatanggalin ko,” pamimilit sa kaniya ni Zein. Nawala ang atensiyon niya sa dalawa at humarap muli sa kasintahan. Agad niya itong niyakap. Titingalain sana siya nito pero sinubsob niya ang mukha ng dalaga sa dibdib niya.

“I don’t want to remove your kiss mark. Kahit hindi pa ako maligo ng ilang araw, ayos lang.” Tumawa siya nang malakas nang marinig ang reklamo nito.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status