Share

Chapter 5

          “MARAMING salamat, ha?” sabi ni Luisa sa lalaking nagligtas sa kanya. Walang iba kung hindi ang lalaking palaging nakatayo sa tapat ng bahay niya.

          “Walang anuman, mabuti na lang at narinig kitang sumigaw.”

          Biglang tumulo muli ang luha ni Luisa nang maalala ang muntik nang mangyaring masama sa kanya.

          “Oh, tahan na,” pag-aalo nito.

          “Kung hindi ka dumating, hindi ko ma-imagine kung ano na ang kinahinatnan ko.”

          “Pero dumating naman ako, wala ka dapat ipag-alala.”

          Matapos ang nangyaring gulo, pinayuhan si Luisa ng lalaking tumulong sa kanya na pumunta sa pulis para i-report ang nangyari. Sinasama niya ang lalaki ngunit sinabi nito na susunod na lang, pero hindi rin ito pumunta sa presinto. Doon nailarawan niya ang itsura ng lalaking pumasok sa loob ng bahay niya at nagtangkang gumahasa sa kanya. Kasama sa nireport niya ay ang perang nakuha nito mula sa kanya.

          Sa kasamaang palad, dahil sa gulo ng isip at takot, hindi nakita ng maayos ni Luisa ang itsura ng lalaki nang tanggalin ang mask na tumatakip sa kalahating mukha nito. Nang dumating naman ang lalaking nagligtas sa kanya, madilim ang paligid kaya hindi niya naaninag ang mukha nito. Matapos niyang mag-report ay hinatid pa siya ng mga nakakilalang pulis sa kanya.

          “Bakit pala hindi ka sumunod sa presinto?”

          “Ah, pasensya ka na ha? May emergency din bigla sa bahay kaya nagmadali akong umalis, hindi na ako nakasunod sa’yo. Pero anong sabi sa’yo ng mga pulis?”

          “Ipapahanap daw nila, pamilyar daw sa kanila ‘yong suspect base sa pagkakalarawan ko. May ilan babae na rin daw ang nagreport sa kanila na pareho ng nangyari sa akin, pinasok ng magnanakaw tapos ni-rape. Masuwerte nga daw ako dahil hindi natuloy ‘yong nangyari sa akin.”

          “Okay ka na ba ngayon?” tanong pa sa kanya ng lalaki.

          Bahagyang ngumiti si Luisa. “Oo.”

          “Kung ganoon, mauna na ako,” paalam nito.

          Agad tumayo ang lalaki at naglakad patungo sa pinto sa kusina, kung saan marahil ito dumaan kanina maging ang magnanakaw. Ngunit nang maalala ni Luisa na mag-iisa na naman siya, nakaramdam siya ng takot.

          “Sandali lang!” pigil niya dito.

          Huminto sa paglalakad ang lalaki. “Huwag mo muna akong iwan, natatakot akong mag-isa,” mangingiyak-ngiyak na sabi niya.

          Lumingon sa kanya ang lalaki at matagal siyang tinitigan. Para bang pinag-iisipan nito kung pagbibigyan siya o hindi. Huminga ito ng malalim saka bumalik.

          “Sige,” pagpayag nito at muling naupo sa katabi niyang bakanteng silya doon sa dining table.

          “A-Ano nga pala ang pangalan mo?” tanong pa ni Luisa.

          Inabot nito ang isang palad. “Levi. Levi Serrano.”

          Bahagyang tumikhim si Luisa at tinanggap ang pakikipagkamay nito.

          “Luisa. Maria Luisa Ramirez,” pagpapakilala niya.

          “I know.”

          “Huh? Kilala mo ako?” gulat at napamulagat na tanong niya.

          Nagkibit-balikat ito. “Not really, naririnig ko lang madalas ang pangalan mo. Sa umaga, kapag tinatawag ka ng mga kasama mo dito sa bahay, naririnig ko ‘yon.”

          Nakaramdam ng awa si Luisa para sa lalaki.

          “Ibig sabihin pala, hindi ka lang sa gabi naghhihintay doon sa labas? Buong araw?”

          “Hindi naman palagi, kapag may oras lang ako sa umaga. Pero mas madalas

akong maghintay sa gabi.”

          “Puwede ba akong magtanong?”

          “Sige,” sagot ng lalaki.

          “Iyong hinihintay mong babae, bakit ka siya umalis?”

          Malungkot na ngumiti si Levi pagkatapos ay umiling. “Hindi ko rin alam.”

          “Ang suwerte naman niya,” mayamaya ay sabi niya.

          “Sino?” nakakunot-noo na tanong ni Luisa.

          “Iyong babaeng mahal mo, ang suwerte niya dahil kahit iniwan ka niya, naghihintay ka pa rin.”

          “Alam ko, babalik din siya.”

          “Ang sabi mo, taga-rito siya?”

          Marahan itong tumango. “Kaya ako palaging naghihintay diyan sa tapat ng bahay n’yo dahil nagbabaka-sakali ako na bumalik siya dito.”

          “Eh paano kapag hindi na siya bumalik?”

Sinalubong ni Levi ang kanyang tingin at ngumiti.

“Babalik siya, naniniwala ako na babalikan niya ako.”

DAHIL sa nangyaring panloloob sa bahay at tangkang paggahasa sa kanya, ilang araw ang nakalipas matapos ang insidenteng iyon, mula sa Maynila ay umuwi ng Santa Catalina ang kanyang Tita Marga at agad pinaayos ang lahat ng pinto ng bahay. Pinagdagdagan nito ang mga iyon ng lock para tiyak na safe siya at hindi na maulit ang nangyari.

          “Oh, ayan, siguradong hindi ka na mapapasok dito.”

          “Thank you, Tita.”

          “You should’ve called me,” sabad naman ni Ian.

          “Magulo ang isip ko nang mga panahon na iyon kaya hindi ko na naisip ‘yon. Saka may tumulong naman sa akin eh.”

          Galit na pumalatak si Ian. “I will kill that bastard when I see him.”

          Umismid si Marga sa anak. “Diyan ka magaling sa gulo, hayaan mo na ‘yong mga pulis. Pasalamat na lang tayo at walang nangyaring masama dito kay Luisa.”

          “Ma, hindi ko puwedeng pabayaan na lang ‘yong gagong ‘yon!”

          “Oh, eh, san lupalop mo nga hahanapin?”

          Tumikhim siya ng malakas para awatin ang mag-ina. “Oops, tama na, baka mag-away na naman kayo,” natatawang sagot niya.

          “Sinabi mo na may tumulong sa’yo? Sino?”

          Napangiti si Luisa nang maalala si Levi. “Hindi ko alam kung taga-rito siya, pero madalas ko siyang nakikita dito, nagkataon na nariyan siya sa tapat nang gabing ‘yon, siguro narinig niya ang sigaw ko, kaya dali siyang pumasok at tinulungan ako. Binugbog n’ya ‘yong magnanakaw.”

          Napailing na lang ang Tiyahin niya at mula sa lapag ay nilagay nito ang tatlong plastic bags na puno ng grocery items.

          “Kung sino man siya, mabuti na lang at tinulungan ka niya. At ito na pala, pinag-grocery na kita ng mga kailangan mo. Kung may iba ka pang kailangan, tumawag ka lang sa akin o kaya kay Dexter, puwede na rin dito kay Ian.”

          Ngumiti siya. “Salamat po.”

          “Good for two weeks ‘yan groceries na ‘yan, well depende sa’yo.”

          “Pero Tita, kumikita naman ako sa trabaho ko ngayon, hindi n’yo na po ako kailangan ibili. Saka puwede naman ako na lang ang bumili ng groceries ko,” sabi niya.

          Nawala ang ngiti ni Marga nang marinig iyon mula kay Luisa.

          “Alam mo na hindi ka puwedeng lumayo dito sa Santa Catalina. Gusto mo bang mapahamak? Iyon nga na nandito ka lang sa bahay muntik ka pang ma-rape. Para sa’yo rin ang ginagawa ko na paghihigpit, Luisa.”

          Hindi na kumibo si Luisa. Sa halip ay tumungo siya at malungkot na tumango.

          “Naiintindihan mo ba?”

          “Opo.”

          Marahas na bumuntong-hininga si Ian sabay padabog na tumayo. Napatingin silang dalawa dito. Wala itong sinabi ngunit alam niyang nagalit dito dahil hindi nagustuhan ang sinagot ng ina nito.

          “Napaka-walang modo talaga ng batang ‘yan!” inis na sabi ni Marga.

          “O sige na, mauuna na rin ako at sa Maynila pa ako uuwi.”

          “Opo, ingat kayo sa biyahe.”

          Bago ito makalabas ng bahay ay dumating naman si Nanay Elsa at Tere. Nang gabing mangyari ang insidente ay wala ang mag-ina sa silong kung saan ito tumutuloy. Si Nanay Elsa ay doon umuuwi sa kapatid nito tatlong bayan ang layo mula doon. Samantala si Tere naman ay palaging sa gabi ang duty.

          “Elsa, Tere, kayo na ang bahala kay Luisa.”

          “Opo, Madam.”

          “Ikaw Elsa, ha? Layas ka ng layas dito, palagi mong iniiwan si Luisa,” sermon pa nito sabay irap.

          “P-Pasensya na po, Madam.”

          Nang makaalis na ang kanyang Tita Marga ay parang lahat sila doon ay

nakahinga ng maluwag.

          “Apaka talaga ng matandang ‘yon, ang sunget!” reklamo ni Tere.

          Natawa na lang siya.

          “Huwag n’yo na siyang intindihin ‘Nay Elsa, basta hangga’t kailan kayo kailangan ng kapatid n’yo. Ayos lang naman ako dito, ngayon pa na nadagdagan na ang lock ng mga pinto,” sabi pa ni Luisa.

          “Salamat at naintindihan mo,” nahihiyang ngumiti sa kanya ang may edad na babae.

          “Pinaglihi yata sa sama ng loob ang impaktang ‘yon,” komento pa ni Tere.

          “Hoy, ‘yang bunganga mo!” mabilis na saway nito sa anak. “Kahit na ganyan ‘yan tandaan mo siya pa rin nagpapa-suweldo sa akin.”

          Nagmamaktol na ngumuso si Tere at hindi na nagsalita pa.

          Sopistikada. Iyan ang kanyang Tita Marga. Sa tuwing nagkikita sila, hindi maaaring hindi ito nakabihis ng magara. Designer’s clothes. Designer’s shoes and bags. Bukod doon ay masisilaw ka sa mga alahas na suot nito na puro dyamante. Tama ang sinabi ni Tere, masungit nga ito. Palaging nakataas ang kilay nito at kapag tumingin ay parang sinusukat ang pagkatao ng kaharap nito.

          Sa totoo lang, kahit na Tiyahin ni Luisa ito. Hindi kailan man napalagay ang kanyang loob dito. Hindi niya gusto ang presensya nito. She is always anxious when Marga is around. Lalong hindi niya gusto ang pagko-kontrol nito sa kanya.

          “Hayaan n’yo na po si Tita. Nakaalis na naman siya, gaya pa rin ng dati ang routine natin.”         

          TUMINGIN si Luisa sa nakasaradong bintana at sandaling pinanood ang pag-agos ng tubig ulan doon. Mahigit isang linggo na hindi umulan, ngayon lang ulit at wala pa rin isang oras mula ng bumuhos ito.

          Habang nakatingin sa bintana, biglang naalala ni Luisa si Levi. Bigla siyang

tumayo at sumilip sa labas. Napangiti siya nang matanaw na naroon na naman ito sa labas. Agad siyang lumabas ng kuwarto saka dumiretso lumabas ng bahay dala ang payong.

          Nang makita siya ni Levi, sinundan siya nito ng tingin nang buksan niya ang gate at tuluyan lumabas doon at lapitan ito. Pinasukob niya ang binata sa ilalim ng dalang payong.

          “Palagi ka na lang naghihintay sa ilalim ng ulan, baka magkasakit ka na niyan. Halika, doon ka na sa loob maghintay.”

          Ngumiti si Levi.

          “Sigurado ka ba?”

          “Oo naman.”

          “Sabi mo takot ka sa akin at hindi ka komportableng nandito ako.”

          Marahan siyang natawa. “Dati ‘yon, noong hindi ko pa alam na harmless ka.”

          Natawa din ang binata.

          “Halika na sa loob, samahan mo ako. Ako lang ulit mag-isa diyan.”

          “Sige, kung ayos lang talaga sa’yo.” 

          Nang maka-akyat sila sa bahay, nakangiting sinalubong ni Luisa si Levi ng ngiti matapos luwagan ang pinto.

          “Pasok ka,” sabi pa niya.

          “Salamat.”

          “Upo ka muna, kukuha lang ako ng towel,” sabi pa niya.

          Marahan itong tumango. Umupo si Levi sa tapat ng dining table at tahimik na lumingon sa paligid ng buong bahay. Samantala, nagmamadali si Luisa na pumunta sa kuwarto at agad kumuha ng tuwalya. Hindi maipaliwanag ng dalaga ang sayang nararamdaman. Levi is a mere stranger. Pero ngayon naroon na ito sa loob ng kanyang tahanan. She felt a strange feeling of relief and comfort. Bukod sa pangalan at dahilan kung bakit ito madalas nakatayo sa labas ng bahay, wala nang alam pang ibang impormasyon tungkol kay Levi. Ngunit hindi magawang itanggi ni Luisa na wala siyang takot at panatag ang kalooban niya sa binata. Marahil iyon ang bunga nang pagligtas nito sa kanya at nagawa nitong kunin ang tiwala niya.

          “Oh, eto, magpunas ka muna,” sabi pa niya nang lumabas muli sa kuwarto.

          “Salamat,” sagot ulit nito.

          Naupo si Luisa sa kabilang bakanteng sila. Mayamaya ay tumingin sa kanya si Levi.

          “Bakit mo ako pinapasok dito? Kung tutuusin isa pa rin akong estranghero, wala kang alam tungkol sa akin.”

          Huminga ng malalim si Luisa.

          “Totoo naman ‘yan, pero sapat na para sa akin dahilan para ibigay ang tiwala ko sa’yo matapos mo akong iligtas. Ilang linggo ka na diyan nakatayo sa tapat ng bahay. Kung may gagawin kang masama, dapat noon pa.”

          “What makes you think that I’m not planning anything?”

          Imbes na maalarma o matakot, natawa na lang si Luisa.

          “Ewan ko, basta, hindi ako natatakot sa’yo. Hindi ako nag-aalala. Masaya pa nga ako na nandito ka.”

          Napakunot-noo si Levi.

          “Ba’t mo naman nasabi?”

          Malungkot na ngumiti si Luisa.

          “Because I am always alone. Nariyan nga sa baba nakatira sila Nanay Elsa at Tere pero palagi naman silang umaalis sa gabi. Si Tita naman at mga anak n’ya, sa Maynila nakatira. Kaya palagi akong walang kasama.”

          “So, you want me to be here to save your sanity?” pabirong tanong ni Levi.

          “Siguro,” natatawang sagot ni Luisa.

          Humugot ng malalim na hininga si Levi. “Thank you for saying that. It makes me happy to know that you trust me this much. Huwag kang mag-aalala, dadalasan ko ang pagdalaw sa’yo dito. Iyon ay kung okay lang ba sa’yo na palaging ganitong oras ako pupunta? Hindi kasi ako puwede kapag umaga.”   

          “Okay lang, tulog naman din ako sa araw eh.”

          Napahinto si Luisa nang ilahad nito ang palad sa harap niya.

          “Friends?”

          “Yes, friends,” nakangiting sagot ni Luisa.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status