Share

Chapter 4

Naomi

Bumangon ako paupo ngunit akong napapikit ng mariin. Pumintig ng masakit ang sintido ko. Sobrang sakit ng ulo ko. Tumayo ako pero agad ding natigilan. Masakit ang pagitan ng mga hita ko. Iba rin ang pakiramdam ko doon. Bigla akong nag-aalala kaya kahit may iniinda ay nagmadali akong lumabas para hanapin si nanay.

"Nay?" tawag ko. Pumunta ako sa kusina para tingnan kung naroon s'ya pero wala s'ya doon. Napakatahimik din ng buong bahay. Wala rin yata si Addison. Lumabas ulit ako at tiningala ang orasan. Alas-dyes na pala ng umaga.

Kabado akong umupo sa sofa at pilit na inalala ang nangyari kagabi. Nagse-serve lang ako dahil ipinaki-usap ako ni nanay kay Madame Martha.. at si Congressman Quinn, sa kanila ako nakatoka. At saka paano ako nakauwi nang hindi ko naaalala? Nawalan ba ako ng malay dahil sa sama ng pakiramdam ko kagabi?

Hinilot-hilot ko ang sintido kong pumipintig pa rin. 'Alalahanin mo ng maigi.'

Bigla namang pumasok sa isip ko si Congressman at ang iba pang mga eksena. M-May nangyari sa amin?

Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Natigagal ako at napatulala. Pinanghina rin ako ng senaryong naalala ko. Sana ay isa lang 'yong panaginip. Pero hindi. Isang pruweba ang masakit kong gitnang-hita at malinaw na malinaw sa isip ko ang eksenang 'yon.

Nanlumo ako bigla at nandiri sa sarili. Ako ang lumapit sa kaniya at parang nagmakaawa pa na may mangyari sa amin. Pero p-paano ko nagawa 'yon? Hindi. Hindi ako ang babaeng 'yon.Hindi ko iyon magagawa.

Napaiyak ako at nawalan ng gana sa sarili ko. Ngayon ay ang dumi ko na. Katulad na rin ako ng iba. Wala na akong dignidad. Sinira ko ang lahat.

Napahagulgol na ako at marahas na kinapitan ang bawat parte ng katawan ko na parang mabubura no'n ang duming kumapit na sa katawan ko. "Ahh. Nakakadiri ka, Naomi," gigil kong sabi sa sarili. Kulang na lang ay masugatan ko ang balat ko.

Nasa ganoon naman akong sitwasyon nang dumating si nanay. "Anong iniiyak-iyak mo d'yan, Naomi?"

"N-Nay," tawag ko sa kaniya na animo'y humihingi ng tulong kahit alam kong wala naman iyong magagawa. 

"Tumayo ka na d'yan. Ayusin mo ang sarili mo. May naghihintay sa'yo sa labas."

Hinabol ko si nanay na papasok sa kusina at pinigilan sa kaniyang braso. "Nay. S-Sabihin mong walang nangyari. Sabihin mong panaginip lang 'yon," desperada kong sabi kahit pa alam kong totoo iyon at hindi lang panaginip. Gusto ko lang umasa na hindi. Gusto ko lang paniwalain ang sarili ko.

Iwinakli ni nanay ang kamay ko at kunot-noo akong tiningnan. "Tumigil ka nga sa kaka-drama mo. Hindi ko alam ang pumasok d'yan sa kukote mo at ginawa mo 'yon. Ang sabi mo ay mag-aaral ka 'di ba? At pumayag na ako. Pero ngayon ginawa mo rin!"

Umiling ako. "H-hindi ko alam ang g-ginawa ko, nay. Maniwala ka s-sakin."

"Ano lang pala, Naomi? Bigla na lang nangyari, gano'n ba? Bigla na lang kayong nagsiping?"

Umiling pa rin ako. Hindi ko matanggap na ginawa ko 'yon. Hindi ko alam! Hindi ko alam kung bakit nangyari 'yon. Hindi ko alam kung bakit naramdaman ko na lang 'yong bigla!

"Inaarte-arte mo?" bungad ni Addison na pupungas-pungas pa. "Dinadrama mo d'yan? Bakit hindi ka na lang magsaya at sa wakas ay makakaalis ka na sa bahay na 'to."

"Addison," saway ni nanay na ikinairap lang naman nito at hindi nagpa-awat.

"Tsk. Umalis ka na nga rito. H'wag mo na kaming dramahan d'yan dahil kahit umiyak ka pa ng dugo, wala nang magbabago. Bwisit na 'to, sinira mo ang tulog ko."

Napayuko na lang ako at umiyak lang nang umiyak sa harap nila.

"Mag-impake ka na. Kinausap ko na si Congressman dahil kailangan ka niyang panagutan."

"Ayoko, nay," iling ko pero hindi siya nagpatalo.

"Paano kung mabuntis ka? Alangan namang hindi ka niya panagutan? Siya itong matino kagabi. Pinagsamantalahan ka niya, Naomi. Naiintindihan mo?"

"M-Matino?"

Iniwas niya ang tingin sa akin at tinalikuran ako. Pero hinabol ko s'ya. "Alam mo ba ang nangyari sa akin, 'nay? P-Please, sabihin mo naman ho sa akin oh," pagmamakaawa ko na. Desperada na ako. Gusto kong malaman ang totoo dahil alam ko sa sarili kong hindi ko magagawa 'yon.

Nagbuntong-hininga si nanay at hindi tumitingin sa aking nagsalita. "Hindi ko nasabing may alak ang ininom mong juice. Nakalimutan ko."

"P-Pero isang baso lang namang juice ang nainom ko at hindi naman ako malalasing ng ganoon lang. Sabihin mo sa'kin 'nay, anong nangyari? Nay-" Iwinakli niya ang nanginginig kong kamay nang tangkain ko s'yang hawakan ulit. Hinarap niya ako ng may masamang tingin at salubong ang kilay.

"Pinagdududahan mo ba ako, Naomi? Umayos ka nga? Nagkasundo na ta'yo hindi ba? Pinayagan na kitang mag-aral hindi ba?" tumaas ang kaniyang boses kaya't napayuko ako. Hindi ko na alam ang iisipin ko. Naguguluhan ako!

"Ayusin mo nga 'yang sarili mo, Naomi. Naghihintay na ang sundo mo sa labas. Sinabi na ni Congressman Alvarez na papanagutan ka niya. At hindi naman ako papayag na ganoon na lang 'yon."

Bigla akong nag-panick. "H-Hindi na k-kailangan 'nay. Dito na lang ako. A-Ako naman ang may kasalanan kung bakit 'yon nangyari." Mahirap man pero tatanggapin at kakalimutan na lang ang nangyari huwag lang akong sumama dito. Wala rin naman akong mukhang ihaharap kundi kahihiyan. Natatakot din ako na magalit siya dahil sa ginawa ko.

"Tanga ka ba ha? Anong hindi kailangan? Sobra ang pag-iingat mo sa sarili mo tapos ngayon ay sasabihin mong hindi kailangan? Ginagawan lang kita ng pabor kaya mas maiging magpasalamat ka na lang at matuwa. Tigilan mo ako Naomi ah. Ayusin mo na ang sarili mo kung ayaw mong ako pa ang gumawa niyan sa'yo!" galit na niyang sigaw sa mukha ko.

"N-Nay--"

"Ayusin mo na ang sarili mo at baka mainip sila sa kakahintay sa'yo. Tama na ang drama dahil kahit maglupasay ka pa d'yan, wala nang magbabago kasi nangyari na. Sasama ka sa kaniya sa ayaw at sa gusto mo. Iyon ang desisyon ko kaya wala kang magagawa kundi sundin ako. Bilisan mo na. Huwag ka ng dumagdag sa mga kahihiyan ko!"

Nagmatigas pa rin ako. "A-Ayaw ko 'nay. H-Hindi ako sasama sa kanila."

"Aba at--" Hinarap niya ako at itinulak ang noo ko gamit ang kaniyang hintuturo. "Gaano ka ba kabobo at hindi mo ako maintindihan? Sasama ka sa gusto mo man o sa hindi. B'wisit ka. Ikaw na nga itong inaalala, ikaw pa ang paayaw-ayaw. Paano kung mabuntis ka? Kaya mo bang palakihin mag-isa 'yang magiging anak mo kung sakali? E sarili mo nga, hindi mo kayang buhayin dahil d'yan sa sinasabi mong dignidad! Letse!"

Mas napaiyak pa ako lalo at hindi na nakasagot pa. Kahit yata magmakaawa ako sa kaniya at halikan ang mga paa niya ay hindi na magbabago pa ang desisyon niya.

ISANG oras ang lumipas, walang buhay ang mga mata kong nakatingin sa labas ng bintana ng sinasakyan kong van. Makulay ang paligid pero ang pakiramdam ko ay kabaliktaran. Magkahalong mabigat at magaan, parang nawawa ako sa kamalayan. Gusto kong tanungin ang mundo kung bakit kailangang mangyari ito sa akin. Gusto ko lang naman ng simpleng buhay, mag-aral, makapagtapos at maibigay ang gustong buhay ni nanay. Ano na lang ang mangyayari sa akin kasama ang lalaking ni hindi ko pinangarap na mapasa akin? Ang posisyon lang ni Congressman at pangalan ang alam ko tungkol dito , bukod do'n ay wala na, hindi ko s'ya kilala. Magiging madali kaya ang buhay ko kasama s'ya? Paano kung magalit siya? Paano kung mayroon na siyang nobya at masira ko ang relasyon nilang dalawa?

Napakahirap ng ganito, wala rin naman akong mapagpilian. Wala akong choice para sa sarili ko, hindi ko masunod ang sarili kong desisyon dahil hindi ko magawang salungatin si nanay. Wala akong kapal ng mukha para gawin 'yon. Napakahina ko. Ni hindi ko manlang kayang ipagtanggol ang sarili ko.

Kalahating minuto pa ang nagugol sa biyahe nang tumigil ang van sa harap ng isang magarbong bahay. Lumabas na ang driver pero nanatili ako sa loob. Kinakabahan ako, nanlalamig, at nahihiya. Pagkatapos ng nangyari ay parang wala akong mukhang ihaharap kay Congressman. Kasalanan ko ang nangyari sa amin. Ang tanging pagkakamali lang niya ay ang ibigay niya ang gusto kong mangyari. Pero kung ako lang ang magdedesisyon ay pipilitin ko na lang kalimutan at umaktong parang hindi talaga iyon nangyari. Pero hindi ko talaga matatakasan si nanay. Ayaw kong sirain niya ang reputasyon ni Congressman Quinn dahil lang sa kapabayaan ko. Kilala ko si nanay, gagawin niya kung ano man ang gusto niya at ang desisyon niya lang palaging dapat na masunod.

Napatingin ako sa bumukas na pinto sa tabi ko.

"Nandito na tayo, Miss Naomi," ani ng driver.

Nameke ako ng ngiti at bumaba na. Nanginginig ang mga tuhod kong tumayo lang habang nakatingin sa malaking bahay sa harap ko. Maganda at malinis rin ang paligid pero manlang ako nakaramdam kahit kaunting pagkasabik. Nangingibabaw ang nararamdaman kong kaba dahil makakaharap ko si Congressman, at takot dahil hindi ko alam ang mangyayari pagkatapos nito.

Tahimik akong sumunod sa driver papasok sa loob ng bahay at isa namang nakakabinging katahimikan ang sumalubong sa aming pareho. Pero maya-maya lang ay may narinig akong yabag pababa ng hagdan. Baka si Congressman na iyon. At hindi nga ako nagkamali. Agad akong nagyuko at napahawak ng mahigpit sa gilid ng palda kong suot. At habang papalapit ang mga yabag niya ay para akong mauubusan ng hangin sa katawan, hindi ako makahinga ng maayos. Parang gustong kumawala ng puso ko sa dibdib ko dahil sa sobrang lakas ng kabog.

"Aalis ako," saad ni Congressman sa malamig na boses. Maikling salita lang din 'yon pero libo-libong kaba na ang idinulot sa akin.

Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kaniya. Sa driver siya nakatingin.

"M-Magandang g-gabi ho," utal kong bati. Nilingon naman niya ako. Wala manlang reaks'yon ang mukha niya. Napakalamig no'n.

"Walang maids dito. Tulungan mo ang sarili mo," aniya sa mas malamig pang boses saka ako nilagpasan. Kasunod nito ang driver kaya naiwan akong mag-isa sa kinatatayuan ko. Nasundan ko na lang sila ng tingin hanggang sa makalabas na sila ng pinto. At kahit isinarado na 'yon ng driver ay nakatingin pa rin ako doon. Hindi ko alam ang unang ikikilos. Natutunan ko lang ihakbang ang mga paa ko nang marinig ang pag-andar ng sasakyan nila paalis.

Nahugot ko ang aking hininga at napaupo sa sofa. Ano ito? Bakit ganito? Hindi ako mapalagay, hindi ako komportable. Hindi ko alam kung bakit natatakot ako kay Congressman kahit wala naman s'yang ginawa o sinabing masama sa akin. Napapitlag ako nang biglang mag-vibrate ang cellphone kong nasa sling bag ko. Kinuha ko naman 'yon at nakitang si Clarissa ang tumatawag. Hindi ko 'yon sinagot kahit ring iyon ng ring. Hindi pa ako handang sagutin ang mga tanong niya. Baka nga may alam na rin siya na wala na ako sa bahay.

Lumabas na lang ako at pumunta sa maliit na pavillion na nakita ko. At mula sa kinauupuan ko ay tanaw ko ang mga dahon ng puno na sumasabay sa malamyos na ihip ng hangin. Mas nadagdagan pa ang bigat sa dibdib ko dahil do'n. Bigla akong nangulila sa mga panahong masaya pa ako at puno ng kainosentihan. Hindi ko alam na ito pala ang mangyayari sa akin.

Inihiga ko ang kalahating katawan ko sa kinauupuan habang ang mga paa ay nasa sahig. Bigla akong nakaramdam ng antok kaya ipinikit ko ang mga mata ko. Hindi ko naman planong umidlip dito pero hindi ko namalayang nakatulog na pala ako. Nagising lang ako dahil sa malalakas na kulog. Bumangon ako at nakitang madilim na ang paligid. Malakas din ang ulan at basa na pala ako. At dahil sa lamig ay sinuong ko na ang malakas na ulan at bumalik na sa loob. Agad akong nagpalit ng damit. At pagkatapos no'n ay pumasok ako sa kusina. Hindi ko alam kung dito kumakain ng hapunan si Congressman pero kailangan ko rin magluto. Baka dumating siya at walang pagkain. Adobong manok ang iniluto ko dahil bukod naman sa manok ay wala ng ibang p'wedeng maiiluto.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status